Matteo's POV
Hindi ako nakapasok ngayon, hindi ko na inaalala kung anong maaari kong makaligtaan sa klase dahil kailangan kong kumayod para makabili ng gamot ni Nanay.
Hindi ganon karangya ang buhay namin tulad ng iba kong kaklase ngunit pinagpapasalamat ko na kumpleto kami.
May sakit ang aking nanay habang si tatay naman ay isang construction worker, ang kaisa- isa ko namang kapatid na si "Rachel" ay nag-aaral sa pampublikong paaralan.
Nasa unang baitang pa lamang siya kaya ako lang tumutulong kina Nanay sa paghahanapbuhay.
Meron akong naipundar na sarili kong motor ngunit wala kaming sariling bahay kaya nagtitiis kaming mangupahan. Maayos naman ito ngunit hindi ganon kalaki.
Sakto lang sa amin ngunit pakiramdam ko biglang sumisikip kapag kasama ko na ang tatay ko.
Halos ako rin lahat ang nagbabayad ng mga bayarin namin sa bahay, ultimo mga kailangan ni Rachel sa klase, ako din ang bumibili.
Nakapasok ako sa isang sikat na unibersidad hindi dahil kaya kong bayaran ang matrikula doon kundi dahil isa akong iskolar. Wala akong binabayaran kundi ang mga proyekto lamang namin sa bawat subject.
Nagpapasalamat din ako sa Diyos na kahit papaano ay biniyayaan ako ng talino dahil kung hindi, maaaring hindi na ako nag aaral ngayon dahil sa kakulangan sa pera.
Kailangan kong kumita, ito lang ang nasa isip ko ngayon.
"Bumili na po kayo! Mura lang po at siguradong sariwa ito." Pangungumbinsi ko sa ilang dumadaan.
May maliit kaming pwesto sa palengke kung saan nagtitinda kami ng mga gulay at prutas. Dito rin ako tumutuloy kapag wala akong klase o kaya naman kapag tapos na ang part-time job ko sa cafeteria malapit sa unibersidad.
Kanina pa ako sumisigaw dito, ngunit tulad ng iba pang mga araw hindi ganon kabenta ngayon.
Nagdadalawang isip na ako kung makakabili ba ako ng gamot ni nanay dahil walang-wala ako ngayon, kakabayad ko lamang ng mga bayarin sa bahay at nakaligtaan ko na wala na palang mga gamot si nanay.
Mag aalas cuatro na pero wala pa akong nabenta dahil na rin sa isang mall na binuksan dito malapit sa pwesto namin. Nawalan tuloy kami ng mga customers.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Hindi pwedeng hindi makainom ng gamot si nanay, maski isang mintis,hindi pwede.
Mahal na mahal ko si nanay dahil sya lang ang kaagapay ko at nakakaintindi sa akin simula pagkabata, lagi nya akong sinusuportahan sa lahat ng mga kompetisyon na sinasalihan ko. Alam nya kapag malungkot ako at gumagawa agad sya ng paraan para mapasaya ako.
Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng pwedeng magkasakit, sya pa?
Bakit yung kaisa-isang taong nagbibigay ng lakas sa akin para harapin ang bawat bukas ang unti-unting nanghina?
Bakit ang kauna-unahang tao pa naniwala sa kakayahan ko?
Bakit kung sino pang naglalagay ng mga ngiti sa aming magkapatid, ang nagkasakit?
Nangako ako sa sarili ko na hindi ko hahayaang mawala sya sa akin. Kaya kong gawin lahat para sa ikabubuti niya.
"Tama! Magsusweldo si tatay ngayon, sa kanya na muna ako manghihiram habang wala pa akong kita." bigla kong naalala na katapusan pala ng buwan ngayon kaya panigurado susweldo si tatay.
Dali-dali kong iniligpit ang mga gulay at prutas na hindi ko naibenta ngayon at dumiretso na sa bahay.
Sa loob ng kalahating oras ay narating ko ang apartment namin.