Ang love, parang magic.
Hindi totoo.
Sabi ni Rob.
At pagdating mo sa dulo, pag natanggal na ang mga salamin, tali, ilaw at palamuti, trick lang ang lahat. Ang malala dun, nagbayad ka pa para magpaloko.
Besides, kung totoo man ang love, di ba’t parang masyadong ideal ito? Parang pang paintings o sculptures ng mga sinaunang panahon – perfect, bawa’t tikwas ng buhok, bawa’t anggulo ng ilaw, at bawa’t tiklop ng damit - Walang out of place. O di kaya isang malaking magic act lang na gawa ng pinakamahusay na illusionist ng ating panahon – ang Hollywood . O ng Star Cinema. O ng Hallmark at National Bookstore.
Basta. Parang magic lang ang love. There’s no such thing.
Hindi naman sa broken-hearted si Rob. O tipong naka sampung exes na. O kaya iniwang parang kuting ng mga magulang. “Let’s just be logical,” lagi niyang sinasabi. “It’s just that two people see the evolutionary need to be together and progress and preserve our race!”
Ganoon nga naman ang logical na pag-iisip. Yun lang naman ang habol ni Rob. Matularan ang pag-iisip ng kaniyang mga bayani – tulad ni Einstein, James Watson, at maging ni Sherlock Holmes. “Elementary lang yan,” sinasabi niya kahit nung elementary pa lang siya. Naunahan niya ang mga kaklase niyang mahulaan ang totoong mga nangyari sa “Adventures of the Speckled Band” at ang “The Hound of the Baskervilles.” Nakumpirma niyang wala naman talagang mumu, manananggal, dwende at maging nakakatakot na security guard na kukuha sa yo pag magulo kang bata. Sinabihan niya ang kaniyang yaya na elementary lang din ang natapos, “Elementary lang naman yan.”
Kaya’t nayanig ang buhay ni Roberto Castillo nang pumasok sa eksena si Jennlyn Baguio .
In love si Jen kay Rob.
Yun ang sabi niya.
Yun din ang sabi ni Jen tungkol kay Peter Masilo last year, kay Manny Terciera noong freshman sila, kay Joey Nicoleta noong Third Year High School Prom nila, at kay Max Malabanan noong Grade Six sila.
Hindi naman sa sadyang malandi o di makapaghintay si Jen. Maaari mong sabihing hindi tunay ang “pag-ibig” na naranasan niya noon, pero umiibig siya sa pag-ibig. Sinisinta niya ang pagsinta. Ang ideya kagandahan, at lahat ng good vibes na dulot nito. Kahit minsan, parang sumasalpok ang ulo niya sa pader, nagpapasalamat na lang siyang mas matigas ang ulo niya. Kahit binasted siya, o di man lang pinansin ni Peter, Manny, Joey at Max, sige lang. Ibig lang.
Hindi rin sa martir siya. Pero pinalaki siya sa Danielle Steel novels na natagpuan niya sa basement ng bahay niya. Nahumaling kay Shakespeare at Balagtas at nabitag ng Star Cinema, libu-libong telenovela. Kaya’t ang kaniyang battlecry, “love conquers all.” “All! Narinig niyo? All!” minsan niyang naisigaw sa tuktok ng College of Fine Arts building. Sabay umulan. Perfect.
Hopeless romantic. Hopeless, pero romantic. Sabi ni Jen sa sarili habang hinahayaan ang ulan na kumpletuhin ang drama ng eksena.
Pero iba si Rob, sabi ni Jen.
Hindi lamang siya iba sa ibang lalaki sa kasalukuyan, pero hindi rin siya maihahambing sa mga naging heartbreaks ng kaniyang nakaraan.
Ibang tao na rin kasi si Jen.
Sabi niya.
Feeling niya mas mature siya. Mas may alam. Mas may karanasan. Kumabaga dati siya si Judy Ann sa Mara Clara – inosente, nene. Ngayon, mas si Bea Alonzo na siya sa One More Chance – tangan ang heartbreak, pero nagmo-move on. Artista at kathang-isip pa rin ang mga peg (na siyang hindi maiintindihan ni Rob), pero ang punto niya – iba na siya.
At F na F niya – iba si Rob.
Paanong naiba? Ewan. Basta iba ang tibok ng puso niya. Iba ang pagtayo ng kaniyang mga balahibo. Iba ang hingal niya pag nasobrahan siya sa kaiisip kay Rob. Hindi niya sinusulat lang sa notebook ang pangalan ni Rob, sinusulat niya ito kahit sa bill ng kuryente at ng tubig. Basta. Iba si Rob.
Ayon naman kay Rob, sana iba na lang ang lumalapit sa kaniya. Huwag lang itong illogical creature na ito.
Pilit nanagbu-beautiful eyes si Jen pag dumadaan si Rob. O kaya biglang binabaliko ang leeg para makita ang ganda ng kaniyang buhok, parang sa shampoo commercial (pero mas parang sa Exorcism of Emily Rose). Minsan, nag-“Hi” na siya nang diretso kay Rob pero tungo lang ulo ang nakuha niya mula rito. Kaya rin sukdulan sa kantsiyaw ang inaabot ni Rob sa barkada niya. Dahil tuwang-tuwa rin silang makita ang kanilang kaibigang magsa-Houdini, hirap na hirap kumawala sa magic act na ito.
Hindi naman sa pangit si Jen. Legendary lang din kasisiya kaya alam na alam ni Rob na talagang hindi sila talo. Hindi rin naman tanga si Jen. Kaya alam niyang kakailanganin niya ng ibang strategy para kay Rob kung gusto niyang may mangyari man lang na kamustahan sa kanilang dalawa bago matapos ang senior year ng college.
Para sa kakaibang pag-ibig, alam ni Jen na kailangan na niya ng kakaibang tulong. Never pa niyang nasubukan ito dahil sa takot at dahil weird lang talaga, pero ngayon na ang pagkakataon. Kailangan na niyang humingi ng tulong kay Tita Tess.
YOU ARE READING
Magic ba ang Love?
RomanceMay magic ba sa mundo natin o wala? Kung wala, ano ang tawag mo sa pag-ibig? Na sumisira sa lahat ng logic ng mundo natin? At ano ang mangyayari pag isang taong hindi naniniwala sa mga magical things tulad ng love ay bumangga sa isang babaeng...