"Tagumpay na nagapi ng grupo nila Deimos ang Olobo na umatake patungo sa baryo ng mga mortal na tao." Agad akong tumayo sa aking kinauupuan nang marinig ko ang balita ng isa sa kawal ng palasyo kay King Daeyn.
Kanina pa kami nasa unang palapag ng palasyo ni Vera kasama ang kanyang ama dahil nga malayo na sa sentro ang Olobo na ngayon ay nagtungo naman sa baryo na aming tinitirahan. Hindi pa din ako mapakali at hindi mawala ang kaba sa aking dibdib.
Gusto ko nang pumunta sa aming tahanan upang matiyak ang kaligtasan ng aking mga magulang. Napansin naman ni Vera ang aking ikinikilos kaya pinuna ako nito. Hinawakan ako nito sa magkabilang balikat at tinitigan.
"Huwag kang mag-alala Althaia, tiyak ko na nasa maayos na kalagayan ang iyong mga magulang. "
"Halika at puntahan na natin ang inyong lugar iha upang matiyak natin ang kanilang kalagayan." Agad kumilos si King Daeyn upang makapunta na kami sa aming baryo. Kumalma na din ako kahit papaano at magkakasama kaming sumakay sa karwahe upang makaalis na.
Malayo pa lang ay matatanaw na ang pinsalang dala ng halimaw sa aming lugar. Madami kaming nadaanan na sirang bahay at nagkalat na mga gamit. Muling lumakas ang pintig ng aking puso dahil nakikita ko na ang pagtitipon ng aking mga kabaryo kung saan may mga ginagamot na nasaktan.
Natanaw ko din ang lalaking aking hinangaan kanina ngunit ipinagpaliban ko muna ang isipin na iyon dahil prayoridad ko ang matiyak na ligtas ang aking mga magulang. Tumigil na ang karwaheng aming sinasakyan bilang hudyat na dumating na kami sa aming paroroonan.
Unang bumaba si King Daeyn at sumunod naman si Vera. Agad din na lumapit ang hari sa pinuno ng mga mandirigma upang tanungin ang kalagayan ng mga tao. Hindi na ako mapakali dahil hindi ko pa rin nakikita ang aking mga magulang kaya naman inunahan ko na ang hari sa pagtanong sa lalaki.
"N-nakita mo ba ang aking mga m-magulang?" Mararamdaman ang kaba sa aking boses nang tanungin ko ang pinuno ng mandirigma. Malungkot naman ang naging tingin nito sa akin.
"Sa totoo ay hindi ko alam kung sino ang iyong mga magulang kaya hindi ko din alam ang sagot sa iyong katanungan." Pagkasabi nun ay itinuro n'ya sa akin ang mga taong ginagamot. Nakita ko na sila kanina at alam kong wala doon ang aking mga magulang pero muli ko silang tinignan upang makasigurado.
"Wala sila sa mga taong ginagamot, maaari ko ba makita ang mga nasa lugar na iyon?" Tinuro ko ang isang sulok kung saan may mga taong nakahiga at may takip na kumot. Mabigat man sa aking dibdib ay nais kong malaman kung buhay pa ang aking mga magulang bago ko sila hanapin sa aming lugar.
Tumingin naman ang lalaki sa hari na tila nagtatanong. Tumango lamang si King Daeyn bilang pagsang-ayon na pwede kong makita ang mga nakahimlay na tao.
"Ayos ka lang ba?" Hinawakan ako nito sa aking balikat. Namamasa na ngayon ang aking mga mata dahil sa luhang kanina ko pa pinipigilan. Halos mabingi na din ako sa tibok ng aking puso habang papalapit kami sa mga taong nakahimlay na may takip ng kumot.
Matagal kong pinagmasdan ang mga iyon na tila tinitimbang kung ano ang aking magiging reaksyon. Tumingin muna ako sa kanya at malungkot naman itong tumango sa akin bilang hudyat na maaari ko ng tignan ang mga iyon.
Dahan-dahan akong lumapit sa unang nakikita ko at halos hindi ko maramdaman ang panakip na kumot habang hawak ko iyon. Huminga ako ng malalim bago tumambad sa akin ang mukha na aking tinignan. Pasalamat ako at hindi iyon isa sa aking magulang. Tinignan ko din ang iba pa hanggang sa dalawa na lamang ang hindi ko natitignan.
"Dalawa na lang ang hindi mo pa natitignan." Narinig kong wika ng lalaking kasama ko ngayon.
"Kinakabahan ako," halos hindi na maipinta ang hitsura ko nang tumingin ako sa kanya. Muli n'ya akong tinapik sa likod at sinamahan na patungo sa dalawa pang bangkay na hindi ko natitignan.

BINABASA MO ANG
Anathema
FantasyFalling inlove ang isa sa pinakamasarap na pakiramdam ano pa kung love at first sight iyon. Althaia and Deimos was both warrior in Daesyn kingdom. Sila ang tagapagtanggol ng kaharian dahil sa mga kapangyarihan na taglay nila laban sa mga kampon ng k...