"Malaya"

15 1 0
                                    

Buwan ng Hulyo, tagulan nuon nang magpasyang iwan kami ng asawa ko para sa ibang babae. Nag makaawa ako sa kanya, lumuhod ako sa kanyang paanan pero hindi nya ako pinakinggan. Hinabol ko pa sya sa labas, pero iniwan nya akong humahagulhol sa kalsada, basa ang katawan sa patak ng ulan at basa ang puso sa agos ng luha.

Hindi naging madali ang buhay para sa amin ng dalawa kong anak. Dumanas kami ng hirap at gutom. May mga araw na asukal lang ang ulam namin. May mga araw na pumapasok sa eskwela ang mga bata na walang baon.

Sabi ko sa kanila, "Mga anak pasensya na, makakaraos din tayo." Tanging mahigpit na yakap lang ang sagot sa akin ng mga bata.

Sa kabila ng hirap na dinanas namin, ni minsan hindi nagreklamo ang mga anak ko. Hindi sila nainggit sa mga nakaka angat na kaklase, hindi sila naghangad ng masarap na pagkain o gadget.

Minsan tinanong ko sila kung ano ang pangarap nila. Sabi ng bunso ko," Ma, gusto ko lang makita ulit si Papa." Sagot ko,"Hayaan mo anak balang araw babalik sya para sa inyo." Pero sa isip ko, mas mabuti nang ganito mag isa, walang pakikisamahan, walang perwisyo sa buhay.

Isang araw nang pauwi na ako mula sa trabaho, may napansin akong isang mamang pulubi na nanlilimos sa may sakayan ng jeep sa Festival Mall sa Alabang. Naawa ako sa itsura nyang madumi, patpatin, tipong ilang araw nang hindi kumakain. Nang ibinigay ko sa kanya ang natitira kong limampiso, nagtaka ako dahil tinitigan nya ako ng matagal.

Kinaumagahan may kumatok sa pinto ng bahay namin. Nang binuksan ko ang pinto, natambad sa harap ko ang mamang pulubi na nakita ko sa Alabang. "Ano po ang kailangan nila?" nag-aalangang tanong ko sa kanya.

"Nilda," sabi nya na may impit na pag ubo. May naramdaman akong malakas na kabog sa aking dibdib, kilala ko ang boses na yun. Hindi ako maaring magkamali, si Jessie.

Mula nuon kinupkop ko na sa aking tahanan ang pulubing iyon, ang dati kong asawa na naparara ang buhay. Tinanggap ko sya para na rin sa mga anak ko na sabik makasama ulit ang kanilang ama. Hindi ko sya pinatawad, kahit nang lumuhod sya sa aking paanan. Ni hindi ko tinanong sa kanya kung ano ang nangyari sa buhay nya. Basta nasa bahay lang sya tumutulong tulong sa mga gawin duon kapalit ang libreng pagkain at maayos na tulugan.

Makalipas ang isang taon namaalam ang asawa ko dahil sa cancer sa baga. Bilang respeto sa aking mga anak at sa pagtanaw sa pinagsamahan namin, binigyan ko sya ng maayos na burol at libing. Hindi ako umiyak, matagal nang natuyo ang luha sa aking mga mata. Matagal na ding manhid ang puso ko sa mga hirap na naranasan ko sa buhay.

Nang binaba na sa hukay ang kabaong ng asawa ko, isa isang naglaglag duon ng bulaklak ang mga kamag anak namin.

"Mama," paalala sa akin ng panganay ko, "Ang bulaklak..."

"Oo anak," sagot ko sa kanya.

Huminga ako ng malalim, saka pinalaya ko ang tangkay ng puting rosas mula sa aking kamay. Umihip ang hanging habagat, marahang nilapag nito ang bulaklak sa may ulohan ng kabaong ng asawa ko. "Paalam," sabi ko," Pinatawad na kita."

Habang naglakakad kami papalayo sa sementeryong iyon, may kambal na luhang pumatak mula sa aking mga mata. Hindi luha ng lungkot, kundi luha ng pasasalamat. Dahil sa wakas, malaya na ako. Malaya na ako sa galit at puot na umalipin sa akin sa loob ng sampung taon.

NOTE:
This is an original story written by Harry S. Alamo dated 17 June 2020

The Dark ZoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon