"Huwag kang mag-alala anak, gagawa ang Tatay ng paraan para maibili ka ng gagamitin sa online class mo" pursigido ngunit nag-aalalang wika ni Igme sa grade 7 niyang anak.
Nag-aalala siya dahil hindi niya alam kung saan siya kukuha ng pera para matustusan ang pangangailangan nito. Mag-isa na lamang siyang bumubuhay dito nang mamatay sa panganganak ang kanyang asawa.
Sinubukan niyang bumale sa kanyang amo sa pinapasukang construction site ngunit tinanggihan siya nito sa kadahilanang madalas niya itong ginagawa dahil malimit silang kapusin sa mga gastusin sa bahay.
Wala siyang nagawa kundi umuwi na lamang.Sa kanyang paglalakad ay may nadaanan siyang ATM machine at may babaeng nakatayo sa harap nito na tila nagbibilang ng pera.
Naisip ni Igme ang isang bagay na kahit kailan ay hindi sumagi sa isip niya, ngunit siya ay desperado na.
----
Labis ang saya ni Lorna habang binibilang ang perang kanyang sinahod, ilang oras din ang ginugol niya sa pag-o-overtime upang madagdagan ang kanyang kikitain . Katatapos niya lamang mag-withdraw at siya'y papauwi na. Pagkatapos bilangin ay agad niyang isinilid sa bag.
Lalakad na sana siya ngunit may biglang humila ng kanyang bag, napakabilis at tila siya'y na-estatwa sa gulat."Magnanakaw!" sigaw ni Lorna nang matauhan, ngunit malayo na ang lalaki.
Napaluha na lamang siya habang naiisip ang kanyang anak na bibilhan sana niya ng cellphone para sa kanilang online class.
BINABASA MO ANG
Mga Dagli ni Elle
RandomDagli: Isang espesyal na uri ng pampanitikang Filipino. Ito ay kilala rin sa tawag na isang maikling maikling uri ng kwento na maaaring hango sa pang araw-araw na buhay. DISCLAIMER: Ang mga isinulat dito ay pawang kathang isip lamang. Ang pagkakatul...