Lahat marahil ng mga relasyon ay parang see-saw. Sa maraming ibang tanong, punto, o maging sa relasyon mismo, may nasa ibabaw, may nasa ilalim. May ayaw sumisid sa katotohanan. Mayroong gusto sa itaas lamang para madama ang hangin. Bihirang nagtatagpo sa gitna.
Lalo na sa kaso ni Jen Baguio at Rob Castillo. Wala nang balak tanungin pa ni Rob ang katotohanan dahil para sa kaniya, nalutas na niya ang gulo ng nakaraang mga linggo. Na ang lahat ay kasinungalingan - ni Jen. Kaya't wawakasan na niya. Si Jen naman, akala niya'y wala nang ibang pupuntahan ang pag-iibigan nila kung hindi ang maging sila.
Kaya't umabot sa sangandaan ang kanilang relasyon, ang sangandaang walang balikan matapos ang kasagutan, ang sangandaang maaaring tinatakasan ng iba: ang tanong, "ano nga ba tayo?"
Matapang na itinanong ito ni Jen Baguio kay Rob Castillo habang nasa jeep sila. Hindi sumasagot si Rob, parang di naririnig.
Pagbaba nila sa kanto, tinanong ulit ni Jen. "Rob, ano nga ba tayo?"
Tulad ng maraming lalaking Pilipino na tila di malaman kung ano ang tamang lugar at panahon para sa mga bagay-bagay ng puso, dito niya dinesisyunang tapusin.
Saka sinabi ni Rob, "Sorry, Jen. Hindi ko alam. Pero ang alam ko, ikaw lang ang may gusto nito. Ginayumo mo ako. At hindi ko na maipapatuloy ang ganito."
"Eh bakit pa tayo nagkikita? Eh bakit pa tayo nagkukuwentuhan at nagtatawanan at nagsasabihan ng sikreto? Ano itong huling buwan? Biru-biuran?"
"Nung ginayuma mo ako, hindi ba alam mo noon pa lang na ikaw lang ang matutuwa, na parang robot lang ang makukuha mo mula sa aking pagkatao? Isipin mo na lang siguro-- ngayon, nawala na ang epekto ng gayuma mo. Kinausap ko na si Tita Tess, okay? We're done, Jen. You tricked me. It's your fault."
Doon nagpantig ang tenga ni Jen. At doon na rin nabasag ang puso niya.
"Roberto Castillo, robot ka naman talaga. Lahat ng di mo maipaliwanag, winawaksi mo. At for the record - hindi kita ginayuma. Ipinagmamalaki mo pang kinausap mo si Tita Tess! Hindi ko nakayanang gayumahin ka dahil sabi ko sa sarili ko, I want Rob to love me just for who I am!
"Kaya akala ko nagsimula ka lang talagang kaibiganin ako at makita bilang tao matapos kitang painumin. Ni hindi ba pumasok sa kukote mong napaka-talino at napaka-logical na tanungin muna ako? Hindi ba naisip ng utak mong parang computer na baka pagmamahal ang nararamdaman mong di mo maipaliwanag?"
Natigilan si Rob. Gumuho ang utak niya.
Gusto niyang sabay na sakalin at yakapin si Jen. Gusto niyang tumakbo at manatili sa harap ni Jen. Gusto niyang sumigaw pero ayaw na niyang magsalita.
Sa huli, wala siyang napili kung hindi ang sabihin ang isang mahinang "Jen, I'm so-…"
Dumating ang sumunod na jeep.
Sumakay si Jen. Naiwan si Rob.
Bumuhos ang ulan.
Sabay nila sinabi, pero sa magkaibang kahulugan, "perfect."
YOU ARE READING
Magic ba ang Love?
RomanceMay magic ba sa mundo natin o wala? Kung wala, ano ang tawag mo sa pag-ibig? Na sumisira sa lahat ng logic ng mundo natin? At ano ang mangyayari pag isang taong hindi naniniwala sa mga magical things tulad ng love ay bumangga sa isang babaeng...