Napag-alaman ni Jen sa mga kaibigan at kaibigan ng mga kaibigan sa paraang maihahambing mo lamang sa pagiging stalker, na si Rob ay may PE class tuwing Huwebes, 430 - 530 ng hapon.
Tap dancing ang PE ni Rob. At tulad ng ibang college students, napilitan lang siyang kunin ito. Wala na kasing natirang pasok sa schedule na gusto niya. It remained to be the last logical choice, ayon kay Rob. Para makuha pa rin niya lahat ng iba niyang klaseng gusto, ito ang kinailangan niyang isakripisyo. At matututo naman siyang konting kultura na maaaring magamit niya isang araw. Sana.
Inaabangan at inaasahan ni Jen ang magiging hingal at uhaw ni Rob matapos ang isang oras ng Salsa at Tango o kung anuman ang susubukan nilang sayawin. Naisip niya at binilang ang lahat ng drinking fountain na malapit sa dance studio. Kumuha siya ng pentel pen, scotch tape at bond paper para gumawa ng mga signs na "out of order" ang mga fountain. At sinigurado niyang pagpunta ni Rob sa isang fountain, at pagkatapos nitong mabigo, naroon siya handang ibigay ang coleman niya na hinaluan ng 500mL ng Tita Tess' special love potion.
Pero siya ba mismo ang magbibigay? Baka tanggihan ni Rob pag siya ang nag-abot ng Coleman. Pero kailangan siya. Sabi ni Tita Tess, ang magpainom sa kaniya ang iibigin ni Rob.
Ang hirap. paano niya gagawin yun? Talaga lang bang magiging ganoon kauhaw si Rob para hindi tumanggi ng kahit anong tubig?
Mabilis niyang nalamang "oo" ang sagot sa tanong niya.
Ganoon pala. Minsan nangyayari na lang ang matagal mong plinano, dumadaan na lamang na parang sanlibong motor na sabay-sabay sa isang kanto ng EDSA. Nasunod ang lahat ng plano ni Jen. At si Rob- walang isip-isip na ininom ang inalay na Coleman ni Jen.
Nilunok. Nasamid nang konti.
Pero wala namang sparkles o biglang ihip ng hangin o biglang pagdilim ng langit o biglang pagsikat ng araw o pusa man lang na tumawid. Lumakad lang si Rob paalis.
Pero tumingin kay Jen bago tuluyang mawala, sabay sabi ng isang matamis na "salamat." Tapos nahiya na nagpasalamat siya at tuloy-tuloy umalis.
Ang magic na di maipagkakaila ay ang kilig na nadama ni Jen. Kilig na kinuryente siya mula ulo hanggang paa. Na tila ikahihimatay niya. Pero isang kilig na hindi niya maintindihan. Dahil hindi niya alam kung paano nangyari ang ganoong magic.
Noong gabing iyon, nakita ng isang janitor ang isang 500mL na bote ng Absolute drinking water sa basurahan.
YOU ARE READING
Magic ba ang Love?
RomanceMay magic ba sa mundo natin o wala? Kung wala, ano ang tawag mo sa pag-ibig? Na sumisira sa lahat ng logic ng mundo natin? At ano ang mangyayari pag isang taong hindi naniniwala sa mga magical things tulad ng love ay bumangga sa isang babaeng...