PnB - 2

1 0 0
                                    

Bakit mas mahirap patayin ang ingay sa loob kaysa sa ingay sa labas? Bakit mas madaling piliing magpatali na lang kaysa sa kumalas?

Araw, buwan, taon man ang lumipas, mas mahirap pa rin makatakas sa ingay sa loob kaysa sa ingay sa labas.

Ang daling takpan ang tainga, makinig sa musika, at sumabay sa kanta pero hindi ang pigilan ang utak sa kakaputak na pilit ka hinihila sa dilim ng saklap.

Ang saklap.

Nandito ka na naman.

Heto na naman. Madilim na naman. Takot ka na naman. Wala na naman malapitan.
Ano ang mali?
Ako ba?
Ano pa?
Meron pa?

Ganito ka rin ba? Hindi ka nag-iisa.

Mahirap matali sa dilim na walang kasama pero hayaan mong sabihin ko sa'yo, kahit wala ako diyan sa tabi mo, na hindi ka nag-iisa.

Nandito ako.
Nandito kami.
Nandito tayo.
Walang nag-iisa.

Hintayin ang tamang oras at gumawa ng liwanag para sa bukas. Balang araw, ikaw rin ay makakalabas. Hindi dahil tumakas, kung hindi dahil kaya mo nang tumayo at kumalas. Dahan-dahan ang pagtayo, ngiti ay bumalik na matagal din naglaho. At kapag nasa labas na, kasunod ng malalim na hininga, sasabihin na, "Malaya na ko."

Oo, malaya ka na. Hindi man ngayon ay balang araw.

Balang araw.

070320

Paalala Ng BakitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon