KUNG AKO'Y ISANG AKDA

493 20 40
                                    

Kung ako'y isang akda, ako'y matalinghaga,

Lahat ng salita ay may ibig isapantaha.

Hindi man malalim ngunit mahirap sisirin,

Mga kahulugan nito'y dapat na iyong pakaisipin.

Kung ako'y magiging akda

Mga kaibigan ko ang aking tema,

Sila ang mga taong taglayin ang katapatan

Mga likha mula sa abong may kabanalan.

Kung minsa'y ako'y isang talumpati,

Binibigkas sa iyo ang aking mga dalamhati

Kahit malungkot, ika'y makasisigurong palaging banayad

Laway ko'y di maaaksaya basta pakikinig ang 'yong bayad.

Kung ako'y isang epiko,

Ikaw naman ang martyr na bayani ko.

Makikipagtunggali sa mangangayaw at barabaro;

Sa mga mananakop ako'y ipagtatanggol mo.

Kung ako ay magiging isang tula,

Mayroon itong simbolismong saliw,

Tatanghalin kang walang katumbas, kapareha

Sapagkat ang iyong presensya'y sintang giliw.

Kung ako ay isang pabula

Ipinangako mong ika'y hayop, 'diba?

Pero ang asal mo'y mabuti't tagapagtuwid

Sa mga taong nabubuhol na ang lubid.

Kung ako'y isang alamat,

Isasalaysay ang ating mga saya't sugat

Ano ang mahusay at magandang pinagmulan

Kahit hindi matino ang ating dahilan.

Kung ako'y matatanghal na isang dula,

Ikaw, kaibigan, ang gagawing pangunahing bida

Huwag nang sayangin ang oras sa pagtatataka

Dahil naniniwala akong ika'y mananatiling totoo kahit sa likod ng maskara.

Kung ako'y gagawing bugtong,

Isa akong malalim na kaisipan,

Ang makakasagot lang ay mga tunay na kaibigan

'Pagkat sila lamang ang nakakaalam ng aking katauhan.

Kung ako ay isang nobela,

Hayaan mong mga kwento'y aking iburda

Mula sa ating unang pagkakakilala,

Hanggang sa pangakong habambuhay na tala.

Kung ako'y isang testamento,

Magiging matibay akong pruweba't katunayan

Na kahit bumaliktad pa ang ikot ng mundo,

Pagbibigkisi't ipaglalaban ang kasulatang walang magbabago.

Kung ako ay isang akda,

Ang Diyos ang aking mangangatha,

Ang tagapaglimbag at natatatanging tagapaglikha.

Ikaw naman, aking kaibigan, ang masugid kong tagahanga.

Marahil, hindi man maganda ang aking komposisyon,

Ano man ang mangyari sa pagtakbo ng panahon,

Kaibigan, kailanma'y di kakayaning ika'y hiwalayan

Dahil ikaw ang lahat ng dahilan..

At ibigsabihin ng bawat kahulugan...

AKDATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon