Part 2: Silence In Nightmare

34 7 3
                                    



Hindi maaari.

Wala na si...Mom?

"Namatay siya nang dahil sa ‘yo," wika ng magkakasabay na boses ng ibang nilalang na nakapalibot sa akin. "Kaya ang dapat lang ay mamatay ka na rin!" Muling dumagundong ang kanilang tinig sa buong silid.

Ang masidhing takot na naglalaro sa aking dibdib ay napalitan nang matinding kalungkutan. Halos hindi ko na rin alintana ang hanging gustong kumawala mula sa aking baga.

Totoo ba ang sinasabi nila?

Imposible!

Parang pelikulang tumakbo sa aking isipan ang masasayang sandali na kasama ko siya. Tuwing panahon ng Kapaskuhan noong bata pa ako, tinatabihan ako ni Mom sa pagtulog at ipinaghehele sa saliw ng musikang kasalukuyan kong naririnig. Sa gitna ng madilim na gabi, payapa ang aking puso dahil kasama ko siya at alam kong ako’y poprotektahan niya laban sa kung ano.

Ngunit ngayon, kung totoo ngang wala na siya, ‘di ko na alam kung ano pang magiging silbi ng lahat.

Hindi puwedeng wala na si Mom. ‘Di ko kayang mabuhay ng wala siya. Tama, wala na ngang magiging saysay kung wala na siya.

"Isuko mo na lang ang buhay mo sa amin, para magkasama na kayo," pangungumbinsi ng babae sa aking kanan. Napakalapit pa rin ng kaniyang mukha kaya napagmasdan ko ang kaniyang itsura. Wala siyang ilong at bibig. Mayroon lamang dalawang butas sa dapat ay kaniyang mata. At sa gitna ng mga iyon ay itim na bilog at nagbabaga ng kulay pula.

Patuloy pa rin sa pagdaloy ang mga likido sa aking pisngi. Mas lalo pa akong sinalubong ng magkakahalong takot at kalungkutan na ‘di ko alam kung kailan ko matatakasan.

Nawawalan na ako ng pag-asa.

Tama nga ba sila na sumuko na lang ako?

Pero, paano si Lola Francia?

Napatingin ako sa labas ng bintana, nagbabakasakaling makita ko ang buwan. Saka naman unti-unting nagliwanag ang mga mumunting ilaw na nakasabit doon. Parang mga bituin na sunod-sunod ang pagkislap, ngunit mayamaya rin ay naglaho ang mga ito. Napalitan ‘yon ng walang hanggang kadiliman, ang dilim na siyang sumasakop sa aking buong kamalayan.

Marahil ay nasisilip ng aking mga mata ang totoong itsura ng silid, pero ‘di ko ‘yon lubos na makita dahil narito ako sa loob ng isang bangungot, bangungot na hindi ko na magigisingan pa.

Kung may iba mang nakaririnig sa akin sa gitna ng tahimik na gabi, parang awa na po ninyo? Iligtas n’yo po ako? Kung totoo mang may Diyos, sana po ay iligtas ninyo ako.

Muli kong narinig ang magkasabay na halakhak ng dalawang bulto na nasa magkabilang gilid ko.

"Hipokrita," turan ng mapang-asar na boses ng babae. "Ang hula ko’y tumatawag ka sa Kaniya. Sa palagay mo ba ay naririnig ka Niya? Samantalang naaalala mo lang naman Siya sa tuwing may kailangan ka?"

"Hindi ka Niya naririnig. Bingi Siya sa mga gaya mong mapagpanggap, ngunit ang totoo’y punong-puno ng inggit at pagiging makasarili," pagpapatuloy ng mga bulong na umugong sa aking pandinig.

"Hindi ka naman naniniwala sa Kaniya, bakit ka Niya pakikinggan?" dagdag pa ng nakaririnding tinig ng lalaki sa aking kaliwa.

"Nakakatawang isa ka sa nagdiriwang ng Kapaskuhan, samantalang katulad ka rin ng ‘yong lola, sadyang makasarili at isang malaking hipokrita. Dahil sa nangyari sa ‘yo, natuto siyang maging relihiyosa, tulad ng ibang mortal na naging madasalin sanhi ng lumalaganap ng sakit ngayon," paglilitanya ng babae sa malakas niyang tinig.

One Shot Stories By AyacinthaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon