Makulimlim ang Panahon

1 0 0
                                    

Baha.
Maraming buhay ang nawawala,
Marami kasi ang mga dukha
Sa kagamita'y walang-wala.

Walang masilungan;
Walang matulugan;
Walang maihain sa hapag-kainan;
Salat na sa pangunahing pangangailangan.

Marami nga rin ang hindi nakahihinga
Sapagkat sila'y nalulunod na.
Ang mga tumutulong, bagaman napapagod na
Tuloy pa rin sa pagtulong ng kanilang kapwa.

Sa langit, ako'y tumingala;
Mas malakas na ulan ang nagbabadya.
Naalala ko tuloy ang kanina sa balita:
May malaking bagyo raw ang pumipinsala sa iba't ibang bansa.

Ganito rin noon ang nasilayan ko,
Na hindi rin naagapan ng aming pinuno.
Pagbigay ng mga mungkahi ang naitulong ko,
Ngunit walang pakialam dito ang nakaupo.

"Aming pinuno, ang panahon ay makulimlim."
Pilit ko uli siyang kukumbensihin.
"Itong mansiyon niyong nasa rurok,
Hindi pa ba bubuksan para sa mga taga-mabababang purok?"

"Hangga't sa bubong ko'y walang patak,
Sa labas ay hindi ako tatapak.
Hindi tayo pwedeng humakbang agad
Kung hindi natin sigurado ang bagyo nang sagad."

"'Di ba mismong mga eksperto na ang nagsabi
Na may bagyo ritong mamamalagi?
Hindi ka po ba naniniwala
Sa ating mga dalubhasa?"

"Wala akong pakialam," kaniyang sagot.
Siya pa naman ang sa pwesto'y iniluklok
Upang baguhin ang sistemang bulok na bulok,
At upang protektahan at pamunuan ang aming bayan mula sa mga salot.

"Pero..."

"Ang sinabi ko'y 'di ko na uulitin.
Basta hindi pwedeng pumasok dito ang mga alipin;
Masasayang lamang ito at dudumugin.
Nariyan naman ang mga rescuers na tumutulong sa atin."

Naputol ang aking sasabihin
Nang tumugon siya sa akin.
Umaasa na naman siya sa mga rescuers na halos pulikatin,
Ni hindi nga sila makatanggap ng sabaw at kanin.

"Hindi niyo pa po ba nakikita?
Sa mga mata nila, 'di ba kayo nakararamdam ng awa?
Ang mga rescuers natin ay pagod na pagod na;
Pero, sandamakmak pa rin ang mga bangkay sa kalsada."

"Ano naman kung gayon?
Hayaan mo silang mamatay, ginusto nila iyon.
Matagal ko nang pinalikas ang mga taga-roon;
Ang titigas ng ulo nila, tapos ngayon manghihingi ng tulong?

"HAHA! Isang pagpapatawa.
Kung sumunod lamang sila
Simula pa noong una,
'Di malalagay sa alanganin ang mga buhay nila."

Ayan, tinawanan lang niya
Ang mga nasasakupang nag-aagaw-buhay na.
Kanilang 'di-paglikas, ang dahilan:
Wala silang malilikasan.

"Hindi ko obligasyong
Tulungan sila ngayon;
Hindi ko naman kasalanan iyon.
Walang mapalala ang iyong suhestiyon.

"Kaya, lumabas ka na rito," dagdag niya.
Hindi na lang ako sumagot pa.
Bakit ko pa nga ba kakausapin
Kung alam kong 'di ako iintindihin.

Kinabukasan, nangyari na nga ang aking kinakatakutan.
Dumating ang mas malakas na bagyo sa aming bayan.
Mas lalong dumami ang nawalan ng tirahan,
Subalit ang pinuno'y naroon sa loob, nagpapalaki ng tiyan.

Maiikling kuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon