CHAPTER 1

1.6K 186 21
                                    

KABANATA 1

Malawakang digmaan ang kasalukuyang nagaganap sa Emperyo ng mga tao. Ang Emperyo ng Lekresha at Emperyo ng Blutan ay kasalukuyang nilulusob ang Emperyo ng Rintoria.

Ang dahilan nito ay ayaw makipagtulungan ng Emperador ng Rintoria sa mungkahi ng dalawa pang Emperador. Nais ng Emperyo ng Lekresha at Blutan na sakupin ang iba pang kaharian at emperyo upang pamunuan ang mga ito. Naniniwala silang ang mga tao ang siyang dapat mamuno sa lahat at ang ibang lahi ay pawang mga alipin lamang na dapat nilang pasunurin.

Maitim ang mga ulap sa kalangitan at dahil ilang araw na ring nangyayari ang digmaan nakakasulasok na ang amoy ng dugo. Marami ng bayan at lungsod ng Emperyo ng Rintoria ang nasakop. Sa ngayon, nakarating na sa Emperial Kapital ang mga mananakop. Lalong naging tensyonado ang labanan dahil sa panig ng Emperyo ng Rintoria ay walang sumuko.

Mas nanaisin pa ng mga matataas na opisyales nito na lumaban at mamatay na ipinagtatanggol ang kanilang Emperyo. Ang lupaing kinalakihan at nagbigay sa kanila ng hindi matutumbasang mga ala-ala.

Samantala sa loob ng kastilyo kung nasaan ang limang taong gulang na batang lalaki ay mayroong bigla na lamang pumasok sa kanyang silid. Ang silid ay binabantayan ng tatlong guwardiya at ang tanging nakaatang lamang na utos sa kanila ay protektahan ang kanilang batang panginoon. Wala silang pakealam sa nangyayari sa labas at noong masilayan nila ang lalaking pumasok sa kuwarto ng kanilang batang panginoon ay hindi nila ito pinigilan.

Sugatan ang lalaki at nakasuot ng marangyang kasuotan. Ang kaniyang kumikinang na kasuotan ay punong-puno ng dugo at kapansin-pansin rin ang naputol niyang kaliwang braso na patuloy ang pagtulo ng dugo.

"Ruru!"

Malakas na banggit ng batang lalaki ng makita niya ang dumating. Si Ruru ang kanang kamay ng kanyang ama sa pagpapatakbo sa buong Emperyo. Tinagurian din bilang pangalawang pinakamalakas sa Emperyo ng Rintoria.

"Ruru~ sinong may gawa sa iyo nito!"

Galit na turan ng batang lalaki at nag-aalalang lumapit sa lalaki. Umilaw ng berde ang kanyang mga kamay at itinapat ito sa putol na braso ng lalaki. Unti-unting tumigil ang pagdurugo at bago pa tuluyang gumaling ang sugat ng lalaki hinawakan na nito ang kamay ng kanyang batang panginoon upang pigilan ito sa kanyang ginagawa.

"Batang Panginoon! kailangan n'yo nang lisanin ang lugar na ito. Wala na tayong oras at paniguradong ilang minuto mula ngayon babagsak na ng tuluyan ang Emperyo ng Rintoria."

Pinilit ng lalaki na sabihin iyon ng hindi nababasag ang kanyang boses. Hindi niya matanggap na bumagsak na ang kanilang Emperyo ngunit kailangan niya itong tanggapin at ilikas ang kanilang batang panginoon sa lalong madaling panahon.

Ang inosenteng mata ng batang lalaki ay napuno ng takot at pag-aalala. Isa siyang matalinong bata kaya alam niya ang sinasabi ni Ruru, ang kanang kamay ng kanyang ama. Ikinulong siya sa silid na ito at binantayan ng tatlong malalakas na kawal upang hindi niya masilip ang kasalukuyang nagaganap na digmaan sa labas ng kastilyo.

"Hindi... nagsisinungaling ka!"

Wala sa wisyong sambit ng batang lalaki ngunit bago pa man makapagpaliwanag si Ruru na totoo ang kanyang sinasabi, bigla na lamang may pagsabog na nangyari sa labas ng silid kung nasaan sila. Dali-daling hinawakan ni Ruru ang kanilang batang panginoon at handa na siyang protektahan ito ano man ang mangyari. Agad silang lumabas ng silid at ang naabutan nila ay ang labanan sa pagitan ng tatlo nilang kawal na nagbabantay kanina at ng limang kawal mula sa kalaban nilang mga Emperyo.

Malalakas ang bawat isa sa kanila at paniguradong mga elite ang mga ito sa kanilang pinagmulang emperyo. Nasaksihan mismo ng batang lalaki ang mga nangyayari at nagdilim ang kanyang expresyon. Hindi niya kayang makita na nilulusob sila sa kanilang mismong teritoryo. Gagalaw na sana ang bata upang umatake ngunit napigilan ito ni Ruru.

The Wrath of AceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon