Kung nagtataka ka kung bakit ikaw pa rin ang ginawa kong paksa,
Alalahanin mo noong unang beses kang nakabasag ng pinggan,
Hindi ka nag-atubiling linisin ang mga piraso ng seramikong nagkalat sa sahig,
At sinigurong wala ni isang bubog ang maiiiwan,
Sa kaba na baka ay matapakan nang hindi nila namamalayan,Hindi ka kumibo noong tinanong ka ng iyong ina,
Kung bakit nagkulang ang mga hinugasan mong pinggan,
Dahil sa takot na mapagalitan ka,
Kahit alam mo sa sarili mo na hindi mo talaga sinasadya,Walang perpektong abong hinugot sa tadyang ni adan,
Pero alalahanin mo,
Naniniwala pa rin ako sa'yo,
Sadyang suwail ang damdamin sa mga isinasambit na salita,
Kahit 'di mo talaga sinasadya,
Sumasabay sila sa agos ng iyong kalungkutan,
Pinipilit ka nilang sumugal,
Upang ipinain sa mga taong gutom sa pagmamahal,
Nagsisilbing inumin sa natuyo nilang mga dasal,
Kahit wala talaga sa plano mo ang magtagal,Pero naniniwala pa rin ako sa'yo,
Sa mga pangakong hindi na matutupad,
Sa mga tinig na hindi na muling maririnig,
Sa mga paang kung saan saan napapadpad,
Kapag tinamaan ng pagkalasing,
Sa mga kwentong hindi na kinikilig,
Sa damdaming nadala ng kalungkutan,
Sa mga tugong nauwi sa pagsasawalang imik,
Sa mga kwentong hindi na maibabalik.Kung may pagkakataon man na magkausap tayo muli,
Mas pipiliin kong kausapin ang mga anino mo sa dilim,
Mas masarap silang kausap, katulad ng nakakasanayan tuwing gabi.