Hanggang Dito na Lang

10 2 0
                                    

Ang Dulo, Hanggang Dito na Lang
(Piyesang Isinulat sa pagitan ng Pagmamahal, Pagpapatawad at Pagpapalaya)

Pilit ko mang pagtagpi tagpiin
Hindi ko malubos na buuin
Mga sagot sa kung paano humantong sa ganito
Kung paano tayo ngayon ay magkaharap hindi upang salubungin ang isa't isa
Kundi para sambitin ang paalam at maglakad palayo

Parang kailan lang nang tayo'y nasa alapaap
Mga oras na tila ba wala ng hangganan
Ngiting abot hanggang tainga
Mga halakhak na bumubulabog sa kapaligiran
Bakit ngayo'y nandito ay mga luhang nag uunahan

Anong nangyari sa mga pangako
Sa mga pangarap na aabutin, hawak ang kamay mo
Sa mga salitang walang kasing tamis
Pag ibig na iginuhit sa bato
Bakit ngayo'y mga puso'y magkalayo?

Nawala na ba sa tono ang musika?
Ang mga titik na sabay nating binigyan ng harmonya
Nawalan na ba ng kulay ang mundo
Na ipininta natin gamit ang mga pangako
Bakit ngayo'y kaylungkot ng awiting sinasambit mo?

Ganoon nga ba talaga?
Kapag ang pag ibig ay naubos na
O sadyang napagod lang tayo
At ngayon ay sabay na bibitaw
Dahil nga ba sa tadhana, o dahil pinili nating tapusin na

Ngayon, patawad kung hindi ito naging sapat
Kung ang pagmamahal ay kulang para manatili ka
Pasensya na kung hindi na ako lalaban
Pagkat alam kong nauna ka nang itaas ang puting bandila
Patawad kung hindi sasapat ang mga dahilan para manatili ka

Ngayon, nandito tayo
Ayaw man nating marinig
Ngunit kailangan nang sambitin
At kasabay ng pagpikit, pakakawalan kita at ang mga hinanakit
Ngunit mahal, nais kong malaman mo sa huling pagkakataon na wala itong halong pait
Masasaktan pa rin naman ako at hahayaan itong magtagal ng saglit

At sa pag ihip ng hangin sa malamig na gabi ng Disyembre
Maglalakad ako papalayo baon ang mga alaala mo
Na pilit kong itatago sa kahon ng isip ko
Na malimit na bubuksan sa tuwing maaalala kita ang kung paano mo ako minahal
Kung paano tayo sumaya kahit panandalian lang
At kung paanong tayo ay mananatili ng bahagi ng isa't isa

At kasabay ng pagpunas ko sa mga luhang ito
Aalis akong baon pa din ang pagmamahal sayo
Mahal, ngayon tayo ay bibitaw na
Ang magpakailanman ngayon ay pakakawalan na
Patawad kung hindi tayo umabot sa katapusan, dahil ang dulo hanggang dito na lang

A Safe Place Inside My HeadWhere stories live. Discover now