[Be aware of typographical and grammatical errors. My apologies.
-realtadep]
PanimulaTanghali na nang magising si Helen-ang ilaw ng tahanan ng mga Dela Costa. Mabilis siyang kumilos upang makapaghanda agad ng makakain ng pamilya niya.
"Naku naman! Paanong hindi ako nagising nang maaga? Nasaan na ba si Henry?" pagkausap niya sa sarili habang inilalabas na ang mga gagamitin sa pagluluto.
"Jobert!! Ang papa mo, nasaan? Baka nasa sabungan na naman 'yon ha! Sunduin mo nga't sabihin mo'y tulungan ako rito! Bakit kasi hindi ninyo ako ginising?? Alas onse na!" hiyaw ni Helen sa panganay niyang anak, habang abala sa pag-gigisa ng mga rekados.
"Aliyah?? Aliyah, anak patayin muna 'yang TV baka kanina pang umaga 'yan?!" sigaw naman ni Helen sa kanilang bunso, narinig naman niyang namatay ang telebisyon... masunurin talaga ang anak niyang bunso.
Nagtuloy sa ginagawa niya si Helen. Lumipas ang mga minuto at tumahimik ang paligid. Hindi pa dumadating ang unico hijo niyang si Jobert at ang asawa niya, bigla namang pumasok sa isip niya ang isa niya pang anak na dalaga.
"Aliyah, nasaan nga pala ang ate Monique mo?? Patawag daw muna anak, sabihin mo tulungan akong maghain dito." narinig niya naman ang bunsong sumagot ng masiglang 'opo'.
Pero lumipas ulit ang ilang minuto, dumating ang bunsong walang kasama. "Mama, wala po si Ate. Ako na lang po ang tutulong sa inyo." nginitian niya lang ang bata.
Hindi naman babasagin ang mga plato nila kaya't hinayaan ni Helen na ang bunsong anak niya ang magdala nito sa kanilang hapag kainan. Nang maihain niya na ang lahat sa mesa ay saka dumating ang kaniyang asawa at panganay na tahimik na pumasok sa silid. Bumaba naman sa kanang bahagi ng bahay si Monique na siyang kagigising lang din.
"Bakit kasi hindi ninyo ako ginising, late na tuloy tayo magtatanghalian. Oh, siya tara na't kumain na tayo, gutom na gutom na ako!" nagsimula nang kumilos si Helen, ngunit ang mga kasama niya ay nakatingin lamang sa kaniya.
"Oh?! Ano pa ang itinitingin-tingin niyo diyan?? Kain na!" malakas na sabi niya pa.
Tok! Tok! Tok!
Napalingon sa pintuan si Helen, wala sa kanyang hinagap kung sino ito. "Sino naman kaya 'yon? May inaasahan ba kayong bisita?" tinitigan lang siya ng mga kasama niya.
Tok! Tok! Tok! Tok!
"Hay naku! Bakit ba kayo ganyan? Magsimula na kayong kumain, ha! Bubuksan ko lang 'yon!" tumayo sa kanyang silya si Helen at mabilis na lumakad papunta sa pintuan.
Tok! Tok! Tok!
"Nandyan na! Sandali lang!" hiyaw niya pa dahil mukhang hindi makapaghintay ang taong iyon. Pagdating niya ro'n ay binuksan niya agad ang pinto at hindi niya inaasahan kung sino ang taong naroon.
"Janice?" ang kapatid niya. Mamula-mula ang mga mata nito na parang galing sa pag-iyak. Inambahan siya nito nang mahigpit na yakap.
"Ate..." usal nito at nagsimula nang yumugyug ang mga balikat. Lubos ang pagtataka ni Helen sa ikinikilos ng kapatid niya.
"Janice, bakit? Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?" tanong ni Helen sa kapatid.
"Ate, umuwi na tayo." doon ay naglandas ang mga kilay ni Helen, napabitiw siya sa yakap ng kapatid.
"A-ano? Anong umuwi? Ito ang bahay ko, Janice. Dito kami nakatira ng pamilya ko, baka nakakalimutan mo? Haay. Kumain ka na ba? Tara pumasok tayo sa loob. Sumabay ka na sa amin, kahahain ko lang." umiling-iling pa si Janice pero hinawakan na siya ni Helen papasok sa loob.
"Oh, ang Tita Janice niyo, magmano kayo." nakangiting utos pa ni Helen sa mga anak, pero tinitigan lang siya ng mga ito.
Hinawakan ni Janice ang balikat ng kapatid at pinaharap ito sa kaniya. "Ate, umuwi na tayo. Ano bang sinasabi mo?"
"Dito nga ang bahay ko. Ikaw, ano bang sinasabi mo?" bakas na sa mukha ni Helen ang lubos na pagtataka.
"Mama..." doo'y napalingon siya sa sabay-sabay na pagtawag sakanya ng pamilya niya. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita.
HINDI ITO ANG PAMILYA NIYA! HINDI! BALOT NG SUGAT ANG MGA TAONG 'YON NA ANIMO'Y NANGGALING SA MATINDING SUNOG! HINDI NA HALOS MAKILALA ANG MGA ITO!
"Palayain mo na kami, Ma. Wala kang kasalanan, palayain mo na kami." sabay-sabay pa ring sabi ng mga 'yon.
Mula sa pagkagulat ay namuo ang luha sa mga mata ni Helen. Dalawang taon na pala ang nakalilipas mula noong mamatay sa sunog sa mismong bahay nila ang buong pamilya niya habang nasa trabaho siya. Wala siyang nagawa, hindi niya nadaluhan ang pamilya niya sa huling sandali ng mga ito kaya't labis ang pagsisisi ni Helen sa sarili.
Wakas
[Ps. I created this today, November 1st of 2020. Happy Halloween!👻🎃]
BINABASA MO ANG
KOLEKSYON
RandomKoleksyon ng mga kuwentong hanggang iisang pahina lamang. Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner...