Mag-aalas sais ng gabi. Kasalukuyan naming binaybaybay ni Dominic ang daan pauwi sa amin sa Gusa. Naka angkas ako sa motor ni Dominic. Mahina ang takbo nito. Hindi na ako kumapit sa baywang niya dahil naiilang ako. Hindi namin namalayan ang oras na matuling umiikot. Sa loob ng mga oras na kami nagkasama simula alas onse ng umaga hanggang sa puntong ito, naging abala kami sa kwentuhan tungkol sa sari-sariling buhay namin. Totoo nga, kapag kasama mo ang taong laman ng puso mo, mahirap pagmasdan ang bawat minutong dumadaan. Ang atensyon, ang isip, ang damdamin puro lahat sa kanya. Ngayon hinihiling ko na sana hindi na gumabi. Kapag ganitong mga oras na at wala pa ako sa bahay, tawag ng tawag si mama. Hindi siya sanay gumagala ako sa gabi kung hindi niya kilala ang kasama ko. Ngunit mabuti na lamang at hindi nag protesta si Dominic noong sinabi ko sa kanyang pina uuwi na ako ni mama. Sayang. Inaya pa naman niya ako ng dinner.
"Bukas alas singko ng hapon byahe ko patungong Valencia. Sasabak na naman sa giyera," sabi niya habang nagmamaneho.
"Ingat ka palagi dun," tugon ko.
"Salamat," sabi niya.
Humihingi ako ng patawad sa sarili ko. Hindi ko napagbigyan ang puso kong pigilin ang damdamin. Abot ko man ang langit ngayon, nababahala ako sa kinabukasan. The future is not mine to see.
Hindi ko kayang ipaglaban damdamin ko. Love comes in the most unexpected time, in the most unexpected circumstances. Habang naka angkas ako, saka ko napagtantong nahuhulog na ako sa kanya. Ngayon ko tuluyang masasabi na 'I'm in love'. Mahirap talagang ipagkait sa puso natin yung bagay na gusto natin., kahit na labag sa ating isip.
Sabi nila, pag may duda ka raw, huwag mong ituloy. Duda ako sa sarili ko. I can't contain love within me. Duda ako kay Dominic, he is close to my heart but he is still a stranger. Ngunit masisisi ba ang puso ko? Masisisi niyo ba ako kung ito naman ang tanging daing ko? Kung lalabanan ng aking isip ang aking puso, paano ako sasaya? At bakit ko ipagkakait ang sarili ko ng kasiyahan kung ito naman ang dahilan para magkaroon ng motibasyon na pagsipagan pa ang lahat?
"Tahimik ka ata dyan Princess. Malalim iniisip mo?" tanong niya.
"Hindi naman masyado."
"Pasyal ka naman dun sa Valencia minsan. Diba wala kang pasok tuwing Miyerkules? Abangan kita dun."
Napangiti lamang ako.
"Malungkot ka ba?" dugtong niya.
"Hindi ah," sagot ko.
"Hindi mo ba ako tatanungin kung malungkot ba ako?" sabi niya.
"Malungkot ka ba?" tanong ko.
"Oo."
"Bakit?"
Tumahimik siya. Ilang segundo pa at tumigil ang takbo ng motor. Kulay pula ang traffic light. Sa tabi namin sa bandang kaliwa ay isang dyip, puno ng pasahero. Iyong mga naka upo sa gawing kanan, nakatingin sa amin. Iyong ibang mga mata nakatuon kay Dominic. May isang dalaga na ang upuan ay di kalayuan. Tumitig siya sa akin. Bumaling ako sa kanya. Inilipat niya ang titig kay Dominic. Si Dominic naman ay naka tanaw sa unahan namin, tila lumilipad ang isip. Maya-maya, ngumiti ang dalaga sa akin. I also smiled at her.
Nagbuntung-hininga si Dominic. "Anong problema?" sabi ko.
"Wala masyado."
Para pangitiin siya, sinikap kong magbiro. "Baka naman dahil mami-miss mo ako."
Gumalaw ang ulo niya, up and down. Hindi malagay sa isip ko kung may ibig sabihin iyon. Ngunit para mas safe, let us pretend wala siyang narinig mula sa akin. Ngunit hindi ko makakaila na sana, signal yun ng Oo. Sana mami-miss din niya ako.
