[Be aware of typographical and grammatical errors. My apologies.
-realtadep]
PanimulaAla una y media habang naglalakad ako papunta sa pinagtatrabahuhan ko ay natanaw kong makakasalubong ko ang dati kong teacher noong 4th year high school na si Mrs. Roxas. Gusto ko sanang umiwas kaso ay wala na akong iba pang madadaanan kaya't nagkasalubong nga kami at napansin niya ako.
"Uy! Ikaw pala. Kumusta ka na?" nakangiti niyang bati sa 'kin. Tumungo ako dahil sa hiyang nararamdaman.
"Maayos naman po. Kayo po, kumusta? At saan ho kayo papunta?" tanong ko sa kanya. Mukhang alam ko naman ang sagot.
Hindi pa ganoong may edad si Ma'am, nasa middle 40's lang siya kung tutuusin. Kaya naman kayang-kaya niya pang gawin ang bagay na ito, na dati niya na ring ginagawa. Bumibisita siya sa mga estudyante niyang nagkakaproblema sa grado. Ganoon niya binibigyan ng effort ang mga estudyante niya.
"Ayos lang ako. Ahh, may bibisitahin lang ako rito. Ikaw, saan ang punta mo?" hindi nawala ang ngiti sa mga labi niya.
Napahawak pa ako sa batok dahil nahihiya talaga ako sa kaniya. "Papasok na po ako sa trabaho... Ahhh, bale... resident doctor po ako riyan sa Doldam Hospital." nakita kong mas lalong lumapad ang ngiti niya kaya napangiti na lang din ako.
Maraming taon na ang lumipas mula noong puntahan niya ako rito. Hindi ko makakalimutan 'yung araw na 'yon, dahil isa siya sa naging dahilan kung bakit hindi ako tuluyang sumuko.
"Hindi ako nagkamali sa naisip ko noon na balang araw makikita ulit kita bilang succesful na tao. Ikaw 'yung batang nagsabi sa 'kin na gusto mo munang tumigil dahil tinatamad ka na at wala ka ng gana na umattend sa klase. Tulad ng sabi mo, magpapahinga ka lang dahil pakiramdam mo, hindi para sa 'yo ang taon na 'yon para mag-aral ng akademiko. Mas pinili mong matuto magbake at pumasok sa TESDA, tama? hahaha!" napatawa rin ako.
Totoo ang sinabi niyang 'yon. Mas pinili ko ngang matuto magbake kaysa ipagpatuloy ang nasimulan kong taon ng pag-aaral noon. Nakita ko ang pagbuntong hininga ni Ma'am.
"Labis ang tuwa ko sa nalaman ko ngayon. Mas lalo tuloy akong ginanahan na bisitahin pa ang iba kong mga esudyante. Alam kong mayroon pang pag-asa. Palaging may oras sa pagtupad ng mga pangarap, hindi nauubos ang pagkakataong iyon hangga't nabubuhay ka. 'Time is gold', oo, pero meron ding kasabihang 'Everything has its own perfect timing', tama?" nakangiti naman akong tumango.
"Hindi ko pinagsisisihang ito ang pinili kong propesyon. Hahaha! O siya, naaabala na siguro kita. Mauuna na 'ko. Masaya akong nakita ulit kita, Doctor Tamayo." tumango ako't mas lalong lumapad ang ngiti namin sa isa't-isa.
"Hangang sa muli po. Maraming Salamat sa paniniwala at pagtitiwala sa 'kin." tumango-tango si Ma'am at bigla na lang niya akong niyakap kaya't yumakap din ako pabalik.
"Wala iyon. Sige na, dito na ako. Ingat ka ha."
"Kayo rin po, Ma'am." nagsimula na siyang lumakad paalis. Tinanaw ko iyon hanggang sa tuluyan na siyang makalayo sa puwesto ko.
Tumalikod na rin ako't itinuloy na ulit ang paglalakad ko. Nahihiya talaga ako noong una na magpakita sa kanya dahil naiisip kong, nasayang ko nga ang isang taon ko noon kahit na resident doctor na ako sa Doldam Hospital. Pero sa mga sinabi niya ngayon, parang may kung anong tinik ang nabunot sa lalamunan ko.
Wala akong pagsisisi sa ginawa kong panandaliang pagtigil at pagpapahinga. Alam kong hindi lang ako ang taong napapagod, pero isa ako sa mga taong piniling magpahinga saglit para makapagpatuloy ulit. Hindi naman siguro masama iyon. Palagi namang nandiyan ang edukasyon, kahit saan, mapupulot mo 'yan.
Maihahalintulad ko ang sarili ko sa isang manunulat na na-mental block. Anumang hawak niya ng panulat niya ay hindi niya magawang kumatha ng piyesa. Ngunit nang maisipan niyang magpahinga at hindi niya pinilit ang sarili niya, isang araw pagmulat niya, handa na ulit niyang isiwalat ang kalawakan ng isipan niya.
You have your own race in life. You're the one who facilitates it. Walang nakikipagtagisan sa 'yo, walang nakikipagkarera–may pagkakataong, tanging sarili mo lang ang kalaban mo. Nasa sa 'yo na lang kung makikipagkarera ka nga ba sa iba, bibilisan o babagalan mo ba ang takbo mo, o hahayaan mo lang ang sarili mong sulitin ang karera ng buhay mo.
Wakas
BINABASA MO ANG
KOLEKSYON
RandomKoleksyon ng mga kuwentong hanggang iisang pahina lamang. Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner...