Book of Revival Series #2 Hindi aakalain na makikilala na ni Sylveston ang kamatayan nang mabunggo siya ng napakalaking truck. Ang tanging naiisip niya na lang ay ang kaniyang kaginhawaan dahil sa wakas ay makakapaghinga na rin siya mula sa hirap ng buhay. Nakatitig na lamang siya sa liwanag na nagmumula sa truck hanggang sa naramdaman na lang niya na may malakas na puwersa ang bumangga sa kaniya. Nakatingala siya sa kalangitan habang nanghihina at tila ay hindi na niya maigalaw ang kaniyang buong katawan. Hindi na rin siya makapagsalita dahil parang umatras ang kaniyang dila dala na rin sa pagkakagulat sa nangyari. Kahit nahihirapan, napangiti na lang siya nang masilayan ang nakakasilaw na liwanag hanggang sa kinain siya nito ng buo. Mas lalong lumapad ang kaniyang ngiti nang mapagtantong makakalayo at makakalaya na siya sa malupit na mundo. Ilang minuto ang lumipas ay naramdaman niyang nasa ibang lugar na siya. Napadilat siya at napabangon nang makitang nasa maganda siyang paraiso. Buong akala niya ay nasa langit na siya pero bigla na lang siyang nagulat nang makitang may malaking apoy sa hindi ganoon kalayo sa kaniyang direksiyon. Hanggang sa napagtanto niya, nasa mundo na pala siya ng isang laro.