"Kung hindi niyo talaga pinangarap maging piloto,umalis na kayo," sambit ko habang nakatayo dito sa harapan ng maraming magiging piloto.
Nakita ko ang kanilang mga mukhang biglang nagtaka.
"Marahil nga kayo'y nagtataka. Sapagkat pinaalis ko ang iba, o baka naman halos kayong lahat?"
Napangisi naman ang marami nang sabihin ko iyon.
"Nagtataka rin siguro kayo kasi kakaiba itong talumpati ko para sa isang pagtatapos. Well, wala nga itong mga gratitude or whatever, ngunit gusto ko lang matuto tayo.
"Alam naman ata ng marami dito na ako'y ulila na sa aking mga magulang, at si Lolo Pablo lang ang umaruga sa akin. Oo, si Lolo Pablo na isang tanyag na piloto. Ngunit ang hindi ninyo alam, ay wala na siya."
Tumulo bigla ang aking luha mula sa aking mata. Ngumiti na lang ako upang 'di gaano halata.
"Kagabi lamang ay pumanaw na siya. Ang sakit diba? Hindi man lang niya nakita ang kaniyang apo na maging isang ganap na piloto. Hindi man lang niya nakita ang kaniyang apo na nagtatalumpati sa harap ng maraming piloto. Hindi man lang niya masabit ang aking mga medalya." Pinunasan ko ang luha ko gamit ang tisyu.
"Pero alam niyo ba ang mas masakit? 'Yun ang napakalaking kasalanan kong nagawa sa kaniya. Well, hindi lang sa kaniya, maging sa aking sarili.
"Habang nabubuhay pa ang aking Lolo Pablo, palagi niya akong kinukuwestiyon kung gusto ko ba talaga o pinangarap ko daw ba talagang maging isang piloto. Kasi kung hindi raw, eh hangga't maaga pa'y huminto na ako. Palagi ko ring sinasabi sa kaniya na 'Lo, opo.' Ngunit ang hindi niya alam ay gusto ko lang talagang bumilib siya sa akin.
"Hindi ko talaga maintindihan noon kung bakit sa tuwing uuwi ako galing sa paaralan, ay ganoon lagi ang tanong niya. Pero kagabi lang, kung kailan pumanaw na siya, ay naintindihan ko na kung anong ibig sabihin niya.
"Kagabi, mayroon lamang siyang huling dalawang pangungusap: Apo, gusto mo ba talagang maging piloto? Kasi, mas delikado ang salipawpaw kung nasa lapag lamang ito.
"Dati na ring nasabi sa akin ni Lolo na hindi naman daw niya talaga pinangarap maging piloto, ngunit sumunod lang siya sa yapak ng ama niya. Doon ko nalamang kaya pala lagi niya akong tinatanong kung gusto ko ba talagang maging piloto ay upang hindi ako magsisi. 'Yun din daw kasi ang pinakamalaking pinagsisisihan ni Lolo Pablo, ang sayangin ang kaniyang buhay para sa trabahong hindi naman niya talaga gusto. So, kung ayaw niyong masayang ang buhay ninyo, magdesisyon na kayo.
"Ika nga ni Lolo, mas delikado ang salipawpaw kung nasa lapag lamang ito. Malamang maiisip ninyo: Dahil ba marami itong sira kaya hindi ito lumilipad?
"Ngunit nagkakamali kayo. Dahil ang eroplano ay ginawa upang lumipad at hindi manatiling nakalapag. At ang ating mga pangarap ay ang eroplano. Kung pananatilihin natin itong nakalapag ay sayang at hindi natin maabot ang tagumpay; sapagkat, ang pagiging masaya ay pagiging matagumpay na rin. At kung hindi natin ililipad ang eroplano, mananatili tayong nandito sa lapag.
Kaya ang payo ko sa inyo, eh paliparin natin ito. Hindi dahil tayo'y mga piloto, bagkus dahil gusto natin ito."Kaya nga aalis na ako rito. Upang pag-aralan ang kursong totoong gusto ko. Sapagkat gusto ko pa ring matuwa sa akin si Lolo; bukod doon, dahil iyon ang tinitibok ng puso ko.
Lahat naman sila ay nagsipalakpakan at bumaba na nga ako sa entablado.
"Thank you very much, Mr. Juan Ventura for that very inspiring speech..." sabi ng MC saka ipinagpatuloy ang seremonya.
Pagkatapos nga noon ng aking pagtatapos, ay bumalik ako sa pagiging 1st year college upang mag-aral ng kursong gusto ko. Wala na akong paki kung nasayang ang ilang taon ko, ang mahalaga hindi masasayang ang susunod pang taon ng buhay ko.