25. Out of Sorts

72 19 156
                                    

Cara

"May sasabihin sana ako sa 'yo, Noah."

"Ano 'yon?"

Kasalukuyan kaming nasa sala dahil katatapos naming kumain ng hapunan. May mga tinatapos siyang report sa kanyang laptop, samantalang ako naman ay nagme-memorize ng tungkol sa Anatomy. Dahil kasali siya sa varsity ay hindi niya agad nagagawa ang mga report sa subjects namin. Tulad ko ay kumukuha rin siya ng kursong Nursing.

"Nagkita na ulit kami ni Nero at kasalukuyan siyang nanliligaw sa akin."

Napatingin sa akin si Noah at parang nawalanan ng kulay ang kanyang mukha. Kumurap nang maraming beses ang kanyang mga mata. Hindi na magpantay ang kaniyang dalawang kilay. Kulang na lang ay lumabas ang itim na bahagi ng kanyang mga mata.

"K-kailan pa? K-kailan mo siya nakita?" May pag-aalinlangan sa tanong niya.

Umusog siya kaunti para humarap sa 'kin. Biglang namuo ang kaunting luha sa gilid ng mga mata niya.

"Naalala mo ba 'yong gabing ipakikilala ako ni Clarisse sa boyfriend niya? Si Kuya Neil pala ang boyfriend niya at kasama niya si Nero no'ng gabing iyon."

Napatingin si Noah sa kalendaryong nakasabit sa dingding. "So, one month na kayong nagkikita? Hindi mo man lang sinabi sa 'kin?"
Magkahalong lungkot at inis ang mababakas sa kaniyang boses. Ibinaba ko sa lamesa ang librong inaaral ko.

"Pasensiya ka na."

Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming dalawa. Pasimple niyang pinunasan gamit ang daliri niya ang mga namuong luha. Alam kong nasasaktan siya ngayon, pero ayaw ko namang itago sa kanya ang tungkol sa 'min ni Nero. Nasasaktan din akong makitang ganito siya, kaso, wala akong magawa kundi ang maging matapang para lahat ay malinaw.

Ilang sandali ay binasag na niya ang katahimikan.

"Kailan mo siya balak sagutin?"

Napatingin ako sa kanyang mukha. Wala itong bahid ng inis o galit kundi mababakas ang pag-aalala.

Napayuko ang ulo ko habang hinahaplos ang cover ng libro. "Hindi ko alam. Nangangamba ako kay Tita Alma."

Huminga siya nang malalim. "Nasabi na rin ba niya sa 'yo ang dahilan kung bakit hindi siya nagpakilala bilang si Solis noon? Balak kang itinda ni Tita Alma."

Napatingin ako sa kanya at ramdam ko ang bigat ng aking loob sa tuwing naaalala ko ang sinabi ni Nero kung bakit niya ako iniwasan noon.

"Oo, nasabi na niya sa akin."

Tumayo si Noah at kumuha ng softdrinks sa REF. Kinuhanan naman niya ako ng gatas dahil alam niyang ayaw kong umiinom ng softdrinks sa gabi. Muli siyang umupo sa tabi ko.

"Handa na ba niyang kalabanin ang mama niya?" .

"Iyon nga sana ang ayaw kong mangyari. Ramdam kong mahal ako ni Nero, pero mahal din niya si Tita Alma. Darating siya sa puntong pipili siya sa pagitan naming dalawa. Ngayon, nakikita ko na kung bakit hindi maaaring maging kami dahil kung hindi ako ang masasaktan ay si Nero naman ang sasalo lahat ng pait na magiging kapalit ng pagmamahalan namin."

Biglang nayupi ang lata ng softdrinks na hawak ni Noah. Alam kong hindi niya gustong marinig ang tungkol sa pagmamahalan namin ni Nero, pero kung may isang taong alam kong makaiintindi ng pinagdadaanan ko ay si Noah iyon.

My Dearest, CaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon