Ako si Juan. Mayroon akong alagang agila, at ang kakaiba sa kaniya ay wala siyang hawla. Kasi, malaya siya. Oo, malaya siya. Malaya siya noong nasa kamay ko pa siya...
.
Nakatira kami sa gitna ng isang kagubatan, isang kagubatang hindi pa dati lubos na natuklasan. Ang alaga kong agila ay pamana lamang sa akin ng aking ina. Ito ang huling pamana ni ina bago siya tumungo sa bayan ilang buwan na ang nakalilipas.Isang araw, naisipan kong sundan ang alaga kong agila. Tumatakbo ako habang siya'y lumilipad sa himpapawid. Siyempre, mas mabilis siya kaysa sa akin. Masaya kaming naglalaro noon, ramdam ko ang bawat pagaspas ng kaniyang pakpak, at alam kong ramdam din niya ang bawat padyak ng aking paa.
Napalingon lang ako saglit nang nasulyapan kong wala na siya. Agad akong nataranta at hinanap siya. Sinigaw-sigaw ko ang ngalan niya upang balikan ako.
"Nas?! Nas?! Nasaan ka na?!" Sigaw ko habang marahang naglalakad sa gitna ng masukal na kagubatan.
Walang sumagot sa akin at bumalik sa kanang braso ko. Bigla akong napahinto nang marinig ang isang malakas na putok ng baril.
"Hala! Ano kaya iyon? Parang putok ng isang shotgun. Naku, iba ang kutob ko." Bulong ko sa aking sarili.
Umakyat na lang ako sa puno at nakita ang katotohanan.
Nakita ko si Nas, nasa loob na siya ng isang hawla at nagdurugo ang kanang pakpak niya. Hawak ng isang lalaki ang hawla.
"Tama nga ang aking hinala! Hindi! Hindi niya pwedeng gawin iyan sa kaniya!" Bulong ko.
Binitbit ng lalaki ang hawla papunta sa kaniyang kabayo. Dinala niya ito sa kung saan man siya papunta, habang ako heto, walang magawa kundi ang panoorin ang alaga ko na makuha ng iba.
Sinundan ko lang sila hanggang sa nakarating kami sa isang bahay. Doon tumuloy ang lalaki at mukhang mag-isa lang siya. Nilapitan ko ang bahay niya at nagtago lamang sa gilid upang hindi niya makita.
Sumilip ako sa isang bintana at doon ko nasulyapan ang aking agila na nasa hawlang nakapatong sa lamesa. Sumipol ako upang mapansin ako ni Nas. Ngunit, biglang dumating ang lalaking may hawak na shotgun. Napayuko na lamang ako at nagtago.
Mula sa aking kinaroroonan, nakita kong binuksan ng lalaki ang hawla, at si Nas na pilit nagpupumiglas. Pero, wala nang kalaban-laban pa si Nas, 'pagkat may sugat siya.
Akala ko'y gagamutin ng lalaki ang sugat niya, pero nagulat ako sa ginawa niya. Nakita kong pinutol niya ang kaliwang pakpak ni Nas gamit ang isang gunting. Parang bumagsak ang langit at lupa sa akin. Kasabay nito ang pagtulo ng aking luha, at tikom na bibig na halos humiyaw na sa sobrang sakit na nakita.
Maya-maya pa ay may tumawag sa telepono ng lalaki. Kaya iniwan niya muna saglit ang agila sa loob ng hawla. Gustong-gusto ko na sanang itakas si Nas, ngunit ako'y musmos pa lamang at hindi alam kung ano ang gagawin.
Narinig ko ang usapan nila sa telepono. Hindi ko sila maintindihan, dahil ang wikang gamit niya ay espanyol, at doon ko nalaman na espanyol pala itong lalaki.
Pagkatapos nilang mag-usap sa telepono ay bumalik na sa kusina ang lalaki at kinuha ang hawla. Lumabas na siya ng bahay at sumakay ulit ng kabayo bitbit ang hawla.
Sinundan ko ulit sila nang palihim. Kung saan man si Nas dalhin, ay nandoon ako't nagtatago sa lilim.
Huminto na nga ang kabayo at umakyat ako ng puno. Mula sa itaas, nakita kong may lumapit sa kaniya na isa pang lalaki. Maputi naman ito at matangkad. Nagkamayan silang dalawa na tila ba'y may ipinuslit. Pagkatapos, ibinigay ng espanyol sa isa pang lalaki ang hawla, na para bagang binili na niya.