"NASAAN ka? Pinuntahan kita sa bahay ninyo pero wala ka," bungad agad ni Daizuke nang sagutin ni Nashnairah ang nag-iingay niyang cellphone.
"Ah, narito sa Monterey Mall. Inaya lang ako ng mga kaibigan ko." Mga babae niyang kaibigan na wala namang ibang gagawin kundi ang mag-hunting ng mga guwapong nilalang sa Mall na iyon bukod sa pagtambay sa arcade ng Mall.
Sa bagay na iyon, immune na siya. Dahil simula nang dumating sa buhay niya si Daizuke Niwa ay ito na yata ang pamantayan niya pagdating sa isang guwapong lalaki. Hanggang ngayon ay matagumpay pa rin niyang naililihim sa kaibigan ang paghanga niya rito. Ang unang beses nilang pagkikita noon sa mansiyon ng mga ito ay siyang simula rin ng pagkakaibigan nila. Lalo na at madalas siya noon sa Niwa's mansion nang sumapit ang summer vacation. Bukod kay Daizuke ay naging malapit din niyang kaibigan ang lima pa nitong mga kaibigan na tinaguriang UHB Men. Meaning, Ultimate Heart Breaker.
Kasalukuyang nag-aaral ang mga ito sa Mori High University, isang elite school na puro mayayamang estudyante ang nag-aaral, na pag-ma-may-ari ng pamilya ni Keigo Mori. Puwera kay Ashton Salcedo na tuwing bakasyon lang nila nakakasama dahil sa Manila ito nag-aaral. Si Daizuke Niwa, Wayne Monterey, Keigo Mori, Mark Brice Regala at Kienlee Scott ang magkakasamang nag-aaral sa Mori High University.
Dahil nag-iisa siyang babae sa grupo ng mga ito kaya naman siya ang tinaguriang UHB Princess. Bagay na kinaiinggitan ng marami kapag nakikita silang magkakasama.
"Narito rin kami sa Monterey Mall," ani Daizuke sa kabilang linya.
Bigla-bigla ay nailibot niya ang paningin. "Narito kayo? Saan?" Sigurado siya na marami na namang babae ang nabaliw sa mga ito. Ganoon naman palagi kapag magkakasama ang lima. Bakit hindi? Sikat ang mga ito lalo na sa Pagbilao City. Nang kinailangan kasi ng kumpanya nina Mark Brice ng endorser para sa gagawing TV Commercial ng Alager ay nagpresinta mismo si Mark Brice sa ama nito na ito na ang bahala kasama ang UHB Men. For summer advertisement iyon na naging usap-usapan pa dahil sa guwapong magkakaibigan.
"McDonald's," tipid na sagot ni Daizuke. "Pumunta ka muna rito."
Natawa siya. "McDonald's? Hay, naku. Nariyan na naman si Kuya Wayne 'no?"
"What's new? Nagpapapansin na naman kay Xhena."
Si Xhena, ang apple of the eye ng UHB Men na si Wayne Monterey. Nagtatrabaho bilang part-time crew ang naturang babae.
Tiningnan niya ang oras sa suot na relo. Mukhang late na naman ang mga kaibigan niya. "Okay. Pupunta muna ako diyan. Tutal naman wala pa ang mga kaibigan ko," tukoy niya sa mga kaibigan niyang babae mula sa pinapasukan niyang paarakan sa Middle Town ng Pagbilao.
"Pakisamahan ng kaunting bilis. Ayaw ko na pinaghihintay ako."
"Aba't," apila niya. "Demanding ka?"
"Mahal ang bawat segundo ng oras ko."
Napamaang siya habang natatawa sa sinabi ni Daizuke. "Okay po, mahal na Prinsipe, papunta na po riyan. Kichigai!" sabi pa niya bago pinindot ang end call button ng kanyang cellphone. Ibig sabihin niyon ay 'crazy'.
Napangiti siya. Bibihira niyang makita ang mga ito dahil busy rin siya ngayon sa kanyang pag-aaral. Lalo na at nasa Grade Ten na siya. Sa susunod na pasukan ay papasok na rin siya sa Senior High. Nag-send muna siya ng text messages sa apat na kaibigan na may pupuntahan lang siya.
Hanggang ng mga sandaling iyon ay hindi alam ng mga babae niyang kaibigan na kaibigan niya ang pinakasikat na grupo sa Pagbilao City. Lalo na sa pinapasukan niyang public school, ang Talipan National High School. At isa iyon sa ipinagpapasalamat niya. Hindi rin naman kasi sila nakikitang magkakasama sa pampublikong lugar sa Pagbilao. Sa tuwina'y nasa loob lagi sila ng Valle Encantado. At kung lumabas man ang mga ito kasama siya, sinisigurado niyang hindi siya basta-basta makikilala.
BINABASA MO ANG
The Ultimate Hottie Billionaire
Teen FictionDAIZUKE NIWA's story. A story that evolve Friendship, Youth, Love and Romance. #TheUltimateHottieBillionaire Daizuke Niwa's own meaning of U.H.B. TEASER Kung mayroon mang pinakamayaman sa grupo ng mga UHB Men, walang iba kundi si Daizuke Niwa. Para...