"Uhm, Sian, pasensiya na ha? Kung hindi dahil sa akin, hindi sana mangyayari ito," ani Dale habang nakatingin sa mga sugat ko sa magkabilang siko. Umiling lang ako at napatingin sa kanya."Wag kang mag-alala, wala iyon," sagot ko na lang.
"Pasensiya ka na rin sa kapatid ko, at sana huwag mong dibdibin ang sinabi ni Serena. Gano'n lang talaga siya, matalas ang dila, pero mabait naman 'yun. Ganun lang siya sa mga taong hindi pa niya gaanong kilala," sabi ni Dale. Napatango na lang ako sa lahat ng sinabi niya.
Sa totoo lang, hindi naman ako galit kay Serena, at lalong hindi ako na-offend. Ang totoo, nabuhayan pa nga ako ng loob para magpursige. Ayokong maiwan na lang basta-basta, lalo na sa mga kaedad ko. Napangiti ako kina Dale at napailing sa mga sinabi niya.
"Nabuhayan nga ako ng loob dahil sa nangyari kanina. Mas napatunayan ko na kailangan ko pang magsikap," ang naisagot ko na lang.
"Bakit hindi mo patunayan sa kanya na magaling ka, na iba ka?" tanong ni Robin, kunot-noo akong napalingon sa kanya. Nang mapatingin ako kay Dale, nakangiti na rin siya, na para bang alam na agad ang ibig sabihin ni Robin.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko, nalilito.
"Bukas na bukas, bumalik ka dito. Mas maaga, mas mabuti. Wag kang mag-alala, nandito lang ako palagi buong araw," sagot ni Dale, pero hindi ko pa rin maintindihan.
"Sayang nga, babalik na kami mamaya sa Panthera, pero gagawa ako ng paraan para makabalik dito sa Laluma. Hindi ako papayag na hindi ako kasali sa inyo," dagdag ni Dale, na lalong nagpagulo sa akin.
"Yun ay kung papayagan ka ni Tiyo na bumalik dito," natatawang sabi ni Robin, pero ngumisi lang si Dale.
"Marami akong paraan," pagyayabang ni Dale.
"Babalik ka naman uli dito, hindi ba?" tanong ni Robin, at napatingin ako sa kanya.
"Teka nga, ano ba talaga ang ibig mong sabihin?" tanong ko, mas nalilito na.
"Tutulungan ka naming magsanay para, sa oras na magkita kayo ulit ni Serena, hindi ka na niya mamaliitin. May potensiyal ka, Sian, at nakita ko 'yun kanina nung naglaban kayo," sabi ni Dale.
"Nagulat ako sa kakaibang liksi mo, parang sa isang kisapmata, nandun ka na sa kabilang direksyon," segunda pa ni Robin.
"Nalalapit na ang araw ng eksaminasyon, kaya mas pag-igihan mo pa ang pagsasanay. Sigurado akong makakatulong kami sa iyo," sabi ni Dale. Napatingin ako sa kanya.
"Eksaminasyon?" tanong ko, hindi pa rin sigurado kung ano ang pinag-uusapan nila.
"Teka, wag mong sabihing wala kang alam tungkol doon?" sabi ni Robin, napailing ako, dahil totoo naman, wala akong alam tungkol sa sinasabi nilang eksaminasyon.
"Tatlong buwan mula ngayon, magdadagsaan ang binata't dalaga sa buong kontinente papunta sa Panthera para sa darating na eksaminasyon. Kaya kung gusto mong makapasa, mas mabuti pang doblehin mo na ang pagsasanay. Sa katunayan, kaya kami narito ni Serena sa Laluma ay para magsanay din. Mag-iisang linggo na kami dito, at sinamantala na rin ang pagbisita namin ni Ama para makapagsanay bago kami bumalik sa Panthera," mahabang paliwanag ni Dale.
Eksaminasyon para sa mga gustong pumasok sa propesyon ng adventurer? Ganun ba kabig deal iyon? Eh paano kung gusto ko lang mamuhay ng matiwasay? Pwede kaya yun? Pero kung lahat ng binata at dalaga ay pupunta, ayoko namang mapag-iwanan. At saka, naalala ko na binanggit nga pala ito ni Cleo sa akin noon, pero nawala na sa isip ko.
"Magiging labingwalo na ako sa susunod na dalawang buwan, kaya makakaabot pa ako," sabi ko. Kung ganun, labingdalawang taon ang kwalipikasyon. Sa darating na buwan, kaarawan ko na rin, magiging labingwalong taong gulang na ako. Nakakatawa lang na mas bumata ako sa mundong ito. Sana debut ko na kung nabubuhay pa ako sa dating mundong pinagmulan ko.
