Isa akong caregiver dito sa San Antonio, Texas. Dahil sa nature ng trabaho namin, matagal akong hindi naka uwi sa Filipinas. Isang umaga laking gulat ko nang dumating sa flat ko ang Tatay ko. "Tatay!" sabi ko, "Sino ang kasama mo, paano...? Magaling ka na?" Huling usap kasi namin nakaraang linggo naka confine daw sya sa isang hospital sa San Juan dahil sa pananakit ng ulo nya. Nakangiting sumagot sa akin si Tatay, "Oo Noy okay na ako, kaya nga pinuntahan kita dito."
May itatanong pa sana ako pero mas pinili kong tumahimik. Sinulit ko na lang ang pagkakataon na iyon para makapag bonding kami ng husto. Limang taon mula ng mag abroad ako, ngayon ko lang ulit sya nakasama. Ipinagluto ko sya ng paborito nyang bistek at naglaro kami ng chess 'over a bottle of wine'. Napakahabang kwentuhan at kumustahan, maraming alaalang binalikan sa loob lamang ng ilang oras. Na miss ko ng husto si Tatay, lalo na ang pag aaruga nya sa akin nang bata pa ako.
Dapit hapon, tumayo si Tatay. Dumungaw sya sa bintana, saglit na pinagmasdan ang papalubog na araw. "Noy," sabi nya, "Tutuloy na ako hinihintay na ako ni Nanay mo. Dumaan lang ako sayo saglit...para kumustahin ka." Agad na tumayo ako at niyakap sya nang mahigpit. "Tay," sabi ko habang tumutulo ang luha ko, "Salamat dinalaw mo ako dito." Malumanay na sumagot si Tatay sa akin, "Noy anak, be strong."
Nang makaalis na si Tatay, tumawag sa cellphone ko ang pinsan kong si Dina. Umiiyak na ibinalita nya sa akin na 'wala na' daw ang Tatay ko dahil sa stroke. Hindi agad ako nakasagot. Saglit na tiningnan ko ang chess board sa mesa na naka pwesto pa ang mga piyesa, ang dalawang baso sa tabi na pinag inuman namin kanina at ang bote ng wine na konti na lang ang laman. Ngayon, alam ko na ang kasagutan sa mga bagay na hindi ko naitanong kay Tatay kanina.
May kirot sa dibdib na sinagot ko si Dina, "Oo pinsan, wala na si Tatay, umalis na sya."
NOTE:
This is an original story written by Harry S. Alamo dated 06 June 2020

BINABASA MO ANG
The Dark Zone
Fiksi UmumThis is a series of short stories which I originally posted in my own Facebook account