"PAKIULIT?" magkasalubong ang kilay na sabi ng papa ni Meg.
Sinabi ni Daniel sa mga magulang niyang buntis siya at ito ang ama. Ang naging paliwanag nito ay hindi nila sinasadya ang nangyari. Nalasing lang sila. Hinayaan niya itong humabi ng kuwento, nasa tabi lang siya nito at nakikinig. Pinipigilan na lang din niya ang sariling umiyak.
"Tito, hindi po namin sinasadya. Patawarin niyo po kami," nakayukong sabi ni Daniel. Lalo ng naguilty si Meg dahil wala naman talagang kasalanan ang best friend niya pero ito ang sasalo ngayon ng galit ng kanyang ama.
"Hindi sinasadya?!" Umalingawngaw ang tinig ng papa niya sa buong sala. Napapikit ng mariin si Meg, parang may pumupukpok ng martilyo sa dibdib niya sa sobrang kaba.
Pagkatapos niyon ay nakakabinging katahimikan naman ang pumalit. Pakiramdam niya ay pareho sila ni Daniel na hindi humihinga. Nang tumingin siya sa papa niya ay tila nais niyang lumubog sa kinauupuan dahil ang sama ng tingin nito sa kanya. Expected niya iyon ngunit iba pa rin kapag naroon ka na sa mismong sitwasyon.
"Ano ang plano ninyo?" tanong ng papa niya, medyo kalmado na, pero magkasalubong pa rin ang kilay.
"Sasagutin ko po ang lahat ng gastusin ni Meg at ng bata, tito," maagap na sagot ni Daniel.
"Dapat lang," anang papa niya. "Kakausapin ko ang mga magulang mo."
"Po?" gulat na tanong ni Daniel.
"Kakausapin ko sila tungkol dito. At kailan ninyo balak magpakasal? Ayokong lumaki ang tiyan ng anak ko nang hindi kayo naikakasal. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao?"
Napakapit ng mahigpit si Meg sa kamay ni Daniel. "Papa, hindi naman po namin kailangang magpakasal. Hindi naman po namin 'to sinasadya," singit ni Meg.
"Nandyan na, sinasadya o hindi. Kailangan kang panagutan ni Daniel," maawtoridad na wika ng papa niya.
Napatingin siya kay Daniel, hindi niya mabasa ang reaksyon nito. Alam niyang bigla ay nais na nitong umurong sa plano pero naroon na sila at kabaliwan ng bawiin ang lahat ng sinabi nila.
"Papa—"
"Wala kang planong pakasalan ang anak ko?" tanong ng papa niya kay Daniel. Nakakatakot ang tono nito, parang isang maling sagot ay magwawala ito.
"Hindi naman sa ganoon, tito..."
"Iyon naman pala, eh."
"Papa, hindi namin kailangang magpakasal," lakas-loob na giit ni Meg. Bahala na, basta hindi niya isasali si Daniel sa gusot niya.
"At hahayaan mong hindi magkaroon ng normal na pamilya ang apo ko?" galit nitong baling sa kanya. Napipi na naman tuloy siya. Minsan lang magalit ang papa niya at kapag nagalit ito ay wala talagang nakakapagpahinahon dito sa kanilang magkakapatid.
"Meg..." anang mama niya. Sapo nito ang dibdib at agad niya itong dinaluhan. Ganoon din ang papa niya. "Makinig ka sa papa mo," anito sa pagitan ng malalalim na paghinga.
"Ma," kinakabahang wika niya. "Dadalhin na po namin kayo sa ospital."
"H-hindi na."
Ngunit hindi nila ito sinunod. Nagmamadaling isinugod nila ang mama niya sa ospital. Walang kumakausap sa kay Meg habang naghihintay sila sa doktor maliban kay Daniel. Ang ate at papa niya, ayaw siyang kibuin. Iyon na nga ba ang iniisip niya, kapag may nangyaring masama, siya talaga ang may kasalanan.
Mabuti na lang at paglabas ng doktor ay sinabi nitong wala namang seryosong problema at makakalabas din agad ang mama niya sa ospital.
"Sabi ko naman sa inyo, 'wag ninyo na akong dalhin dito sa ospital. Nagpa-panic kayo agad," anang mama niya pagpasok nila sa ward.
BINABASA MO ANG
THE PRESENT: My Unfair Lady
RomanceSa sobrang pagmamahal ni Meg sa nobyong si Jake ay ibinigay niya ang lahat dito. Handa siyang magpakamartir, magpakatanga at magbulag-bulagan. Ganoon siya katanga pagdating sa lalaki. Hanggang isang araw ay nabuntis siya nito ngunit bago pa niya iyo...