13. Cold Shoulder

83 22 222
                                    

Cara

"When we love, we always strive to become better than we are. When we strive to become better than we are, everything around us becomes better too."

Tiningnan ko ang isinulat ko sa notebook kung saan ko inipit ang mga sulat ni Solis Occasum na napag-alaman kong si Noah pala. Kinopya ko ang linyang ito mula sa libro ng 'The Alchemist' ni Paulo Coelho.

Inilibot ko ang aking paningin. Ako lamang ang nandito at si Toby, ang kaklase kong palaging natutulog sa library. Dumiretso ako agad dito dahil hindi pa nagsisimula ang aming first subject.

Napabuntonghininga ako. Walang sulat ngayon mula kay Noah. Marahil ay itinigil na niya dahil nagpakilala na siya sa akin. Pero bakit ako nakararamdam ng lungkot?

Ano'ng puwang ni Solis Occasum sa pagkatao ko para makaramdam ako ng ganito? Alam ko na ang katotohanan, pero bakit hindi ko ito maunawaan?

Agad akong tumayo at inayos ang aking mga gamit nang marinig ko ang pagtunog ng bell.

PAGPASOK ko sa classroom ay nadatnan ko si Nero na nagbabasa ng libro, samantalang ginagamit naman ni Noah ang kaniyang cellphone. Napaangat ang ulo ni Noah at nagpakawala siya ng isang matamis na ngiti, samantalang hindi man lang ako napansin ni Nero. Lumapit ako at umupo sa aking upuan.

Hindi pa rin ako kinikibo ni Nero. Dati rati ay tatango siya o kukumustahin ako.

"Cara, manood ka mamaya, may friendly game kami laban sa kabilang school," sambit ni Noah kaya napatingin ako sa kanya.

"Sige, yayayain ko rin si Wink."

Tumango siya at ngumiti. Malapit na ang exam kaya puspusan na rin ang pagre-review ng mga estudyante ngayon. Sisipagan ko pa ang mag-aral, para matuwa si Tita Nora.

LUMIPAS na ang dalawang subject at hindi pa rin ako kinikibo ni Nero.

Galit ba siya?

LUMIPAS ang buong umaga at nagmukha akong hangin sa paningin ni Nero. Hindi ko na rin siya kinibo dahil baka mairita lang siya sa presensiya ko.

"Bakit ang tahimik mo?" tanong ni Noah habang kumakain kami ng lunch. Kaming dalawa lang ang nandito ngayon sa canteen. May project daw na ginagawa ang mga kaibigan niya.

"Wala naman."

Hindi na siya nagtanong pa at iniba niya ang usapan.

"Alam mo, gumaganda ka na. Mas maganda ka kapag marami kang kinakain. Sobra ang kapayatan mo no'ng mga nakaraang linggo."

Nauna na niyang naubos ang kaniyang pagkain, pero nakalahati ko pa lang ang sa akin. Parehong chicken barbecue ang pinili naming ulam. Pinakapaborito ko ang chicken.

Aminado akong payat talaga ako noon, dahil na rin siguro sa pagpapalampas ko ng oras ng kain sa tanghalian. Sa bahay naman ay palaging nagpaparinig si Tita Alma na magtipid ako sa pagkain kaya kaunti lamang ang kinakain ko. Sa loob ng maraming taon ay nasanay na ang katawan ko sa pagkontrol kung ano lamang ang aking dapat kainin. Mahirap man, pero kinakaya ko para sa aking mga pangarap.

"Malaki ang pasasalamat ko sa pamilya ninyo. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ang direksiyon ng buhay ko noon mula nang ampunin ako ni Tita Alma. Sinasabi ko na lamang sa sarili ko na gaganda rin ang buhay ko balang araw, pero hindi ko maitatanggi na malungkot ako sa mga panahon na 'yon. Bukod kasi sa wala akong mga magulang ay parang isa lang akong dumi sa mundong ito."

Napatitig sa akin si Noah. Tila puno ng awa ang mga mata niya.

"Matindi nga 'yung pinagdaanan mo. 'Yung ibang tao, mayaman at kumpleto ang pamilya, hindi kailangang magtrabaho, pero puro reklamo ang maririnig mo sa mga bibig nila."

My Dearest, CaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon