Beach. Sand. Water. Sunset. Kapag bakasyon, doon mo lang makikita si Mateo, sa isang beach malapit sa resthouse ng pamilya niya. Mag-isa. Nakatunganga. Hindi ko alam kung nag-aabang siya ng paglubog ng araw o nagaantay siya ng makakausap. Pero madalas, nakaupo lang siya sa isang bench at nakatanaw sa malayo. Para sa kanya, isang magandang pagtakas iyon mula sa magulo at ma-traffic na buhay sa Manila.
Sa mga ganitong pagkakataon, pinagmamasdan niya ang mga tao sa paligid niya. Mga mag-asawa. Pamilya. Mga magkakaibigang nagtatampisaw sa tubig. Mga tindero na naglalako ng paninda sa beach. Mga nakahiga sa buhangin at nagpapahinga. At doon, sa pagkakataong iyon, nakita niya ang taong babago ng kanyang mga paniniwala, ang magpapaikot ng kanyang mundo, ang magpapalabas ng lahat ng kalokohan niya sa katawan… Si Joey.
Maganda si Joey. Balingkinitan ang katawan. Mahaba ang buhok. Simpleng babae. Pero masayahin. Makulit. Laging nakatawa. Siya yung tipo ng babaeng ipapakilala mo sa magulang mo at ipagmamalaki sa mga kaibigan mo. Siya yung tipo ng babaeng ihaharap mo sa altar at pangangakuan na makakasama habang buhay. Siya yung tipo ng babaeng paglalaanan mo ng panahon at sasabihing walang oras na nasayang kapag kasama mo siya. At sa mga oras na iyon, sa mga pagkakataon na iyon, sa di inaasahang pagkakataon, habang nakaupo at nagpapahinga si Mateo, nakita niya si Joey kasama ang boyfriend niyang si Keno. Nagtatalo. Malakas ang boses ni Keno. At napapaiyak na si Joey. Nagsisigawan sila. Ito ang pinapanood ni Mateo noong mga panahon na iyon. At walang anu-ano ay biglang sinampal ni Keno si Joey. Sa di inaasahang pagkakataon at di maipaliwanag na dahilan ay biglang tumayo si Mateo, umalis sa kanyang pagkakaupo, at lumapit sa dalawa…
MATEO: (nakaharap kay Keno…) Ang babae, minamahal. Hindi sinasaktan.
KENO: Huwag kang makialam dito.
MATEO: Puno na ang salop, dapat ka nang kalusin.
KENO: Ano? Anong pinagsasabi mo diyan? Siraulo ka ba? Huwag kang makialam dito. Umalis ka na kung ayaw mong masaktan.
MATEO: Bilis-bilisan mo… Nagsimula na ang panibagong paglilitis mo… At ngayon… Ako ang huhusga!!!
KENO: Niloloko mo ba ako? Gusto mo ba talagang masaktan?
MATEO: Umpisahan mo, ako ang tatapos.
JOEY: Keno, huwag ka nang mandamay… (natatakot na umaawat kay Keno…) Nananahimik yung lalaki… Wala siyang kinalaman dito…
KENO: (kay Joey…) Huwag kang magulo! Siya ang nakialam dito! Tumahimik ka diyan!
MATEO: Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, pero gusto kong malaman mo na huwag ka munang magpaikot, Hindi pa tapos ang laban!
KENO: Aba’t talagang naghahamon ka pa! (pinitsarahan si Mateo…) Ano bang gusto mong mangyari? Eh mukhang matanda ka na at di mo na kaya ang katawan mo?
MATEO: Ang problema sa ‘yo, maaga kang ipinanganak.
KENO: Ano?
MATEO: Kung sa Cavite ‘di ka nagsisimba, dito sa Tondo magsisimba ka nang may bulak sa ilong!
KENO: Aba’t siraulo ka… (at biglang sinuntok ni Keno si Mateo… Bumagsak si Mateo sa buhanginan…)
JOEY: (napasigaw…) Saklolo!!! Tulong!!! May nanggugulo dito!!! (lumapit sa bumulagtang si Mateo…) Tulungan ninyo kami!!! (sabay harap kay Keno at bumulong…) Kung ako sa iyo, umalis ka na. Dahil siguradong maglalapitan ang mga tao dito. Nasa beach tayo. Maraming tao. Magugulpi ka lang nang wala sa oras.
KENO: (napalingon sa paligid niya at nakitang naglalapitan ang mga tao…) Mag-uusap pa tayo Joey. Mag-uusap pa tayo… (at umalis si Keno…)
JOEY: (kay Mateo…) Sir, okay lang kayo?
MATEO: Oo. Ayos lang ako. Nasapak na naman ako dati.
JOEY: Tama ba ang mga narinig ko kanina? Gumamit ka ng mga linya ni FPJ?
MATEO: Wala akong maisip na sasabihin. Ang unang pumasok sa isip ko ay mga pelikula ni FPJ. Kabisado ko naman karamihan sa mga linya doon. So yun ang ginamit ko. This is my first time doing this.
JOEY: (binatukan si Mateo…) Siraulo ka pala eh! Paano kung nagulpi ka kanina?
MATEO: May PhilHealth naman ako.
JOEY: (nangiti sa sagot ni Mateo…) Pero thanks. Anong pangalan mo?
MATEO: Mateo. Pero my friends call me “Pogi.” Pero para sa iyo, kahit “Mateo” na lang.
JOEY: (nangiti ulit…) Joey. Siraulo ka talaga noh? Bakit ka ba lumapit nung sampalin ako kanina?
MATEO: Maiba lang. Kanina pa ako nakaupo sa bench eh.
JOEY: Masakit ba ang pagkakasuntok sa iyo?
MATEO: Hindi naman. Mas masakit pa yung pagkakakagat sa akin nung aso kanina bago ako naulol.
JOEY: Ha? (nagulat…)
MATEO: Joke lang.
JOEY: (nangiti ulit…) Siraulo ka talaga. (tinulungang makatayo si Mateo…)
MATEO: Gusto mong mag-ice cream?
JOEY: Ha? Okay lang naman.
MATEO: Tara. Ikaw ang magbabayad.
JOEY: (natawa…) Ano?
MATEO: Libre mo na ako after nung incident kanina. That’s the least you can do. (nakangiti kay Joey…)
JOEY: (natawa…) Ibang klase ka rin. Sige. May ice cream parlor diyan.
At doon nakilala ni Mateo si Joey. Buti na lang pala movie buff itong si Mateo at marami siyang alam na punchlines and movie quotes dahil kung hindi, baka nakatayo lang siya doon habang nagtatalo sina Joey at ang ang boyfriend niya. Ang hindi nila alam, iyon na ang simula ng bagong yugto sa kanilang mga buhay. Isang kasaysayang magbabago ng buhay ng bawat isa…
BINABASA MO ANG
CHANGE ME: Ibahin Mo Ako
RomanceKapag bumanat si Mateo, kahit sinong babae siguradong mapapangiti. Pero bakit pagdating kay Joey, hindi niya mahuli ang kiliti?