19

149 6 0
                                    

Akuji Prevosa



Matapos ang kaganyak-ganyak na karanasan ay ligtas naman kaming nakarating sa mansyon. Hawak-hawak ko ang mga papeles na, salamat sa diyos na hindi nabutas dahil hindi ko pa tapos na suriin. Mabilis ding napakalma si Ezra sa mga nangyari kaya't sabay na kaming lumabas ng sasakyan, habang si Ettore naman ay sinusuri ang mga yupi at butas sa likuran ng sasakyan.

Nasa may liblib na lugar kami ngayon ng Outlaws, may mga naninirahan dito ngunit mga taong naniniraha lamang sa lupa ng iba ang mga nakatira dito. Bahagyang makulimlim sa lugar na ito dahil natatakpan ng mga gusali ang sinag ng araw. Hindi gaanong kaingay dahil madalas dito rin magtago ang mga taong maraming pinaguutangan.

Sa paglabas namin ay napansin ko kaagad ang isa pang sasakyan na nakaparada sa maruming gusali na papasukan namin. Imposible naman sasakyan ito ni kuya dahil pinaalis ko na siya dito sa lungsod, ngunit kakaonti lang ang may alam sa opisinang ito. Maglalakad na sana ako nang may isang babae na lumabas sa gusali.

Si Ate Grace.

Napakunot ang aking noo dahil hindi ko maintindihan kung bakit niya kailangang bumisita sa opisina ni kuya. Maaari naman siyang dumiretso sa mansyon, kaya bakit siya nandito? Nakakunot din ang kanyang noo at nagpalingon-lingon siya sa kalsada. Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala.

Siya lang ba mag-isa dito? Nasaan si Kuya Custodio?

Ilang sandali ay nagtama ang aming mata. Nakita kong kuminang ang mga mata niya at tumakbo siya palapit sa akin na para bang natutuwa siyang makita ako. Ilang araw nang nakahiwalay na nakatira si Ate sa pamilya namin kaya naiintindihan ko kung hinahanap niya kami o kaya naman ay naninibago pa rin sa kanyang baging buhay may asawa.

Nanigas ang katawan ko sa gulat nang magkabunggo ang aming katawan dahil sa hindi ko inaasahan niyang pagkakayakap.

Nakayakap ang kanyang mga braso sa aking likuran at nakabaon ang kanyang ulo sa aking balikat. Magkadikit ang aming katawan, habang ramdam ko ang mainit na luha na dumadaloy sa kanyang pisngi at napupunas sa balikat ko.

Gaano na bang katagal na panahon noong huli kaming magkayakap ni Ate?

Bakit pakiramdam ko ay napakatagal na?

"Ate Grace," ang pagtawag ko sa kanyang pangalan at hinawakan ang kanyang balikat upang mailayo na siya sa akin. Nakasuot pa rin siya ng itim na bestida. Nagdadalamhati pa rin siya sa pagkamatay ni Kuya Arvin. Sobrang lalim na ng kanyang kalumata, marahil dahil sa kakawalan niya ng tulog at pahinga mula pa kahapon.

Hinawakan niya ang aking pisngi. "Nakita mo ba ang kuya mo?" nag-aalala niyang tinanong. "Wala kasi siya sa mansyon at hindi ko siya at wala rin siya dito sa opisina niya," huminto siya ng sandali. "Bakit ka nga ba nandito? May nangyari ba? Ayos ka lang—" hinawakan ko ang kamay ni Ate na nakalagay sa pisngi ko. Kitang-kita na hindi para kay Ate ang buhay na ito, hindi mo siya makikita bilang ang prinsesa ng Pamilya namin. Napabuntong hininga ako at inilayo na din ang kamay ni Ate sa mukha ko.

Ayaw kong makita ang Ate kong ganito.

"Ate, itigil mo na ang kalokohang ito," pagsaway ko sa aking kapatid. Nakita ko ang gulat sa kanyang mukha. Hawak-hawak ko ang kanyang braso.

"Buksan mo ang mga mata mo, Ate. Anak ka ng isang Prevosa at ganyan ang ipinapakita mo?" Napatawa ako. "Hindi mo ba naisip kung gaano nakakahiya yang ginagawa mo sa imahe ng ating pamilya? May asawa ka na at mas pinipili mong magluksa sa lalaking hindi ka kayang ipinaglaban—"

Nang walang pag-aatubili, hinampas niya ang kanyang kamay sa aking pisngi nang pagkalakas-lakas. Umalingawngaw sa buong pasilyo ang tunog ng pagkapitik ng kanyang pagkasampal. Nagsimulang manginig sa sakit ang aking pisngi na kumalat mula sa aking labi hanggang sa aking tainga.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 15, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

𝑷𝑨𝒀𝑩𝑨𝑪𝑲 (ᴏɴɢᴏɪɴɢ)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon