"No such thing exists," sabi ni Rob, paulit-ulit sa kaniyang sarili. Ni hindi niya masabi ang salitang "gayuma." Pero kahit hindi niya masabi, google siya nang google ng mga "love potions" at mga posibleng chemical combinations para gumawa nito. At ang pinakahindi niya maiwaksi ay ang imahe ni Jen Baguio sa utak niya. Para talaga siyang kastilyong binagyo.
At nang mga sumunod na araw, para siyang batubalaning pilit na lumalaban pero lagi pa ring napupunta at nadidikit sa inayon ng kalikasan. Lagi na ngayon kasama na si Jen. Mula umaga hanggang uwian. Wala namang malalaking bagay. Puro lang kuwentuhan. Lunch magkasama. Pero nararamdaman ng dalawa - at ng mga kasama nila - umuusbong ang relasyon. Tuwang-tuwa siyempre si Jen. Takang-taka naman si Rob.
Ginayuma siya. Ginayuma. Alam niya kahit di niya tiyak. Walang ibang logical explanation!
Sa isang forum na kaniyang napuntahan dahil sa kaka-Google, nakita niyang mayroong tuwang-tuwang nagrerekomenda sa isang nagngangalang Tita Tess. Binigay ang contact details at ang address kasama ng kaniyang nagawa para sa kanilang relasyon. Inisip ni Rob na puntahan intong Tita Tess, para lamang kumonsulta tungkol sa gayuma. Walang email, walang cell number, walang landline man lang. Kaya lingid sa kaalaman ni Jen, pinuntahan na niya si Tita Tess.
At di lamang konsulta sa gayuma ang kaniyang nakuha.
"Iho, parang hindi love potion ang kailangan mo…"
Naguluhan si Rob. Kung sabagay, ilang linggo na siyang gulong-gulo.
"Parang alam ko kung sino ang kapares mo… Nararamdaman ko…"
Wala namang kakaiba sa bihis man lang ni Tita Tess. Hindi naman siya naka magical robe o bandana na may bituin o alahas na nagniningning o nagpapalit ng kulay. Naka lumang T-Shirt na bossini at maong lang si Tita Tess. Parang tita mo lang talaga na kilalang-kilala ka. At sa gayong paraan siya epektibo.
Napaatras si Rob sa kaniyang upuan.
"Narito ka para tanungin kung nasa isa kang spell… Isang magic…"
"Hindi naman po ako nanini-…"
"Shhh… There are powers beyond us, Iho…"
"Pero Tita Tess, ang gusto ko lang pong malaman ay kung totoo pong may gayuma…"
"Hindi iyon ang totoong gusto mong malaman, Iho, dahil wala namang makapagkukumbinsi sa yo di ba?" sagot ni Tita Tess.
Lalong kumunot ang gusot nang mukha ni Rob.
"Ang gusto mong malaman, iho, ay kung nagayuma ka. Na nakapagtatakang gusto mong malaman kahit di ka naman naniniwala kamo sa magical stuff…"
Magaling si Tess. Kahit sa logic, talo si Rob.
"Katunayan nga, a few weeks ago, may lumapit sa aking isang babaeng humingi ng gayuma…"
Napalunok si Rob. Si Jen kaya? Pero paano niya malalaman kung siya nga.
"Sino po?" Nangahas itanong ni Rob.
"Yung kapares mo," sagot ni Tita Tess. Sabay ngiti nang malaki.
"Sabi ko na nga ba…" sabi ni Rob, sabay tayo.
"Pero iho, bago ka umalis, dapat mong malaman na may ibang kapangyarihang mas malakas pa sa mga gayuma. Na maaaring hindi kailangan ng gayuma…At yun ang dahilan kung bakit ka naguguluhan. Dahil tingin ng Tita Tess mo, hindi gayuma ang kapangyarihang sumasaklaw sa iyong puso…"
Hindi na pinakinggan ni Rob ang iba pang sinatsat ni Tita Tess. Ginayuma siya ni Jen. Tapos. Pero hindi na niya nakuhang tanungin pa si Jen. Para siyang nagising sa palagay niya'y katotohanan.
Samantala, iba ang akala ni Jen.
YOU ARE READING
Magic ba ang Love?
RomanceMay magic ba sa mundo natin o wala? Kung wala, ano ang tawag mo sa pag-ibig? Na sumisira sa lahat ng logic ng mundo natin? At ano ang mangyayari pag isang taong hindi naniniwala sa mga magical things tulad ng love ay bumangga sa isang babaeng...