PAGPAPATULOY(MENSAHE NG PAG-IBIG)
Magulo. Maingay. Madaming tao. Siksikan.
Hindi ako sanay sa ganitong senaryo ngunit heto ako ngayon at nararanasan. Foundation day namin ngayon kung kaya't ang buong paaralan ay napapalibutan ng magagandang dekorasyon.
Makulay ang paligid at pintado ang mga mukha ng bawat estudyante ng hindi matatawarang ngiti. Lahat ay tuwang tuwa sa nasasaksihan at ang karamihan ay nakasuot ng civilian na kasuotan.
"Saan ilalagay ang mga ito, Marisse?" tanong ko habang ipinapakita ang isang paso na puno ng mga bulaklak. Ito ay isa sa dekorasyon namin sa aming silid kung saan napili namin na gawing coffee shop o silid tambayan ng mga estudyante.
Napag-usapan namin ito noong isang araw pa sapagkat lahat ng mag-aaral ay kailangang magkaroon ng partisipasyon sa mga aktibidad lalo na sa grupong gawain.
May iba't ibang pakulo rin ang ibang estudyante tulad namin ngunit hindi ko pa alam lahat sapagkat hindi pa ako nakakapag-libot dulot nitong mahahalagang gawain sa aming silid. Kinakailangan namin itong matapos agad sa takdang oras upang mabuksan na agad at magamit na rin.
"Sa gilid na lang na 'yon." sabay turo ng aming presidente sa kung saan. Inilagay ko naman sa sinabi niyang pwesto ang mga bulaklak at muling tumulong sa pag-aasikaso sa silid.
Ang mga lalaki ay nagkukumpuni ng mga kailangang isabit habang ang mga kababaihan naman ay abala sa paglalagay ng dekorasyon.
Si Talya ay hindi ko kasama ngayon sapagkat siya ang natoka sa paghahanda ng mga uniporme na kailangang isuot mamaya. Siya rin kase ang naka-isip ng bagay na iyon kung kaya't kailangan niyang mapanindigan.
"Okay, guys! Konting ayos na lang at matatapos na tayo. Dalian na lang natin para magkaroon pa kayo ng oras sa pag-iikot kahit sandali lang bago magsimula ang pagbubukas ng stall natin." malakas at maotoridad na ani ng aming presidente na si Marisse. Pawisan na ang kaniyang noo at medyo basa narin ang damit gayon pa man ay nakuha niya paring ngumiti sa amin at bigyan kami ng lakas ng loob.
Isang tunay na pinuno.
Inayos ko ang pagkakalapat ng kobreng magtatakip sa mga lamesa at nilagyan ng maliit na paso sa gitna kung saan may roong maliit at pekeng kumpol ng bulaklak.
Maganda ngunit hindi mahalimuyak sapagkat peke nga lang."Jossalyn, Blade, Carla, and Arthur; kayo ang unang set na magseserve ng mga inumin at pagkain sa mga costumers-waiter kumbaga. Si Astrid at Talya naman ang mamahala sa counter hanggang mamayang alas dose, gayon rin ang mga unang nabanggit ko kanina. Hanggang tanghali lang kayo at mapapalitan din pagka-tapos kaya huwag kayong mag-alala dahil makakapag-ikot pa kayo." Sunod niyang binanggit ang mga papalit sa mga pwesto namin pagkatapos.
Ang iilan ay hindi na kasama sa pagseserve o pagiging waiter dahil sila naman ang mag-aasikaso pagkatapos magamit nitong stall. Sila ang maglilinis at mag-aayos ng mga pinang-gamitan.
Matapos niyang magsalita ay nagbihis na ako ng kailangan kong suotin at nagpunta na ng counter kasama na si Talya.
"Astrid, hindi ka pa ba nagugutom? Grabe akala ko mag-aabot lang ng bayad at ng sukli pero hindi lang pala yun ganon kadali. Kinakalawang na ang mga braincells ko!" hinarap niya naman ang sarili niya sa akin ng wala pang costumer.