"KINAKABAHAN ako," usal ni Andrea paglabas ng kotse ni Denver. Para siyang ipinako sa kinatatayuan habang nakatitig sa entrada ng malaking bahay na iniwan niya five years ago. Sigurado siya nasa dining room na ang parents niya. Hinihintay sila.
Sabado at naroon sila para mag lunch kasama ang parents niya. Tama kasi si Veronica. Dapat sila ang humarap at magsabi sa mga magulang nila bago pa may marinig na tsismis ang mga ito. Nagdesisyon sila ni Denver na unahin magsabi sa parents niya. Bukas, mga magulang naman nito ang haharapin nila.
Kumurap siya nang maramdaman niyang ginagap ng binata ang kamay niya. Huminga siya ng malalim at nilingon ito. "Hindi ka ba kinakabahan?"
"No. I've known your parents since forever. Alam ko kung paano sila ia-approach. Kailangan lang natin sabihin ang totoo at sigurado ako maiintindihan nila tayo." Pinisil ng binata ang kamay niya at nginitian siya. "Don't worry so much. I bet matutuwa pa silang malaman na may relasyon tayo."
Huminga uli siya ng malalim at tumango. "Basta iyong promise mo ha? Hindi natin sasabihin iyong part na nagkunwari akong si Veronica. Ayokong sa atin nila malaman ang tungkol sa personal issues ng kapatid ko." Hanggang ngayon kasi sensitive issue para sa kakambal niya ang ex-boyfriend nito. May pakiramdam siyang in love pa rin ito sa lalaking iyon.
"Oo na nga." Hinila na siya ni Denver papasok sa bahay.
Katulad ng inaasahan nagulat ang parents niya na ang binata ang kasama niya. Sabi lang kasi niya may isasama siyang kaibigan. Awkward ang first half ng lunch. Halatang disoriented ang parents niya, lalo na ang kanyang ina. Mabuti na lang nandoon si Veronica para sumoporta sa kanila.
Nakaka-guilty magsinungaling pero hinayaan ni Andrea sina Denver at Veronica na gumawa ng kuwento para hindi malaman ng mga magulang nila kung paano talaga sila nagkakilala ng binata. Nilinaw ng dalawa na weeks ago pa nakapagdesisyon ang mga ito na huwag ituloy ang engagement. Bago pa sila 'unang' magkita ni Denver.
"Are you two serious about each other? Kahit na sandali pa lang kayo nagkakilala?" kunot noong tanong ng papa niya mayamaya. Nakatingin ito sa kaniya.
Hindi iniwas ni Andrea ang tingin. "Mahal ko po si Denver."
"Did you tell him everything?"
"Yes. Sinabi ko sa kaniya lahat. Pati ang tungkol kay Angelo."
Suminghap ang mama niya at tumingin kay Denver. Naramdaman niyang hinawakan ng binata ang kamay niya mula sa ilalim ng lamesa. Pinisil nito iyon bago tipid na nginitian ang mga magulang niya. "Seryoso ako kay Andrea. Tomorrow we will meet my parents too. We want our relationship to be accepted by our families. Ipagkatiwala niyo siya sa akin. I will protect and love her for as long as I live."
Halatang nagulat ang buong pamilya niya sa intensidad ng pagkakasabi ni Denver ng mga salitang iyon. Kahit siya napasinghap at napatitig sa mukha nito. Nilingon siya ng binata. Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay masuyo itong ngumiti.
"Hindi pa ba kayo maniniwala sa nakikita niyo ngayon? They are crazy in love with each other. Just give them your blessings already," singit ni Veronica.
Tumikhim ang mama nila. "We are not against their relationship. We are just surprised."
"Your mother is right, Veronica. Though now that I think about it, I should not be shocked."
Napatingin sina Andrea at Denver sa matandang lalaki. Sumikdo ang puso niya nang makita ang kislap ng amusement sa mga mata ng kanyang ama. Nakangiti rin ito, mapanudyo. "Napansin ko na sa board meeting na may kakaiba sa inyong dalawa. May hinala na ako pero ayokong isipin dahil alam kong bago pa lang kayo magkakilala. But now that it is confirmed, I will give you my blessing."
BINABASA MO ANG
SUBSTITUTE LOVER (R-18)
Romance[highest rank #1 in ROMANCE] May mga ginawang pagkakamali si Andrea noon na naging dahilan kaya naging estranged siya sa kanyang pamilya. Pero isang araw sumulpot sa apartment niya ang kakambal na si Veronica. Humingi ito ng pabor. Magpanggap daw si...