2: TITA TESS

18 1 0
                                    

Kung para kay Jen, magical ang mundo ng pag-ibig, literal na magical ito para kay Tita Tess.

Pero teka, hindi talaga tita ni Jen si Tita Tess.

Dati nilang kapitbahay si Tess Bustillo. Siya yung kapitbahay na ubod ng perkiness. Parang nagkakape kada ora, at laging may ngiti para sa lahat ng okasyon. Hindi naman sa umaangal si Jen, dahil lagi silang may Christmas Gift, New Year’s Gift, Chinese New Year’s Gift, Valentine’s Gift, Birthday Gift, at Gift para sa lahat ng galaw ng Zodiac, ng buwan, at ng tubig sa dagat. Laging may biko, adobo at kaldereta para sa bawa’t astrological prediction na nagkakatotoo. At kahit hindi nagkakatotoo, lagi siyang may candy man lang para kay Jen at sa mga kapatid nito.

Masaya ring kausap si Tita Tess. Natatandaan ni Jen na lagi siyang hinihintay ng nanay niya, sabik sa tsismis (habang ang tatay naman niya ay biglang may kailangang bilhin sa Mercury Drug). At buong hapong nagkukuwentuhan si Tess at nanay niya tungkol na rin sa pag-ibig – mga nagkatuluyan at mga nasawi. At laging may hinuha si Tess na di mo maririnig mula sa iba. Sisisihin niya hindi ang katamaran ng isang lalaki o katorpehan ng isang binate o ang mga striktong magulang ng dalaga, kung hindi ang buwan, ang alignment ng mga bituin, mga iniinom na tsaa na maaaring magkaroon ng magical attractive properties, at kahit ang ihip ng hangin mula sa Silangan. Kaya rin siguro naaliw si Jen na nakikiusyoso sa usapan ng kaniyang nanay at ni Tita Tess. Biruin mo, parang kausap mo si Zenaida Seva at Boy Abunda in one.  At ang kaniyang ka-weird-an ang siyang naging susi rin naman para maimbita siya kahit sa mga party sa bahay ni Jen, kahit pa family reunion. Kaya nagi na rin siyang Tita.

Hindi naman naniniwala si Jen sa lahat ng sinasabi ni Tita Tess. Natutuwa siya sa mga kuwento ng pag-ibig, pero parang naroon lang siya sa bakuran ng hiwaga. Parang iba na yatang bansa iyon, na hindi pa siya handing puntahan.

Nang lumipat si Tita Tess ng bahay, naging mas bihira ang kaniyang mga pagbisita. Busy raw. Maraming bookings. Maraming humihingi ng advice. At dumaan din ang ilang taon pa, at nawalan na sila ng contact kay Tita Tess. Alam nila ang number, email address at website (oo, website), pero di pa rin nila napuntahan ng kaniyang nana yang bagong bahay ni Tita Tess. Napag-alaman na lamang ni Jen at ng kaniyang inay, matapos usisasin ang ibang kapitbahay, na dati palang kasama si Tita Tess sa mga perya sa probinsya. Tapos nadala ng Tadhana sa nasirang Payanig sa Pasig. At ngayon, mukhang natangay muli siya ng hangin papunta sa kaniyang mga dating buhay. Attraction uli siya sa karnabal.

Kaya’t hinanap siya ni Jen. Kung may makakatulong sa kaniya tungkol kay Rob, si Tita Tess yun.

... 

"Iha! What brings you here?"

Sinubukang hawiin ni Jen ang usok mula sa tila sanlibong insensong nakasindi sa maliit na sala ni Tita Tess.

"Let me guess... Love?"

Hindi na niya hinayaang sumagot pa si Jen. Tumili na lamang ito na parang nahanap ang nawawalang kapatid.

"I knew it. Nobody just suddenly looks for Tita Tess. And you weren't just in the neighborhood, dear. At alam ko kung ano ang kailangan mo."

Ganoon ang naging takbo ng kanilang diskusyong tumagal ng halos isang oras. Hindi alam ni Jen kung sobrang obvious lang ng kaniyang pagka-desperado, pagka-balisa, at pagka-clueless, o talagang may special powers si Tita Tess.

Sa kadulu-duluhan, may naiuwi siyang 500mL na bote ng Absolute Drinking Water na may laman na... mukhang tubig lang din. Pero nangako si Tita Tess na kahit ihalo mo ang isang patak lang niyan sa tubig, iibig ang kahit sinong iinom nito sa taong magbibigay sa kaniya nung tubig. Pinilit ni Jen na magbayad para rito pero sabi ni Tita Tess, "Love is its own reward."

Napaisip tuloy si Jen, "Ganoon ba ako kabaliw?"

Pero hinawi niya ang ideyang yun dahil kinailangan na niyang isipin ang susunod niyang gagawin: Paano iinumin ni Roberto Castillo ang tubig na nasa boteng hawak niya?

Magic ba ang Love?Where stories live. Discover now