Ikaunang Kabanata: Bahagi II

470 30 4
                                    

KALUASAM


Maaga akong gumising ngayong araw upang salubungin ang bukang liwayway. Gaya ng nakasanayan ay tinutungo ko ang kabilang parte ng isla, kung saan hindi masyadong naglalagi ang mga tao sa aming barangay.


Dala dala ang aking Kampilan ay patakbo kong tinahak ang landas tungo sa lugar na aking pinagsasanayan. Sa susunod na kabilugan ng buwan ay magsisimula na ang pagsusulit para sa magiging susunod na magiging Datu.


Mula nang ako ay matutong lumakad ay agad na akong pinahawak ng sandata ng aking Ama. Natural daw sa akin ang pakikidigma at alam kong ang mga sinasabi nila ay hindi kasinungalingan sapagkat madali kong nagapi ang aking mga kasabayan. Hindi nagtagal ay nagagawa ko na ring talunin ang mga kabinataan na higit na mas matanda sa akin.


Hindi ko alam kung utang ko ang lahat sa dugong nanalaytay sa akin o sadyang kinasisiyahan ako ng mga diyos ngunit ang nangyari ay nangyari.


Ngayon sa edad kong labing-walong taon ay pumapangalawa na ako sa aking Ama na siyang pinakamagiting na mandirigma sa aming barangay.


Pangalawa.


Hinugot ko ang aking kampilan mula sa sisidlan nito at sinimulan ko ang aking pagsasanay. Mayroong sampung uri ng kilos na siyang pinagsasama-sama ng aking ama upang maging mahusay sa paggamit ng kampilan.


Mas mahaba ang talim ng kampilan na iniregalo sa akin ni Ama kumpara sa aking lumang kampilan. Kung kaya't kailangan kong ihawak ang aking kanang kamay sa pulsuhan ng aking kaliwang kamay na siyang nakahawak sa kampilan.


Isa, dalawa, tatlo, apat,


Isang patuwid na pahati, kaliwa, kanan, pailalim na paghiwa.


Lima, anim, pito,


Tuloy-tuloy dapat ang hakbang. Hindi ka dapat napipirmi sa iisang lugar. Malinaw dapat ang isip upang madali mong maramdaman kung nasaan ang kalaban.


Walo,siyam,sampu,


Kung hindi mo pa naubos ang nakapaligid sa iyo pagkatapos ng bilang, nasa kalahati na ng hukay ang iyong katawan.


Iminulat ko ang aking mata at ibinalik ang aking kampilan sa sisidlan nito. Ang lahat ng mga puno ng saging na nakapaligid sa akin ay putol na.


Sa susunod na kabilugan ng buwan ay hindi na puno ng saging ang siyang aking kailangan tagain, nawa'y hindi bumilang ang mga kasabayan ko sa pakikidigma para sa labanan sa puwesto nang magiging datu.


Ayaw kong mabahiran ng dugo ng aking kasamahan ang aking sandata.


"HIRAYAAAAAAAAA!"


Napatid ang aking pagmumuni-muni ng makarinig ako ng boses ng isang babae. Mahina ngunit alam kong mayroong sumisigaw na babae.

Paham-DayangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon