Bangungot

59 11 12
                                    

Ang Book Cover gawa po ni BossHikarie

650 words only

***

Taga-Laguna ako, malapit sa lugar kung saan nakapalibot ang naglalakihang manufaturing companies.

Kahit mga taga-ibang probinsiya, lumilipat dito sa pagbabakasakaling makahanap ng trabaho.

Kaya maraming boarding houses ang matatagpuan dito.

Sa mga lugar na iyon, may pailan-ilang kuwentong katatakutan ang maririnig.

At palagay ko, isa ito sa mga iyon.

***

Binalot ng kadiliman ang paligid matapos kong patayin ang ilaw

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Binalot ng kadiliman ang paligid matapos kong patayin ang ilaw. Nagtalukbong na rin ako ng kumot.

Napakamapayapa ng gabi. Ang tanging naririnig ko na lang ay ang pag-awit ng mga kuliglig at ang paminsan-minsang pag-alulong ng mga aso sa kapitbahay.

Lalo tuloy akong hindi mapalagay.

Mag-iisang linggo na ako sa boarding house na ito, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakatulog nang maayos. Hindi ko alam kung dahil lang ba sa namamahay ako, ngunit pakiramdam ko, parang palaging may nakamasid sa akin.

Narinig ko pang ang dating border sa mismong kuwartong 'to, binangungot daw at hindi na nagising pa.

Ayaw ko na! Bukas na bukas talaga, maghahanap na ako ng ibang matutuluyan!

Mariin kong ipinikit ang aking mga mata at humiling na sana'y makatulog na ako.

Hindi rin nagtagal, nakapunta na ako sa mundo ng mga panaginip.

Okay na sana ang lahat.

Bigla naman akong naalimpungatan nang maramdamang tila may humahaplos sa aking pisngi. Kasabay niyon ang pagtama ng mala-yelong hangin sa 'king mukha.

Nang ako’y dumilat, kaagad dumagundong ang aking puso dahil sa dalawang pares ng mga matang diretsong nakatingin sa akin. Ang bultong nasa itaas ko at kapantay lamang ng aking katawan ay may mahabang buhok na nakaladlad sa 'king gilid.

Dahil sa liwanag mula sa bintana, nakita kong ang kaniyang labi ay mistulang tinahi, ngunit nasira ng matinding puwersa.

Binalot ng matinding takot at pag-aalala ang buo kong katauhan.
Naramdaman ko na lamang ang pag-uunahan ng malalaking patak ng luha sa aking pisngi. Habol-habol ko na rin ang sarili kong paghinga.

Biglang umungol ang nilalang na tila pag-iyak mula sa ilalim ng lupa. Nanuot ‘yon sa aking kalamnan kasabay ng panlalamig na dagling gumapang sa aking sistema.

Kahit nahihirapan sa pagkilos, pinilit kong ito'y maitulak. Nang ako'y magtagumpay, kaagad akong tumakbo palabas ng silid. Nagmadali akong pumasok sa ibang kuwarto para gisingin ang aking mga ka-boardmate.

Si Mabel, isa sa babaeng nakatira din dito at nahihimbing sa kama ang aking nilapitan. Pilit ko itong ginigising, ngunit hindi naman ito kumikilos. Parang hindi ako naririnig o nararamdaman.

Saka ko naman napansin na tila may nag-iba sa paligid.

Napakadilim ng atmospera.

Napakalungkot.

Nakakapangilabot.

At walang pag-asa.

Bakit pakiramdam ko, wala na ako sa boardinghouse namin?

Isang mahinang pag-iyak ang pumukaw ng aking pansin. Napatingin ako sa dulo ng silid at nakita ang isang babaeng nakakadena. Nakaupo lamang ito roon at ang mukha ay natatakpan ng buhok nitong lampas ng balikat.

Nang mag-angat ito ng ulo, nakita ko ang luhaan nitong mga mata. “Tulungan mo ako, parang awa mo na?”

Napabukas ang aking bibig nang makilala siya. May ilang larawan na naiwan sa silid ko at ang taong naroon ay wala iba kung 'di ang babaeng narito sa aking harapan.

Bakit siya nandito at nasa ganitong kalagayan?

Mabilis akong lumapit. “Paano kita matutulungan?” 

“Hawakan mo lang ang kamay ko,” pagmamakaawa nito sa karumal-dumal nitong sitwasyon.

Dahil sa aking pagkahabag, hindi na ako nag-atubili at siya'y hinawakan.

“Maraming salamat at pinakawalan mo ako.” Ngumiti siya, saka ko naramdaman ang biglaang pagbigat ng aking mga kamay.

Nanlumo ako at 'di-makapaniwala sa aking nakikita.

Bakit ngayon, ako na ang nakakadena?

Nag-angat ako ng ulo at tumambad sa akin ang nanlilisik niyang mga mata.

“Ngayon, ikaw naman ang makukulong sa loob ng bangungot na ito!” bulalas ng babae sa nakabibinging tinig.

Binalot ako nang masidhing pagkatakot dahilan para ako'y mapasigaw sanhi ng labis kong paghihinagpis.





***

Note:

Bahala kayo kung gusto ninyong i-plagiarized ito. Babangungutin lang naman kayo mamaya.

Dont worry, magigising pa kayo.

Mga next year nga lang siguro.

***

Ang kuwentong ito para sa  Write-a-thon Challene 'Gabi ng Lagim'

Ang tema ay 'Your place, Your story'.

***

All rights reserved for Ayacintha
November 2020

One Shot Stories By AyacinthaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon