Kinagabihan, kahit anong pilit ni Tristan ay hindi pa rin niya magawang makatulog. Malalim na ang gabi pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Sanay naman siya sa puyatan dahil ganoon talaga kapag may taping, kailangang magpuyat pero ngayong hindi nagsisimula ang trabaho ay gusto muna sana niyang magkaroon ng maraming oras sa pagtulog ngunit sadyang nahihirapan siyang matulog. Paulit-ulit niya kasing naaalala ang mga sandali kanina sa production at story conference. Hindi pa rin siya makapaniwala sa tinagal-tagal ng panahon ay muling nagtagpo ang landas nila ng babaeng noon ay pinaglaanan niya ng tapat na pagmamahal ngunit sinaktan lamang ang kanyang puso.
Ring.....ring.....ring....
Agad na sinagot ni Tristan ang overseas call mula sa kanyang ina.
"Hello, ma! Napatawag ka. Namimiss mo naman ba ang paborito mong anak?" pabirong wika ni Tristan.
"Hmmm... siguro nga. Gusto kong kumustahin ang nag-iisa kong anak na lalaki. Di ba sabi mo kanina yung story conference niyo sa new teleserye project mo? Kumusta naman?"
"Syempre maayos, ma!"
"Good to hear that. Excited na ako mapanood ang trailer. Inaabangan namin yun sa TFC," sagot ni Mrs. Prieto.
"Kaunting hintay lang, mama, mapapanood niyo rin yun."
"Sigurado kang maayos ang lahat?"
"Oo naman po, ma. Kailangan pa bang itanong yan?"
"Iba kasi ang pakiramdam ko, anak. Parang may problema ka."
"Si mama talaga! Namimiss mo lang ako! Magskype na nga lang kasi tayo sa susunod para makita mo kung gaano na ako ka-gwapo."
"Sige, anak, sa susunod. Pero magtapat ka nga, wala ka ba talagang problema?"
"Wala po. I'm ok."
"Tristan, mama mo ako kaya alam ko kung may problema ka o wala. Ano ba kasi yun? Tell me."
"Si mama talaga! Sige po, open mo na yung skype mo at doon ko ikukwento. Wala talaga akong lusot sa'yo, ano?"
Matapos ibaba ang tawag ay binuksan naman ni Tristan ang kanyang laptop para kausapin ang ina sa pamamagitan ng skype.
" Bakit kailangang siya pa ang maging headwriter ng teleseryeng ididirect ko? Yun ang ikinaiinis ko, mama."
"Sino bang ikinakainis mo, anak?"
" Yung babaeng naikwento ko noon sa inyo! Yung unang babaeng ikinuwento ko sa inyo noon at sinabi kong gusto kong mapangasawa balang araw! Yung babaeng magkasunod lang ang birthday niyo!"
"Ah. Si Maria Francesca Angeline Rodriguez ba, anak?"
Natawa si Tristan nang malamang naaalala pa pala ng ina ang buong pangalan ni Cheska. "Siya nga, mama. Si Cheska or si Ikay for short."
" Bakit ka naman naiinis? Di ba sabi mo sa akin noon pa na wala ka ng feelings para sa kanya? Wala naman atang problema kung magiging magkatrabaho kayo. Ano bang ikinakatakot mo?"
"Matagal na akong walang pakialam sa babaeng yun at ayaw ko na talagang makita siya o magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanya. Ngayong nakita ko siya, naaalala ko lang yung sakit na ginawa niya."
"So anong plano mo? Magbabackout ka sa teleserye?"
"Mama! Hindi naman ako ganoon ka-immature para gawin yun!"
"Yun naman pala eh. Eh di pakitunguhan mo lang siya gaya ng pakikitungo mo sa ibang mga katrabaho mo. Di ba sabi mo naman matagal ka ng naka-move on sa kanya kaya wala ka namang dapat ikainis o ikabahala. Yun nga lang, kung talagang gawa yan ng destiny na magkita ulit kayo, baka may ibig sabihin."
"Mama, huwag ka ngang magbiro! Hindi nakakatuwa ang biro mo. Iniisip mo ba na maiinlove ulit ako sa malditang scriptwriter na yun? Hindi na, ano! Kahit pa kulot na siya at kulay brown na ang buhok niya, walang-wala pa rin siya kumpara sa mga nakarelasyon ko pagkatapos niya at sa mga babaeng nakilala ko dyan, Pinay man o Kano. Siya pa rin si Ikay na napakasuplada, napakagarapal, napakadaldal at palaging late! Sira ulo ata talaga ako noong high school at nagkagusto ako sa kanya! "
Hindi mapigilan ni Mrs. Prieto ang matawa sa mga pinagsasabi ng anak. "Biniro lang kita, kung anu-ano na ang pinagsasabi mo. At isa pa, bakit Ikay pa rin ang tawag mo sa kanya? Di ba sabi mo noon ikaw ang nagbigay sa kanya ng palayaw niyang yan at sabi mo noon walang ibang pwedeng tumawag nyan sa kanya kundi ikaw lang?"
"Mama! Dati na po niyang palayaw ang Ikay! Pinasosyal niya lang kaya Cheska ang tawag sa kanya ng marami pero may ilan naman talaga noon na Ikay ang tawag sa kanya."
"Ah oo nga pala. Ikay ko ang tawag mo noon sa kanya! Yun yung palayaw niya na ikaw lang ang pwedeng tumawag sa kanya," biro ni Mrs. Prieto.
"Mama! Kanina ka pa! Lalo mo lang akong iniinis eh! Ganyan ka ba talaga pag namimiss ako?"
"Anak, kung talagang wala ka ng feelings para kay Ikay, dapat hindi ka na napipikon kapag binibiro kita ng tungkol sa kanya. Ang mabuti pa'y magpahinga ka na dahil alam kong gabi na dyan. Good luck sa teleserye project niyo ni Ikay."
"Hay naku, mama! Humanda ka sa akin kapag nagbakasyon ako dyan!"
" Alam mo, anak, pakiramdam ko, minahal ka rin noon ni Ikay. Kahit pa sinasabi mo ngayon na maldita siya, suplada at garapal, nararamdaman kong mabuting bata si Ikay. Hindi ko man siya nakilala o nakausap nang personal, pero base doon sa mga ikinuwento mo noon sa akin, nararamdaman kong minahal ka rin niya at mabuti siyang tao kaya huwag ka naman masyadong suplado sa pakikitungo sa kanya, ha? Baka pahirapan mo naman ang scriptwriter mo. Huwag mong gagawin yan. Baka magbackout siya, paano na ang teleserye mo?"
" Marami namang ibang mas magagaling na scriptwriter dyan kung sakaling magbackout siya. Hindi siya kawalan."
"Tristan, be professional. Huwag mong hayaang mabahiran ng emosyon ang trabaho mo. Tandaan mo yan."
"Opo, mama. Bye. I love you."
" I love you too, anak. Mag-iingat ka dyan lagi."
"Kayo din. Ikumusta mo na lang ako kay papa at doon sa dalawang asungot dyan na sina Marissa at Anna. Bye!"
Pagkatapos ng kumustahan at biruan nila ng ina ay hinintay na niya mag-shutdown ang kanyang laptop. Magkahalong tuwa at inis ang nadarama niya matapos ang kanilang pag-uusap ng kanyang ina.
Bumalik na siya sa kanyang higaan nang biglang mabaling ang kanyang atensyon sa kanyang study desk. Bumangon siya sa pagkakahiga para buksan ang drawer sa kanyang study desk. Doon ay kinuha niya ang isang maliit na pulang kahon na naglalaman ng isa sa mga relo niya. Binuksan niya ito at hindi siya makapaniwala sa nakita maliban sa relo. Ang alam niya'y itinapon na niya ang bagay na iyon kaya nagtataka siya kung bakit naroroon ulit iyon.
"Hay! Bakit nandito ka? Di ba itinapon na kita, matagal na?" naiinis na wika ni Tristan habang hawak ang isang kulay asul na hairclip na hugis bulaklak na tanging alaala niya kay Ikay.
BINABASA MO ANG
If Ever You're In My Arms Again
RomancePaano kung ang taong ayaw mo ng makita pa o magkaroon ng anumang kaugnayan pa ay bigla mong makatrabaho? Sinong mag-aakala na may past pala ang direktor na si Tristan Prieto at ang scriptwriter na si Cheska Rodriguez. Twelve years na silang walang a...