Kawalan

15 2 0
                                    

at kung isang araw
maglaho akong kasama
ng mga katha at salita

gunitain mo man lang sana ako
kasama ng mga alaala
sa ilalim ng liwanag ng buwan
na sya kong naging tangan
sa tuwing nalilimutan ko noon
kung ano nga ba ang pag ibig
at pagpapatawad

sundan mo sana ang bakas
ng mga luhang
nagpainit sa karimlan
tuwing sasapit ang hatinggabi
at ang natatanging gising
ay ang mga hikbi na hindi ko
magawang isigaw

pakinggan mo sana ang mga awit
na nagpatahimik
sa digmaan sa loob ko
mahalin mo ang musikang
nanatili noong lahat ay umalis
at ang natatanging naiwan
ay ako at ang mga hinagpis

lingunin mo sana pabalik
ang daan sa gitna ng kawalan
na ginawa kong tahanan
sa tuwing nilulubayan ako
ng mga emosyon sa gitna ng gabi
at ang natatanging kapayapaang nadarama
ay mawalan ng ulirat kahit na sandali

tingalain mo paminsan minsan
ang langit sa taas
kung saan kong iginuhit minsan
ang mga nais kong sabihin
sa tuwing dinadaya ako ng mundo
ng paulit ulit

kahit gunita lang sa tuwing lulubog ang araw
at tuluyang matalo ng kadiliman ang liwanag
kahit alilabok lang sa kalawakan ng
iyong mga alaala
at isipin mo sana paminsan minsan
na bago ako sumuko
ilang libong beses akong nagpatuloy

kahit masakit
gumising akong paulit ulit
kaya sa pagkapagod ng kasiyahan
at paglaho ng mga salita sa kawalan
alalahanin mo man lang sana ako
maaaring napagod na sa paghulma ng mga salita
dahil sa huli, ang sasalo lang sa mga ito ay ang kawalan

A Safe Place Inside My HeadWhere stories live. Discover now