[Desmiero's POV]
Dahan-dahan ko siyang hiniga sa kanyang kama at pinagmasdan ang wangis niyang kayganda. Hindi niya namalayang nakatulog na siya dahil sa kanyang pagtangis at pangungulila sa minamahal na ama.
Alam kong hindi 'to wasto dahil nangako ako sa tinatangi kong si Esperanza na siya lamang ang una't huling iibigin ko ngunit hindi ko maiwasa't mapigilan ang nararamdaman sa binibining nasa harap ko.
Tila siya'y si Esperanza na nabuhay sa katawan ng ibang nilalang at sa panahon ng ibang henerasyon. Habang pinagmamasdan ko siya'y bumabalik ang alaala ng digmaang sa kanya ay inialay ko. Para akong dinadala sa mundo kung saan ang naroon lamang ay siya at ako. Nakahihiya lang isiping sundalo akong naturingan, ngunit hindi ko siya nakayanang ipaglaban.
"Matulog ka nang mahimbing, irog ko, sapagkat ikaw pa'y iibigin ko," mahina kong bulong sa dilag na nahihimbing at hinagkan ang kanyang noo.
Napakasakit lamang na si Armando ay lumisan na't hindi man lang nakapagpaalam sa mahal niyang anak. Batid kong ninais niya mang gawin iyon ay wala siyang sapat na kakayahan upang magpasya kung kailan aakyat ang kanyang kaluluwa sa langit.
Lumabas na ako sa silid ni Esperanza, este, ni Calissa upang hayaan siyang malalim na makaidlip. Ang pinto ay aking sinaran at muli akong nagnakaw ng tingin bago ako makaalis.
Naglakad ako patungo sa bulwagan ng palasyong ito. Nasilayan kong parami nang parami ang mga kaluluwang naririto at tila wala na silang mapagsidlan.
"Argel," tinawag ko ang heneral ng mga kawal ng palasyo. "Hindi pa ba umaakyat ang ibang mga kaluluwa? Bakit napakaraming bagong naririto?"
"Haring Desmiero," binati niya ako't lumapit. "Nababawasan ang mga kaluluwang nagsisiakyatan kaya naman tayo ay napupuno na rito."
"Maghanda kayo ng maraming silid para sa mga bagong dating at maghanda na rin para sa mga darating pa lang," utos ko.
Simula noong bumalik si Esperanza sa mundo ng mga nabubuhay ay ako na ang namuno't namahala sa La Espera sapagkat noong narito siya'y kami'y pinag-isang-dibdib at doon ako hinirang bilang hari ng kahariang aming itinayo.
Nagmistulang may pagdiriwang sa bulwagang ito. Tila ang lahat ng bagong dating ay nagsisiawitan at nagsasayawan kahit wala namang musikang tumutugtog.
"Desmiero, ano'ng nangyayari rito?" Lumapit sa akin si Calissa na pupungas-pungas pa't namamaga ang mga mata.
"Ngayon lang nagkaroon ng ganito karaming tao rito. Hindi ko alam kung paano ko ito aayusin," ako'y nababalisa.
"Feeling ko kaya ganiyan sila ay dahil namatay sila sa isang party," saad niya. "Este, pagdiriwang. Namatay sila sa pagdiriwang."
"Argel," muli ko siyang tinawag. "Kayo muna ang bahala rito. May pupuntahan lamang ako."
Lumingon ako kay Calissa at hinawakan ang kanyang braso at nagtungo sa hardin upang doon ay muling mag-usap.
"Hari ka pala 'no, pero ganoon na lang ang pakikitungo mo sa'kin," malambing niyang sambit. "Kaya ba kahapon ay tinawag mo akong reyna? Dahil ba iyon sa pananabik mo sa dating Reyna Esperanza?"
"Siguro nga'y hindi pa ako ganap na nakalilimot sa kung ano man ang nangyari noon. Lalo na't nariyan ka at imahe niya ang aking nakikita," napayuko ako habang nanunumbalik ang mga alaala.
"Sorry. Siguro ang dapat kong gawin ay lumayo muna sa'yo dahil baka lalo ka lang masaktan," tumayo siya at umambang lumayo.
"Sandali," hinawakan ko ang kanyang pulsuhan para siya ay pigilan. "Dito ka lang."
"Kung sa bawat sandaling titingnan mo 'ko ay manunumbalik ang sakit na naramdaman mo noon, pipiliin ko na lang lumayo para hindi ka makitang masaktan," nagpumiglas siya sa pagkahawak ko.
YOU ARE READING
If Yesterday Is Tomorrow
RomanceThe love raging between Desmiero and Calissa cannot be illustrated by anyone. Their love was immeasurable indeed. Even death did not stop the love that they both had, but it made them stronger and more inseparable.