"Bakit kasi ayaw mo pa magnobyo para hindi ako ang ginugulo mo," sumbat sa akin ni Vera na busy sa napakadaming papel na pinipirmahan n'ya sa kanyang lamesa.
"Sus ayaw pa magpahalata sa nararamdaman n'ya, naku pag nagnobyo ako at hindi na kita dinalaw ay baka magtampo ka." Tukso ko sa kanya kaya napatigil ito sa ginagawa. Napasimangot pa s'ya sa aking sinabi at agad binitawan ang panulat na hawak upang maglakad patungo sa aking pwesto.
"Syempre totoo naman iyon dahil ikaw lang ang kaibigan ko," nakasimangot na sabi ni Vera.
Agad ko naman s'yang niyakap para maibsan ang kalungkutan nito. Mahal na mahal ko si Vera. Nag-iisang anak lamang s'ya ng mahal na hari ng Daesyn Kingdom. Wala na rin s'yang nanay na kasama kaya naging malapit talaga kami sa isa't-isa.
Kaarawan ngayon ng kinikilala kong ina kaya naman pinuntahan ko si Vera para magpasama sa pamilihan. Hindi ko naman alam na ang daming papel na pinipirmahan nito. Gayunpaman ay kilala ko si Vera kaya alam kong sasamahan ako nito ngayon.
Ampon lamang ako ng aking kinikilalang magulang dahil nakita daw nila ako na walang malay sa ilalim ng puno. Matagal na nilang hinahanap ang tunay kong magulang pero hindi nila iyon natagpuan kaya itinuring na nila akong tunay nilang anak. Hindi din naman sila biniyayaan ng anak kaya bilang ganti sa kanilang pagkupkop ay naging mabuting anak ako para sa kanila.
"Naku tama na nga ang drama, sandali at magbibihis lang ako," nakangiting wika nito sa akin.
"Yes!" Pumalakpak pa ako sa pagkasabi nun. Sabi na nga ba at hindi ako nito pababayaan. Mabilis na nakapagbihis si Vera kaya naman umalis na kami para makabalik din ng maaga.
Masayang mamili kung may kasama ka. Madami at kung anu-anong bagay ang makikita mo sa paligid. Madalas kami pumunta ni Vera sa pamilihan para bumili ng mga palamuti sa aming sarili dahil iyon ang aming hilig.
"Vera tignan mo nga ito," kumikinang ang aking mata nang sabihin iyon at ipinakita sa kanya ang napakagandang pares ng hikaw. Tiyak ko na bagay ito sa aking ina pero nais ko pa din malaman ang kanyang tingin dito.
"Wow ang ganda n'yan Althaia," umaliwalas din ang mukha nito nang makita ang hawak kong hikaw.
"Sige ate ito na ang kukunin ko," binalingan ko na iyong tindera upang bayaran ang hikaw na bibilhin ko bilang regalo. Aabutin n'ya na sa akin ang hikaw na kanyang binalot nang marinig namin ang bell na nagmumula sa sentro ng kaharian. Simbolo ito na may kampon ng kadiliman na nakapasok.
Maya-maya lang ay maririnig na ang sigawan ng mga tao at nagsimula na din silang magtakbuhan na hindi pa din nasasanay tuwing may ganitong pangyayari sa kaharian. Maging ang tindera na kausap namin ay agad nagligpit ng kanyang pwesto upang makaalis na din.
"Halika na Althaia, umuwi na tayo at hindi ligtas dito," anyaya sa akin ni Vera. Sumama na din ako sa kanya upang makalayo na agad kami. Madalas kasi puntahan ng mga kalaban ang pamilihan dahil madaming tao ang nandoon. Matagal bago kami nakarating sa palasyo dahil sa mga nagkakagulong tao sa paligid.
Pagdating sa palasyo ay makikita mo na ang mga mandirigma na naghahanda dahil sila ang nakatalaga sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman. Hindi sila ordinaryong kawal dahil may mga kapangyarihan sila na kayang gamitin laban sa mga nilalang na kalaban ng kaharian. Agad naman kaming sinalubong ni King Daeyn nang kami ay makita dahil na din sa pag-aalala nito sa anak.
"Vera isama mo na si Althaia at umakyat na kayo sa itaas." Utos nito sa amin na ang tinutukoy ay ang ligtas na lugar na mayroon sa taas ng palasyo kapag may ganitong pangyayari. Tumalima naman agad si Vera at hinila na din ako.
Nagpahila naman ako sa kanya pero nahagip ng aking paningin ang isang lalaki na tila namumuno sa mga mandirigma na aming naabutan kanina. Mahaba ang itim nitong buhok at napakaganda ng tindig na bagay sa pagiging mandirigma ng kaharian. Bagay din sa lalaki ang suot na armor na nagpapakitang isa s'yang mandirigma na may katungkulan na ayon sa kanyang posisyon.
BINABASA MO ANG
Anathema
FantasyFalling inlove ang isa sa pinakamasarap na pakiramdam ano pa kung love at first sight iyon. Althaia and Deimos was both warrior in Daesyn kingdom. Sila ang tagapagtanggol ng kaharian dahil sa mga kapangyarihan na taglay nila laban sa mga kampon ng k...