Chapter 16
Atonement
Gabi na nang nakauwi ako sa apartment. Sa tuwing maaalala ko ang ginawang pagmamakaawa ni Fatima sa akin ay nanlulumo ako. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamasamang tao sa mundo. Namanhid na ako habang humihiga sa kama. Hindi ko pinindot ang on switch ng ilaw. Nagtago ako sa dilim. Sa dilim naman siguro talaga ako nababagay.
Sa buong araw ng Sabado ay wala akong ginawa kundi ang mag-isip. Sa unang pagkakataon ay nagpapasalamat ako na palaging abala si Caleb. Ayaw ko siyang makita. Ni ayaw kong huminga sa parehong paligid na hinihingahan niya. Nahihiya ako sa sarili ko. Nasusuklam ako.
Dahil sa buong araw na pag-iisip ay humantong na ako sa isang mabigat na desisyon. Isang desisyon na nakasisiguro akong makakasakit ako nang lubusan. Isang desisyon na alam kong parehong magpapalaya sa aming tatlo. Hindi ako kumain. Hindi rin naman ako nagugutom. Ni hindi ako uminom ng tubig. Pakiramdam ko wala naman akong karapatang mauhaw habang ang taong inaagrabyado ko ay may mabigat na pinagdadaanan.
Dumating ang araw ng Linggo. Ganoon pa rin ang ginawa ko. Ang magmukmok. Ni hindi na nga ako nasisikatan ng araw. Magtatanghali na nang maisipan kong maligo. Halos dalawang oras ako sa loob ng banyo. Nililinis ang sarili habang nakikipagsabayan ang mainit na mga luha sa pagbuhos ng malamig na tubig.
Grabe ang naging kaba ko dahil sa narinig na katok mula sa pintuan. Naisip ko na kung si Caleb ito ay hindi na talaga ako makakaiwas pa. Kailangan ko na siyang harapin at kausapin. Basang-basa pa ang buhok at suot ang bulaklaking daster ay dinaluhan ko ang kumakatok. Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin si Ben.
"Pinapasundo ka ni Gov, ma'am."
Unti-unti akong tumango. Tanggap na ang mangyayari. Inihanda na ang sarili. Tipid ko siyang nginitian.
"Magbibihis lang ako."
Bumalik ako ng kuwarto at nagbihis. Isinuot ko ang puting off shoulder dress na may nakaimprentang isang bulaklak na gumamela. Hinayaan kong nakalugay ang buhok. Sinuklay ko lang ito patalikod. Nang maging handa na ay muli kong pinuntahan si Ben na naghihintay sa labas. Ni-lock ko ang pinto.
"Nasaan ba si Caleb?"
Naglakad na kami papunta sa sasakyan na nakaparada sa tapat ng apartment. Pinagbuksan niya ako ng pinto nito sa may passenger's seat.
"Nasa Hotel Basco, ma'am."
Pumasok na ako sa loob at naupo. Sumunod na rin siya. Ilang sandali pa ay pinaandar na niya ang sasakyan. Sa labas ng bintana lang ang tingin ko. Tahimik na pinagmamasdan ang nadadaan. Napaahon ako bigla nang makita ang pagliko niya ng sasakyan. Nagtagpo ang kilay ko dahil sa pagtataka nang balingan ng tingin si Ben.
"Saan tayo pupunta? Hindi ito ang daan papuntang Hotel Basco."
Hindi siya sumagot. Sa halip ay mas binilisan niya ang pagpapatakbo ng sasakyan. Ginapangan ako ng kaba.
"Ben! Ano bang nangyayari?! Saan mo ako dadalhin?"
Hindi niya pa rin ako sinagot. Napatingin ulit ako sa labas ng bintana. Masyado na kaming malayo. Ni wala na akong nakikitang mga kabahayan. Muntik na akong mabuwal sa kinauupuan nang bigla niyang ihinto ng walang abiso ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
"N-nababaliw ka na ba!" singhap ko. Napakapit sa seatbelt na suot.
Nilingon niya ako. Nakita ko ang determinadong tingin sa kanyang mga mata. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita siya ng emosyon.
"Layuan mo na si Governor, Winona," aniya sa baritonong boses.
Nagulat ako sa inasta niya. Parang hindi na siya ang bodyguard ni Caleb na kilala ko.
BINABASA MO ANG
The Senator's Woman (Published)
Romance(Delilah Series # 1) "Sigurado ka ba na ipapalaglag mo, Winona?" Boses na naman ng walang pusong ama niya na pumukaw sa akin. Mas hinigpitan ko ang mistulang pagyapos sa bagong buhay na dinadala. Napangiti ako sa sarili. "Oo, Senator Caleb Del Fue...