WALANG-WALA na si Ligaya. Hindi niya makita ang wallet niya. Tinatamad siya na maghalughog ng mga gamit sa labas ng paupahan ni Tita Molly. May mangilan-ngilang tao na tinitingnan siya. Kahit pamasahe papuntang bar ay wala siya kaya napilitan siyang kunin ang wallet ni Alfonso na may kaunting barya.
Sa inis niya sa lalaki ay hinayaan niya itong nakahiga sa gilid ng daan. Tutal ay kasalanan nito ang lahat kaya nararapat lamang iyon dito.
Agad siyang sumakay ng tricycle at nagpahatid sa bar.
Pagbaba niya ng tricycle ay lumakas ang kabog ng dibdib niya nang may makita siyang matangkad at matipunong lalaki na nakatayo sa labas ng bar. Naninigarilyo ito at panay ang linga sa paligid na parang may hinihintay.
“R-ronnie?” Mahinang bulalas ni Ligaya. May halong takot ang boses niya nang sambitin niya ang pangalan ng lalaki.
Si Ronnie ang una’t huling lalaki na nakasiping niya sa pagtatrabaho niya sa bar ni Mamu. Marami itong pera. Nagbebenta kasi ito ng drugs sa mga taong may katungkulan sa gobyerno. Malaki ang ibinayad nito sa kaniya dahil sa virgin siya nang makuha nito. Niligawan siya ni Ronnie pero hindi niya ito sinagot dahil sa takot na madamay sa pagiging pusher nito.
Sinubukan niyang iwasan si Ronnie pero ito ang palaging sumisiksik sa kaniya. Hanggang sa ipinakita na nito kung gaano ito ka-demonyo. Pinagtangkaan siya nitong halayin nang dalhin siya nito sa condo nito. Mabuti at nakatakas siya at hindi ito nagtagumpay. Nagsumbong siya sa mga pulis pero ganoon na lang ang gulat niya nang pumunta si Ronnie sa presinto. Doon niya nalaman na itinimbre ng mga pulis kay Ronnie na nandoon siya. Doon din niya napagtanto na hindi basta-basta si Ronnie. Malakas ang kapit nito sa may mga kapangyarihan.
Kinasabwat ni Ligaya si Mamu. Nakiusap siya na kapag hinanap siya ni Ronnie ay sabihin nito na wala na siya sa bar at hindi nito alam kung nasaan na siya. Naniwala si Ronnie kay Mamu at matagal na panahong tumahimik ang buhay niya. Pero ang tahimik na buhay niya ay mukhang matatapos na dahil muling nagbabalik si Ronnie—ang lalaking patay na patay sa kaniya.
Wala namang problema sa pisikal na anyo ni Ronnie. Kung tutuusin ay gwapo ito. Treinta na ito at maganda ang tindig. Ang problema lang ay hindi niya talaga ito mahal. Wala siyang nararamdaman para sa lalaki kundi takot. Kaya pinagsisisihan niya kung bakit siya pumayag na makipagsiping dito kapalit ang pera. Talagang nangailangan lang siya ng mga panahon na iyon.
Sa takot na makita ng lalaki ay nagmamadali umikot si Ligaya sa likuran ng bar at doon siya pumasok.
Sinalubong siya ng natatarantang si Mamu. “Diyos ko, Aya! Anong ginagawa mo dito? Bakit nandito ka?!” Pigil sa paglakas ang pagtatanong nito.
“Nasa labas si Ronnie. Anong ginagawa niya doon? Alam ba niya na dito ako nagtatrabaho? Akala ko po ba ay sinabi ninyo dati sa kaniya na wala na ako dito, Mamu?”
“Iyan nga din ang akala ko. Pero kagabi ay may kakilala siya na nakakita sa iyo. Nagsumbong siguro sa demonyo mong ex—”
“Hindi ko siya ex, Mamu!”
“Ex man o hindi ay wala akong pakialam! Ayoko ng gulo, Aya. Sorry pero kailangan mo nang umalis dito sa bar. Sisante ka na dito. Tinulungan na kita dati kay Ronnie at hindi ko na kayang itago ka sa kaniya. Kilala ko si Ronnie. Marami siyang koneksiyon lalo na sa mga parak. B-baka ipasara niya itong bar, Aya! Ayokong mangyari iyon kaya ikaw na ang mag-adjust. Please!”
Parang pinagbagsakan ng langit at lupa si Ligaya sa narinig. “P-pero, Mamu, w-wala na po akong mapupuntahan. Pinalayas na ako sa inuupahan kong kwarto!”
“Pasensiya na pero hindi na kita matutulungan, Aya. Umalis ka na. Please naman! Kung may pakialam ka pa sa akin at sa mga nakatrabaho mo dito sa bar ay hinding-hindi ka na babalik dito!”
BINABASA MO ANG
Trust Me, This Is Love
RomanceSa kabila ng magulo at puno ng misteryo na pagkatao ni Ligaya ay inibig pa rin siya ni Alfonso. Hanggang sa naisip ni Ligaya na gamitin ang lalaki upang makatakas sa kaniyang madilim na nakaraan. Pinakasalan niya si Alfonso kahit wala siyang pagmama...