"Si Baby"

14 1 0
                                    

 Matagal kong hinintay ang araw ng flight ko pauwi sa Pinas. Natapos na din ang isang taon ng pagtitiis at pagtatyaga na maglinis ng bahay ng may bahay at mag alaga ng anak ng may anak. Kapalit nito ay limandaang dolyar bawat buwan. Mula ng maging PWD dahil sa isang aksidente ang asawa ko, napilitan na ako mag abroad.

Akala ko hindi na ako maka uwi dahil sa covid crisis, buti na lang nakasama ako sa repatriation flight pa Manila nuong Abril. Hindi agad ako naka uwi sa bahay sa Pateros dahil dumaan muna ako sa testing at quarantine.

Nung makalabas na ako, halos liparin ko ang bahay namin dahil sa sobrang galak. Naabutan ko ang anak ko na nasa crib, umiiyak dahil naiwang mag isa sa bahay. Nang makita ako ng bata itinaas agad nito ang mga kamay para magpa karga. Agad ko sya binuhat, hinalikan at niyakap. "Baby," sabi ko," Tahan na andito na si Mama."

Agad namang tumigil sa pag iyak si bunso."Mama mama.." sabi nya. Habang karga ko ang bata sinilip ko sa kusina at banyo ang asawa ko, pero wala sya duon.

Nang dumating sa bahay ang asawa ko may dala itong dalawang galon na mineral water. Agad na binaba ko sa crib ang bata at masayang sinalubong sya. Nanlumo ako dahil hindi nya ako pinansin, bagkus ay dumiretcho ito sa crib at kinausap ang bata, "Baby sorry ha, bumili lang sandali ng tubig si Papa."

Tumabi ako sa asawa ko at may hinanakit na kinausap sya, "Honey ano ba, hindi mo man lang ba ako babatiin? Isang taon akong hindi nakauwi pero ni ha ni ho wala lang sayo." Hindi sya umimik, nakatingin lang sya sa bata.

Hindi na ako nakatiis, niyakap ko sya patalikod. Sa garalgal na boses nagsalita sya, "Honey sana andito ka ngayon kasama namin ni baby." Napuno ako ng panibugho kaya sabi ko, "Ano ba, andito na ako. Sino ba yang 'honey' mo na gusto mo makasama ngayon?"

Imbes na sumagot pumunta ito sa altar at nagsindi ng kandila. Naintriga ako sa ginawa ng asawa ko, sinundan ko sya. Lumapit ako sa altar at dun ko napansin ang isang gray na urn katabi ng larawan kong naka frame.

Biglang nagliwanag sa akin ang lahat. Binalingan ko si Baby sa crib na nakangiti sa akin. "Mama, mama," sabi nya. "Baby, "sabi ko, "Hinding hindi ka na ulit iiwan ni Mama."

NOTE:
This is an original story written by Harry S. Alamo dated 29 May 2020

The Dark ZoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon