"SAAN ang punta mo?" tanong sa kanya ni Roxy, matapos niyang makasalubong ito paglabas ng bahay.
"Bibili ako ng damit para sa birthday party ni Mommy," kaswal na sagot ni Adam.
"Ay, bakit hindi mo sinabi agad sa akin? Sandali, magbibihis muna ako," sabi nito, sabay talikod at nagmamadaling lumabas ng bahay.
"Ay teka, Roxanne!" habol niya sa kaibigan.
Nasa labas na ito ng maabutan niya. Bumuntong-hininga muna si Adam bago magsalita, hinanda ang sarili dahil tiyak na magtatampo na naman ito.
"Oh, bakit?"
"Ah, ano kasi... may kasama na ako."
Hindi nagawang itago ni Roxy ang pagkadismaya. Bumawi ito ng tingin.
"Sino kasama mo? Si Nadia na naman?"
Ang tanong nito ay tila nagko-kompirma na lang. Hindi magawang masisi ni Adam ang kaibigan sa naging reaksiyon nito. Dahil simula noon, sa tuwing bumibili siya ng mga damit. Si Roxy ang madalas niyang kasama. Nilakipan na lang ni Adam ng biro ang naging sagot para hindi ito magalit ng husto.
"Oh, nagseselos ka na naman? Pinaliwanag ko na sa'yo di ba? Tinutulungan ko lang siya na maka-recover from her depression. Kailangan ni Nadia ng maraming kaibigan na susuporta sa kanya," sabi niya sabay akbay.
Pumiksi ito saka agad na lumayo.
"Hmp, kaibigan. Kaya pala nagniningning ang mga mata mo kapag kasama mo siya," ani Roxy.
Tumawa lang si Adam.
"Kung hindi lang kita kilala at bestfriend, iisipin ko na may gusto ka sa akin dahil sa reaksiyon mo!"
Bigla siyang napalayo ng umigkas ang kamao nito at sinubukan siyang suntukin sa braso.
"Tse! Asa ka, hindi kita type, no?!" pagsusuplada ni Roxy.
Natatawa habang napailing si Adam, saka dinutdot ang noo ni Roxy.
"Lalong hindi kita type! Alam mo naman mga tipo ko," sabi niya.
"Oo na! Alam ko, mga tipo ni Nadia! Kaya huwag mo akong paandaran na kaibigan mo lang siya," angil nito sa kanya.
"Pero sa tingin mo? Ngayon kaya may pag-asa na ako kay Nadia?" tanong niya.
"Ay naku, ewan ko sa'yo! Hindi ka pa nadala! Sinaktan ka na nga noon eh!" angil nito sa kanya, sabay walk out.
Tumawa na lang si Adam saka umuwi sa bahay nila Doc Ken para ilabas ang kotse niya kung saan iyon nakaparada.
"Oh, 'tol, saan ang lakad?" tanong ni Makaio pagkakita sa kanya.
"Bibili lang ako ng damit para sa birthday ni Mommy, luma na 'yong mga suit ko diyan," sagot niya.
"Ikaw lang mag-isa?"
"Ah, nope! Kasama ko si Nadia."
Bigla itong lumapit sa kanya, saka nakipag-high five.
"Diyan ako bilib sa'yo, 'tol! Hindi ka marunong sumuko! Suportahan kita," tudyo nito.
Natawa lang siya. "Ayoko munang isipin 'yan, ang priority ngayon ay matulungan siyang gumaling."
Nagtaka si Adam ng mapailing ito. "Para saan 'yan?" tanong pa niya.
"Wala naman, napapaisip lang. Dahil hindi madaling i-overcome ang depression. Iyong iba, taon bago gumaling. Are you sure you're willing to do this? Kasi 'tol, kung hindi mo kayang panindigan ang pagtulong kay Nadia. I think you better just step back. Baka mamaya masaktan lang siya kapag bigla kang lumayo, lalo lang makasama sa kanya."
BINABASA MO ANG
Love Confessions Society Series 6: Adam Leongson (Tanangco Boys Batch 2)
Romance"I will never let go of this hand. If you find the situation too hard for you. Then, share your pain with me. You don't have to be alone anymore." Teaser: A Princess' Confession I am broken inside. I wanted to scream. I even cried out for help, bu...