Sa isang hospital katabi ng highway ako napadpad. Malapit ito sa isang unibersidad na pampubliko sa Lungsod ng Taguig. Sa bungad nakita ko ang maraming tao na nagkakagulo sa gawi ng entrance ng emergency area.
Pumasok ako sa main entrance ng hospital kung saan nadaanan ko ang ilang babae sa information desk. Narinig kong nagsalita ang isa, "Sino yung dumaan?" Sumagot ang isa, "Hindi ko napansin." Napangiti ako, may mga tao palang malakas ang pakiramdam.
Tumuloy ako sa second floor sa restricted area na may karatulang "Covid Ward". Nadatnan ko duon ang mga medical workers na nakasuot ng PPE. Pumunta ako sa nurses' area para alamin kung saang room si John deGuzman. Hindi ako napansin ng nurse na abala sa pag update ng computer nya. Dinala ako ng mga paa ko sa ICU. Duon pumasok ako sa kwarto kung saan nakasulat sa labas ang pangalan na 'John deGuzman'.
Naabutan ko na nakahiga sa kama at tila natutulog ang isang matandang lalaking puti ang buhok. May tubong nakapasok sa kanyang bibig maging sa kanyang ilong. May mga kable din na nakakabit mula sa kanyang dibdib papunta sa isang parang TV monitor na mayat maya ay tumutunog. Napansin ko na kapag humihinga sya naglalabas ng malakas na ingay ang kanyang bibig sabay sa paglukot ng kanyang mukha.
"Mang John," sabi ko. Dahan dahang idinilat ng lalaki ang kanyang mga mata pero ipinikit ulit nang makita ako. "Mang John gumising ka na," muling turan ko. Muling dumilat ang lalaki na biglang nanlalaki ang mga mata. Bumilis ang kanyang paghinga, lumakas ang ingay na galing sa kanyang bibig kasabay ng pagtunugan ng mga aparato sa paligid nya.
Inabot ko ang isang kamay ko sa kanya. "Huwag kang matakot ako ito, bangon ka na dyan," sabi ko. Bumangon ang lalaki, inalalayan ko sya tumayo. "Magaling na ako wala na akong covid," masayang sabi nya. "Oo malaya ka na, kayat iwan mo na ang lugar na ito" sagot ko. Tumango lang sya.
Habang papalabas kami ng kwarto nasalubong namin na nagmamadaling papasok ang isang nurse. Mayamaya pa tumakbo ito palabas at sumigaw ng, "Dok dok we have a 'code blue'!"
"Saan tayo pupunta?" tanong ni Mang John na tila naunawaan na ang nangyari. "Dyan sa baba sa ER, marami pa akong susunduin," sagot ko.
NOTE:
This is an original story written by Harry S. Alamo dated 27 May 2020
BINABASA MO ANG
The Dark Zone
General FictionThis is a series of short stories which I originally posted in my own Facebook account