Chapter 10

7.7K 533 138
                                    

WALA YATANG sandali na hindi natutulala si Nashnairah sa tuwing sumasagi sa kanyang alaala ang nangyari sa pagitan nila ni Daizuke sa Balesin Island. Mag-iisang linggo na pero sobrang apektado pa rin siya.

Napabuntong-hininga siya. Kapag nakakaharap naman siya si Daizuke ay wala itong nababanggit na tungkol doon. Siguro nga, kinalimutan na nito ang bagay na iyon.

Katulad na lang nang araw na iyon sa UHB Mansion. Sobrang natural lang ng kilos nito. Tipong hindi na talaga big deal iyong nangyari noong isang linggo. Siya lang talaga siguro ang hirap ngayon na mag-move on. Ganoon nga talaga siguro kapag first kiss.

Nang hanapin niya si Daizuke ay sa silid nito niya ito nakita. Nakaharap sa computer nito. Dahil nakatalikod ito sa kinaroroonan niya kaya naman maingat siyang naglakad palapit dito. Inusisa niya kung ano ang pinagkakaabalahan nito. Kumunot ang noo niya.

Nagpi-Friendster ito. Ang pinakauso ngayon sa internet. Akala ba niya ay hindi ito makikiuso sa iba nilang kaibigan? Pero hayon at mayroon pala itong account sa Friendster. Sandali niyang napigil ang paghinga nang makita rin na may kapalitan ito ng private message. Babae iyon. Bigla ay parang may tumusok sa puso niya.

Tumuwid siya ng tayo at umatras. Ramdam niya ang panibughong agad bumangon sa puso niya dahil sa kaalaman na may iba itong kausap. At babae pa.

Alam naman niya na wala siyang karapatan na pagbawalan ito. At isa pa, nasa tamang edad na si Daizuke. Kahit nga ang iba nilang kaibigan ay naranasan na ring pumasok sa isang relasyon o kaya ay makipag-fling.

Huminga siya nang malalim para kahit paano ay pagaanin ang namimigat na dibdib. Nagbilang muna siya ng hanggang sampu bago pinilit maging kaswal sa harapan ng kaibigan. Kahit na sa likod ng matamis niyang ngiti ay sobrang lungkot ng nararamdaman niya.

"Akala ko ba hindi ka magpi-Friendster?" pangbubulahaw niya sa ginagawa ni Daizuke.

Bahagya lang itong ngumiti nang sandali siyang tingnan. Ibinalik din nito sa monitor ang atensiyon. "Wala namang masamang makiuso. Napag-iiwanan na nga ako, eh."

Naupo siya sa gilid ng kama nito habang ang tingin ay hindi inaalis sa likuran nito. Sa isip ay nabato na niya ang monitor para mabasag dahil ni hindi na siya nito pinansin pa. Sino ba ang kausap nito at sobrang busy nito?

Gustong-gusto niyang mag-usisa pero hayon at hindi siya magkaroon ng boses. Pakiramdam pa niya ay nananakit ang kanyang lalamunan dahil sa nararamdaman.

"Napaka-busy mo diyan," sa wakas ay bulalas niya.

"Hindi kasi naniniwala itong kausap ko na ako talaga si Daizuke Niwa. Poser daw ako."

"Ano'ng sabi mo?"

"Sabi ko, puwede naman kaming mag-meet para mapatunayan na hindi ako poser."

Kapit lang, Nashnairah, paalala niya sa sarili. Bawal masaktan...

At ngayon, may pakialam na ito sa opinyon ng iba. Gusto pang makipag-meet sa kausap nito sa Friendster. Kumibot ang labi niya.

"Push mo 'yan," aniya na tumayo na. Wala ng lingon-likod na iniwan niya ito sa silid nito.

Unti-unting bumagal ang paglalakad niya nang makalabas siya sa silid ni Daizuke. Imbes na makigulo sa mga kaibigan nila sa ibaba ng mansiyon ay nagkulong na lang siya sa kanyang silid. Ni-lock pa niya ang pinto para lang walang mang-istorbo sa pag-e-emote niya.

Humiga siya sa kanyang kama at nagtaklob ng comforter sa buo niyang katawan at sa ulo.

Bahagya niyang pinalo-palo ang dibdib. "Bakit ang sakit-sakit ng pakiramdam mo diyan? Dapat maging manhid ka rin minsan, eh," mariin siyang pumikit bago muli ring nagmulat.

The Ultimate Hottie BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon