Lumalaban ang puso.
Kahit 'di na tiyak ang gusto.
Nangungusap ang mga mata.
Lumandas ang luha.
Pinipilit ang utak, lahat ay kailangang tumatak.
Kahit ang pawis ay tila dugong pumapatak.
Gaano kahirap pa ang hihintayin.
Para tuluyan ng patayin,
Patayin ang mumunting pag-asang magpatuloy pa.
Kahit pakiramdam mo'y wala na.
Lalaban pa ba kung wala ng napapala.
At tayo'y nagmimistulan na lamang pariwara.
Ako'y pagod na.
Pero bakit tila kay hirap buksan ang puso para sa iba.
Walang taong nakaliligtas sa pagod, alam ko.
Pero masama bang humingi ng kahit katiting na pahinga mula sayo.
Pagod na akong lumaban.
Sa mundong punung-puno ng hindi katiyakan.
Pagod na akong tumangis.
Lalo na sa gabi kung kailan ang mundo ay tahimik.
Nawala na ang mga ngiti kong kay tamis,
Ni hindi na magawang umimik.
Nawala na ang ako.
Saan selda kaya dumako.
Nakagapos ang sarili.
Alam kong ako pa rin ang susi.
Kumakawala sa tanikala.
Ngunit ang tali ay libo-libong bangungot ang dala.
Tumigil akong pansamantala,
Pagkat wala na akong nadarama.
Huminga kahit saglit.
Sandaling binitawan ang mabigat na bitbit.
Gising pa rin ang sakit
Ngunit nasanay ng pumikit
Mula sa mga nakapupuwing na hinanakit
Dala ng mundong mapanakit.