Babae, ako'y isang babaeng nagmahal ng taong hindi ko inaasahang magiging parte ng buhay ko. Iyong akala ko okay lang mawala at madaling palitan kasi akala ko hindi ko siya mahal.
Masarap magmahal, iyong tipong bibigyan ka niya ng lahat, tulad ng puting rosas. Iyong aalalayan at hindi ka hahayaang matakot sa gabi tuwing natatakot ka sa dilim. Iyong pagtakip ng kadiliman sa paligid kasabay ng pagsarado ng pintong tinutulugan ninyong dalawa, yayakapin ka niya nang mahigpit. Iyong mga alaalang nagturo sa aking, " 'Masarap palang ma-inlove,' " pero lahat ng iyon nawala dahil sa katagang, " 'Kawalang tiwala at paghihinala.' "
Masakit, sobrang sakit na isiping nasayang ang magdadalawang taon na pagsasama namin dahil lang sa pagiging isip-bata na akala ko nakabuntis siya, iyon pala nagpositibo siya sa Covid-19 pero huli na para bawiin ang salitang, " 'Closure na hiningi ko sa kaniya.' "
Masaklap, sobrang saklap ng naganap, kasabay ng pagdating ng Jan. 1, 2021, natapos na aming pag-iibigan. Ni pagtawag ko'y ayaw ng pakinggan, dahil siya'y napagod at nasaktan sa aking paratang. Kasabay ng pagpapalit ng taon, isang lumang bahagi na lang ng aklat ang aming nakaraan, at itong kabanatang ito, ang ayaw ko ng matandaan.
At ngayong nasa taong 2021 na, gusto kong maging ako, " 'To be me.' " Gusto kong maging bagong nilalang na isa ng matatag, maunawain at hindi nadadala ng batang kaisipan. Gusto kong maramdamang nagbago na'ng pananaw at kaisipan ko sa mga bagay, upang masabi kong napatawad ko na'ng aking sarili at maari ko na itong mahalin tulad ng dati.
Kasabay ng pagkakamaling napilas sa aklat na binuo naming dalawa, gusto kong itago ang natitirang bahagi, upang hindi ko makalimutang may isang taong nagmahal at nag-alaga sa akin noong panahong ako'y isip-bata pa. Iyong kahit masakit at masaklap man ang naganap sa aming dalawa, hindi ko pinagsisisihang minahal ko siya ng higit pa, kahit na, siya ang lalaking nang-iwan sa akin dahil sa pagkakamaling nagawa.
Mahal ko pa rin siya, pero hanggang dito na lang kami, at ngayong nagpalit na'ng taon, gusto kong magsimula sa aking sarili; matutong magmahal ng pagkatao at matanggap ang anumang pagkakamali ko, higit sa lahat matutong magtiwala muli pagkatapos kong maging isang batong hindi matinag sa ilang.
Kaya naman, gusto kong magsimula ulit. Gusto kong matuto sa lahat at matutong tanggapin na hindi ako perpekto sa larangan ng pag-ibig. Dahil malalaman lang ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, pagwala na'ng taong nagparamdam sa iyong masarap mabuhay kasama ang taong higit na mahal ka noon kaysa ngayong mahal mo na, pag-aari na siya ng iba, at mag-isa ka na lang lalaban kasama ang kaalamang natutunan mo noong minahal mo siya.
Gayon din, kasabay ng paglimot sa bulaklak at kadilimang puno ng alaala, isa na lang itong pilas na aklat. Kung saan mananatiling nakabaon sa aking puso ang masasaya at masasakit na alaala naming dalawa, at ngayon, panahon na para maging totoong ako, to be me, ang bagong ako na natuto sa pagkakamali ng nakaraan.
BINABASA MO ANG
Writing Challenge Entries (Definition Of Creation)
RandomPinagtagpong letra para makabuo ng madamdaming salita. Nagmula sa may akdang may linlang ng kataga. Nakabuo ng madalamhating tinig ng musika, naarok dahil sa puso't damdaming itinugma. Mula sa obra maestrang nilinlang, siyang nagbibigay kahulugan sa...