Chapter 1

74 9 0
                                    




Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko, ngunit napapikit akong muli dahil sa nakakasilaw na liwanag na tumama sa mukha ko. Ilang minuto pa ang lumipas bago masanay ang mga mata ko. Napansin ko na nakaupo ako sa isang simpleng upuang gawa sa kahoy, at sa paligid ko, wala akong makita kundi puro puti—parang walang katapusan. Pero hindi iyon ang unang pumasok sa isip ko. Agad kong hinanap si Inay at si Itay. Bigla akong nalungkot nang maalala ko ang nangyari sa amin. Napangitngit ako sa galit, at sa pagkadismaya, napabaling ako sa upuan sa tabi ko.

"Magalit ka lang, pero huwag na huwag mong sirain ang upuang iyan," sabi ng isang boses.

Napalingon ako. Hindi malakas ang boses, ngunit ramdam mo ang otoridad. Binaba ko ang upuan na hawak ko at kunot-noong tumingin sa kanya.

"Sino ka?" tanong ko, ngunit ngumiti lang siya.

Lumapit siya at tinitigan ako, na nagpalalim pa ng aking pagkagulo. Una, hindi ko alam kung nasaan ako. Pangalawa, hindi ko kilala ang taong ito.

"Sino ka? Atsaka nasaan ako? Anong lugar 'to?" sunod-sunod kong tanong. Pero higit sa lahat, iniisip ko si Inay at si Itay. Kamusta na kaya sila? Natatakot akong malaman ang sagot dahil sa maaaring wala na sila, dala ng kalupitan ni Don Felipe. Nagngitngit ako sa galit, walang nagawa upang tulungan sina Inay at Itay, dahil sa kahirapan namin.

Napanghina ako, mistulang bulong sa hustisyang hindi kami pinakikinggan. Sino nga ba kami? Mga magsasaka lamang sa Hacienda Montecarlos, at tila walang nagmamalasakit sa amin. Sana naging mas matapang ako. Kung nagpursige lang ako, baka nailigtas ko na sina Inay at Itay mula sa hirap. Pero parang hanggang pangarap na lang iyon. Bumagsak ang tuhod ko, napaupo ako sa upuan.

"Tapos ka na?" tanong ng boses kanina, kaya muli akong napatingin sa kanya. Ngayon ko lang naalala na nariyan nga pala siya.

Palinga-linga ako sa paligid, ngunit wala akong makita kundi puti. Nakaupo na siya ngayon sa isang simpleng mesa, at sa harap nito ay isang malaking libro, tasa, at tsarera. Hindi ko siya nakita kanina habang nililibot ko ang tingin, ngunit bigla na lang siyang lumitaw na parang kabute.

"Bago ka uli magtanong, isipin mo muna kung ano ang nangyari sa 'yo," sabi niya. Napakatikom ako ng bibig. Wala akong ibang tao na matatanong kundi siya, kaya napakunot ang noo ko sa sinabi niya.

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko, pero biglang gumalaw ang upuan ko papalapit sa kanya, para bang may sarili itong buhay. Sa nerbiyos, mahigpit akong napakapit.

"Ang pangit naman na nag-uusap tayo nang magkalayo," aniya, habang inaayos ang libro. Kahit sinusundan ko ang bawat galaw niya, hindi ko mapigilan ang maalala ang nangyari kanina. Nananaginip ba ako? Patago kong kinurot ang kamay ko, ngunit nasaktan ako, kaya lalo akong naguluhan. Ibig sabihin, totoo ang lahat ng ito.

"Hindi ka nananaginip," sabi niya. Nanlaki ang mata ko, nababasa ba niya ang iniisip ko?

"Hindi ko nababasa ang isip mo, pero madali lang hulaan kung ano ang iniisip mo ngayon," sagot niya. "Ang totoo, hindi ko na dapat pinapatagal ito," aniya habang binubuksan ang libro.

"Sian Escanes, dalawampung taong gulang. Nag-iisang anak nina Joselito at Mercedes Escanes, mga magsasaka sa Hacienda Montecarlos." Nanlaki ang mga mata ko. Paano niya nalaman ang mga iyon?

"Mahaba pa ang nakasulat dito tungkol sa 'yo," sabi niya. "Hindi pa ako nangangalahati."

"Sino ka ba talaga?" tanong ko. Sinara niya ang libro at nagsalin ng tsaa mula sa tsarera.

"Ako si Cleo," maikli niyang sagot.

"Bakit alam mo ang mga bagay na 'yun?" tanong ko ulit, habang sinimsim niya ang tsaa. Nagkatitigan kami, at sa lapit namin, mas nakita ko nang buo ang itsura niya—hindi siya matanda, at hindi rin kabataan. Pero ang mga mata niya, para bang kalawakan na walang hanggan.

HiraethTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon