Chapter 11: Hatid

109 16 2
                                    

D'on sa lugar kung saan ka magiging masaya
Kahit na hindi ako ang kasama, ihahatid kita

Minsan, hindi katumbas ng happy ending ang magkatuluyan ang dalawang bida.

Habang nasa pintuan ng simabahan, bumuntung hininga ako nang mabigat. Dito palang kita ko na si Jerry sa dulo. Naalala ko kung paano ko ginustong maglakad sa gitna ng simbahan habang naghihintay sa dulo si Jerry. Nakasuot dapat ako ng puting gown tapos nakaputing barong naman siya. Pinapatugtog ang paborito naming kanta habang naglalakad ako sa aisle. Pareho kaming naiiyak kasi hindi kami makapaniwalang narito na kami. Ito na yung hinihintay naming dalawa.

Ganun yung naiimagine ko nung unang beses na pinangarap kong maglakad sa aisle ng simbahan. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa kabilang dulo kung saan naghihintay si Jerry. Walang nakangiting Jerry na naghihintay sa akin sa kabila. May malungkot na instrumental na pinapatugtog sa simbahan. Unti-unting naging malabo ang paningin ko dahil sa tuloy-tuloy na pagpatak ng luha ko. Pagkarating ko sa dulo, tinignan ko muli si Jerry sa huling sandali. Nakabarong pa rin naman siya. Nakasuot din ako ng puting bestida ngayon. Ito na yung pinakakinakatakutan ko.

Niyakap ako ni Alex sa pagluluksa ko. Kahit masakit, pinilit kong maging masaya para kay Jerry.

Inalala ko ang huling bilin niya sa akin bago niya ako pakawalan.

"Bakit ka ba nagpapaalam, ha?" Nabubwisit pa ako sa kanya kasi hindi ako natutuwa sa mga sinasabi niya.

"Chona, ito ang katotohanan ko. Masaya ka naman na, 'di ba? Hayaan mo naman akong sumaya ngayon." Akala ko nga nagbibiro pa siya nun. "Hindi na ako natatakot, Chona. Alam kong mas magiging masaya ako sa kabilang buhay." Natahimik ako sa sinabi niya. "Wala nang hirap. Wala na ring lungkot."

Matagal bago ako nakasagot sa kanya. "Makakasama mo na rin ang Dad mo," dagdag ko na nakapagpangiti sa kanya.

No more mourning. No more pain. Habang tumatagal ay naubos din ang luha ko. Sa paghatid namin kay Jerry sa libingan niya, mas gumagaan ang pakiramdam ko tuwing iniisip ko ang kalagayan ni Jerry ngayon.

Nandun na si Jerry sa lugar kung saan siya magiging masaya. Sapat na para sa akin na malaman 'yon, kahit hindi ako ang kasama niya.

Hawak-hawak ang bulaklak ay nagpaalam na ako kay Jerry. "Alam kong masaya ka na d'yan. Paalam, Jerry. Hanggang sa muli." Tinapon ko ang bulaklak na hawak ko sa libingan niya.

Kahit masakit, alam kong masaya na si Jerry sa kabilang buhay.

_____

Isang taon na ang nakalipas mula nung burol ni Jerry. Binibisita ko pa rin siya kapag may time ako. Nasa unit kami ni Kino ngayon para surpresahin siya sa birthday niya. Super excited na akong makita yung reaksyon niya kasi talagang umuwi si Mira para dito.

Nakahanda na kami't lahat pero hindi pa rin umuuwi si Kino. Ang alam namin tuwing alas singko siya umuuwi eh. Mag-aalas sais na wala pa rin siya kaya tinawagan ko na siya. "Kino, nasaan ka?"

"Nasa lugawan," sagot niya. Nako. Nagsesenti na naman 'to. Ganito lagi 'to magmula nung nag-abroad si Mira eh. Hindi pa kasi inamin! Parang ewan!

Hindi ko na siya pinagalitan kasi birthday naman niya. "Sige, ingat ka." Pinatay ko agad yung tawag para hindi na siya maghinala pa. "Pauwi na raw," pag-inform ko sa pamilya at mga kaibigan ni Kino.

Sa sobrang tagal ni Kino, nakapaglaro pa kami ng one game sa Among Us. Kahit kailan talaga! Mag-iisang game pa sana kami pero narinig namin na may kumakalikot sa may pinto. Pagbukas niya ng ilaw, sumigaw kami ng, "Happy birthday, Kino!" Pagkakita niya sa amin ay halata ko ang gulat niya. Alam kong hindi niya inaasahang nandito ang mga kapatid niya. Mas lalo naman si Mira, ano?

Nag-moment pa sandali yung dalawa bago kami kumain. Hay nako. Gutom na ako kaya pinutol ko muna! Pwede naman nila ituloy yun mamaya. Pagkakuha namin ng pagkain ay nag-ikot ikot si Kino para kausapin ang mga bisita niya. Inisa-isa niya yata lahat ng nandito.

Busy kaming makipagdaldalan nang may tumawag sa kanya. Sinadya kong tignan ang caller ID sa phone ni Tina. Hay nako. Si Pugo na naman!

"Oh, napatawag ka?" bati ni Tina sa tumawag. "Oo, nandito na. Gusto mo kausapin?" Pagkatapos nun ay tinawag niya si Kino para kausapin yung nasa phone. "May gustong kumausap sa'yo," sabi ni Tina kay Kino.

Nang tanggapin ni Kino yun ay lumayo na muna sandali si Tina at bumalik sa pagkain. Nang mahuli ni Tina ang tingin ni Kino, mabilis niyang naintindihan yung gustong iparating ni Kino. Tinanguan niya ito nang may ngiti.

In fairness. Masaya na kaibigan ko.

Nang ibalik ni Kino ang telepono ni Tina sa kanya ay pinag-initan ko naman si Kino. "Ano nang balak mo kay Mira?"

Napakamot siya sa ulo. Hay nako talaga kapag torpe ang kaibigan mo! "Kakausapin," maikli niyang sagot.

"Ayusin mo na yan ha," binalik ko kay Kino yung bilin niya dun sa kausap niya kanina. Natawa na lang siya sa sinabi ko. Aba dapat lang! Kung hindi, ako ang gagawa ng paraan.

Itinapon ko yung mga ginamit kong paper plate saka tinanggop yung soft drinks na hawak ko. "Sige, mauna na ako. Pupuntahan ko pa si Jerry eh," pagpapaalam ko sa kanya. On the way kasi yung sementaryo papunta dun sa apartment na nirerentahan namin ni Alex kaya dadaanan ko na.

"Sige, sige. Mag-iingat ka," bilin niya sa akin. Nagpaalam na rin ako kay Mira bago ako umalis.

"Catch up tayo sa susunod!" pahabol niya sa akin.

"Set ka lang! G ako basta ikaw!" Bago ako makaalis ay may binulong ako kay Mira. "Tingnan mo si Kino," utos ko kay Mira na sinunod naman niya. "Ayun lang. Bye!" Napansin kong natawa siya sa ginawa ko. Bahala si Kino mabaliw sa sinabi ko kay Mira!

Mabilis akong nakarating sa sementeryo. Tumambay lang ako saglit dun sa puntod niya. "Masaya ako ngayon," kwento ko sa kanya. "Masaya na rin kasi parehas yung kaibigan ko eh. Ang sarap pala?"

Tumahimik ako na para bang hinihintay siyang sagutin ako. "Sana masaya ka rin d'yan." Nilagay ko yung ninakaw kong bulaklak mula dun sa unit ni Kino sa puntod ni Jerry.

_____

Halos dalawang taon na rin ang nakalipas nung huling tapak ko sa isang simbahan ulit. Mabuti naman at hindi na libing yung aattend-an ko. Nakita ko ang kaibigan kong nakasuot ng puting bestida.

Dinaanan ko muna siya bago pumunta sa pwesto ko. Pinauna ko muna si Alex na pumunta sa pwesto namin para alam ko na agad kung saan siya hahanapin. Hinila ko paalis si Tina mula sa linya saka binigay sa kanya yung panyo ko. "Oh, ito panyo." Inabot ko ang panyo ko sa kanya. "Baka umiyak ka na naman mamaya."

Tinanggihan niya yung panyong inalok ko. "Ako pa ba ang walang panyo?"

Binigay ko pa rin sa kanya yung panyo ko. "Heh. Ibibigay mo rin naman kay Pierre 'yan mamaya." Naparolyo na lang siya ng mga mata niya. Totoo naman! Dahil tama naman talaga ako, tinanggap niya iyon saka tinago sa hidden pockets niya. Napakagenius talaga ng nag-design ng mga gowns sa kasal na 'to! Gusto ko rin ng ganito kapag ako na yung ikakasal.

Pinuntahan ko naman si Alex sa pwesto namin saka pinanood ang processional. Tinignan ko ang itsura ni Pierre habang hinihintay ang bride niya. Kita ko sa mga mata niya na siguradong-sigurado na siya sa pakakasalan niya. Ramdam ko yung tuwa at excitement niyang makasama siya nang habambuhay. Iyong tipong ang tagal mong hinintay 'tong pagkakataong ito at ang dami mong pinagdaanan para marating ang pagkakataong ito.

Ganun yung iniisip kong hantungan namin ni Jerry eh. Kaso mukhang hindi talaga itinadhana para sa amin sa buhay na 'to. Siguro sa susunod na habambuhay, ito yung ending namin.

Nilingon ko si Alex saka nginitian siya. Natagpuan ko naman na ang kasalukuyan kong habambuhay.

Minsan, katumbas ng happy ending ay ang kasiyahan ng mga bida kahit na hindi sila ang magkasama.

Hatid Sundo (Karaoke Nights, #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon