Chapter 6

631 35 0
                                    

NASA sala sina Daniel at Tracy, may pinag-uusapang importante ang dalawa. Nais din daw siyang kumustahin ni Tracy kaya doon na lang nag-meeting ang mga ito. Si Meg ay nasa bukana ng kusina at nakatingin lang sa dalawa.

Naiinis siya kay Tracy, ngayon niya lang napansin na masyado itong touchy kay Daniel. Nandyang tatawa ito at pahampas-hampas at nagtatagal na sa braso ni Daniel ang kamay nito kahit tapos ng tumawa. Noong nagdala siya ng merienda ay ito pa ang nagpunas ng bibig ni Daniel kahit puwede namang sabihin na lang sa lalaking may dumi ito sa bibig.

"It must be my pregnancy," mahinang sabi na lang niya sa sarili.

Pumasok siya sa kusina para initin ang menudo. Marami pa iyon kaya puwede na ring iyon na lang ang ulamin sa hapunan. Hindi nag-abot ang mama niya at si Daniel. Kakaalis lang ng mama niya nang dumating si Daniel kasama si Tracy.

"Meg, kumusta naman ang pagiging maybahay?" nakangiting tanong ni Tracy na hindi niya alam na kasama niya na pala sa kusina.

"Okay lang," pilit ang ngiting tugon niya. Noon lang siya nagkaroon ng ganoong animosity pagdating kay Tracy. Napaka-weird talaga ng pagbubuntis niya.

"Ang suwerte mo," anito kapagkuwan. Napatitig lang siya rito. "Hindi araw-araw ay may sasalo sa'yong katulad ni Daniel."

Hindi niya nagustuhan ang tono nito kaya napataas ang isa niyang kilay. "What are you trying to say?" pinakalma ang tinig niyang tanong.

"Nothing," sagot naman ni Tracy. "Sinasabi ko lang na suwerte ka. Ano'ng nangyayari sa'yo?" natatawang sabi nito. Parang nagulat ito sa ginawi niya. Marahil ay siya lang talaga ang nag-iisip ng hindi maganda.

"Wala. Pasensya na, ha? Masama lang talaga ang pakiramdam ko," bawi niya saka tumalikod para isalin ang ulam sa mangkok.

Kasabay nilang naghapunan si Tracy nang gabing iyon. Habang nag-uusap ang dalawa tungkol sa negosyo ay nakikinig lang si Meg. Sa unang beses sa mahabang panahon ng pagkakaibigan nila, noon lang niya naramdamang out of place siya.

"Makakasama ka sa'kin bukas? I-check natin iyong nakitang puwesto ni Tita Maureen sa Las Piñas," ani Tracy kay Daniel.

Tumingin muna si Daniel sa kanya, tinanguan niya ito para sabihing okay lang na sumama ito. "Susubukan ko," imbes ay sagot ni Daniel kay Tracy.

"Sige, tawagan mo na lang ako," balewalang sagot ni Tracy.

Hindi nagtagal pagkatapos ng hapunan ay nagpaalam na rin si Tracy. Tinapik siya nito sa balikat. "Ingat sa sarili, buntis," pabirong sabi nito. Tumango siya at ngumiti.

Kung sa kanya ay tapik lang, kay Daniel ay bumeso ito. Pinigilan ni Meg na magtaas ng kilay. "Mauna na ako."

"Ingat, Tracy," ani Daniel dito.

"May bagong business kayong bubuksan?" tanong ni Meg kay Daniel nang sila na lang dalawa. Alam niyang may plano itong makipagsosyo na naman kay Tracy ngunit ang alam niya ay plano pa lang iyon at wala pang kasiguruhan.

"No. Kanya lang. Baka gusto lang hingin ang opinyon ko," ani Daniel.

"Ah, akala ko sosyo kayo."

"Hindi muna siguro ngayon. Kumusta ang araw mo?"

"Naikuwento ko na, 'diba? Dumating si mama, tinulungan niya akong mag-ayos ng kwarto ni baby."

"Teka, bakit parang mainit ang ulo mo? Ano ang nangyari?" nagtatakang tanong ni Daniel.

"Wala," kunot ang noo niyang tugon.

Huminga ng malalim si Daniel at saka ngumiti. "Gusto kong makita ang kwarto ni baby. Tara, samahan mo ako." Hinawakan nito ang kamay niya at magkaagapay silang pumanhik.

THE PRESENT: My Unfair LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon