#01

28 16 4
                                    

Hemlo. Take care of yourself. ⊂(´・◡・⊂ )∘˚˳°













"Live sa San Mateo, Rizal sa Timberland Heights kung saan matatagpuan ang nasabing aksidente ng mga 'di umano'y nagsisiklista. Ani ng witness, dumako ang mga siklista sa daan na kung saan ay tinatawag nilang 'siko' na isa sa mga matarik na daan rito. Dagdag pa ng witness ay waring hindi nito nakontrol ang bisikleta dahil humahangos raw ito pababa at nagdire-diretso sa bandang siko. Dito sa bandang punuan ay kung saan naganap ang aksidente kaninang alas-siete ng gabi."






***

     "DAAAAANG!" sigaw ng isang binata papunta sa kung saan ay may mga pulis at ambulansya ang rumesponde. "Hindi! Hindi 'to totoo!"

Nilampasan lamang nito ang mga dilaw na linyang bumalot sa buong lugar at tumakbo sa pwesto kung saan nagkukumpulan ang mga paramedic.

     "DAAAAANG!"

     "Sir, hindi po kayo pwede rito," pigil ng isang pulis sa kanyang harapan bago pa makalapit ang binata. "Sir!"

Hindi ito nagpapigil sa pulis at tumakbo papunta sa mga paramedic. "Excuse me!" hinawi nito ang mga humahawak sa dalagitang walang malay.

Nag-uumpisa nang pumatak ang mga luha nito. "Dang! Nandito na ako, Dang. Kumapit ka, Dang! Please!" tapik nito sa maganda nitong mukha. Namumutla na ito. Natauhan ang binata nang makita nito ang mga dugong nagmumula sa katawan ng dalaga.

Nagpumiglas ang lalaki nang bigla siyang pwersahang hinila ng pulis na nakabangga niya kanina. Muling kinuha ng mga rumesponde ang katawan ng dalaga at nilagay sa stretcher saka dinalang ambulansya.

     "DAAAAANG!"

Sa kabilang dako, may nahanap pang isang dalagita ang mga nasa search party. Nahanap ito ng K9 at tumahol pa sa amo nito saka muling inamoy-amoy ang nakahandusay na dalaga. Mabilis na nagsi-lapit ang mga paramedic kasama ng isa pang pulis at tiningnan ang lagay nito bago umalis ang nag-iinspeksyon kasama ng K9.

     "Buhay pa ang dalaga! Paki-dala ang stretcher!" sigaw ng babae.

Wala sa oras na dumating ang ilan sa kanilang tauhan at ihiniga ang dalaga ngunit biglang naalimpungatan ito. Suminghap pa muna ang dalaga at nilibot ang paningin.

     "Ma'am, ligtas na po kayo. Kumapit po kayo," ani babaeng paramedic.

Nagitla ang babae matapos siyang hawakan ng dalaga sa kamay. "P-p-please," inabot ng dalaga ang camera na kanina pa niya hawak. "Paki-bigay d-do'n sa.. l-lalaki. Kay M-mikhail."

Tinuro ng dalaga ang malayong likuran ng babae kung saan hawak-hawak ng pulis ang binatang nagpupumiglas pa rin malapit sa ambulansya. Nag-aalangan man ang babae ay kinuha nito ang camera bago mawalan uli ng malay ang dalaga. Hindi makapaniwalang naalimpungatan pa ito.

     "Paki-dala agad siya sa ambulansya!" sigaw ng babae at hinayaan niyang dalhin ng mga kasamahan niya ang katawan ng dalagita.

Napabaling siya sa hawak nito at napa-isip na maaaring importante ito kung kaya't siya ang napagkatiwalaan ng pasyente upang maparating ang pangangailangan. Tumayo ang babae sa pagkakaluhod sa sahig at humahangos na dumiretso sa binatang pinapakalma ng pulis.

     "Sir!"

Hindi agad ito natinag kaya hinawakan nito ang balikat ng binata.

     "Sir Mikhail."

Hindi man sabihin ng babae ay nasindak siya sa matalim na tingin ng binata. Subalit hindi siya pwedeng madala rito sapagkat may kailangan lang naman ito.

     "Ipinapabigay po sa inyo ng isa sa mga na-rescue. Mukhang importante ito at kailangan niyong makita."

Tiningnan siya ng mabuti ng binata. Kumakalma na ito base sa kanyang mga matang biglang naging mapungay. Naalala nito ang nagaganap. Pumiglas itong muli upang makawala sa pulis na pinabayaan na lamang siya at pinagsabihan pa. Hindi lamang nito pinansin ng binata saka kinuha ang binibigay ng babae sa mga kamay nito. Tumango naman ang babaeng paramedic at tumakbo pabalik sa ambulansya kung saan ay siya na lamang ang hinihintay. Ilang sandali ay umandar na kaagad paalis ang ambulansya.

Wala sa sarili ay napaupo ang binata sa malaking bato sa kanyang likuran. Tiningnan niya sandali ang pwesto kung saan nila nahanap ang nakahandusay na dalaga. Hindi pala siya nag-iisa? Nagtataka man ay itinuon niya ang pansin sa hawak-hawak.

     "Dang.."

TimberlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon